BAWAL ni Sheryl Lyn C. Certeza



BABANGON, magsisipilyo, magsasalok, maliligo.

Titingnan ko ang orasan, pasado alas-sais na naman. Magmamadaling maglagay ng pulbo sa mukha at wax sa buhok. Sasakay ng traysikel Sasakay ng dyip. Pagbaba, magmamadaling maglakad patungong hagdan habang nakikipag-unahan sa mga taong nagmamadaling makarating sa patutunguhan gaya ko.

Pagdating sa hagdan na animo’y finish line, mag-uunahan sa pila sila ate at kuya.

Pagkapanhik, pipilang muli. Kani-kaniyang pabilisan sa paghakbang ang bawat nilalang. Kakapa ang aleng maputi ang buhok sa kaniyang bag.  Maglalabas ng pitaka si ateng nakauniporme na may bitbit na libro. Lilingon-lingon naman ang ateng naka-grin na animo’y may hinahanap. Isusuksok ko ang aking kamay sa’king bulsa. Bibilang ako ng labinlimang barya.

Sa wakas, nakakuha na ng malutong na plastik na korteng parihaba kapalit ng mga baryang binilang ko kanina.

Pagpasok sa loob, maghahanap ako ng mapupuwestuhan. ‘Yong maluwag-luwag. ‘Yong walang gaanong tao. Maglalakad ako sa bandang kanan. Doon kasi ang pwesto ng mga babae. Bukod ang babae at lalaki.

Lakad. Patuloy sa paglakad. Mabilis upang hindi maunahan. Hanggang makahanap na ng mapupuwestuhan.

Sa dulo. Malapit sa guwardya. Medyo maluwag kasi ‘pag doon. Hindi pa gaanong mainit. Maya-maya’y magtitinginan ang lahat sa akin. Tingin. Titig. Tingin. Tingin na tila nagtataka. Tingin na tila nagtatanong. Mapapangisi na lang ako kasabay ng pag-iling. May kung anong naglalaro sa aking isip. “Nakakita na naman kayo ng celebrity!” bulong ko sabay ngiti. Nasanay na rin ako. Sa araw-araw ba naman na nilikha Panginoon ganito lagi ang eksena.

Maya-maya’y maririnig na ang pagdating ng tren. Maggagalawan na ang mga tao. Magkikislutan. Maggigitgitan. Ngunit hindi ito hihinto. tuloy-tuloy sa pag-andar. Paepal lang pala. Pinasabik lang ang mga nag-aabang.

Aatras ako nang kaunti. Medyo matagal-tagal na naman kasi ulit ang susunod na tren. Sa aking pag-atras, mapapatingin ako sa guwardiya. Nakatingin din siya sa akin. Tingin na tila may nais sabihin. Lilingon saglit at muling babalik ang tingin sa akin. Sa pagkakataong ito, masama na ang kanyang tingin. Magtataka ako. Gagantihan ko rin ng tingin. Masama rin.

Naalis ang nag-aalab na tinginan ng biglang may bumusina.

Paparating na s’ya. Sa wakas. Bulong ko sa isip.

Magkakagulo na naman. Maggigitgitan. Magtutulakan. Hindi na muna ako gagalaw. Pausad-usad lang nang kaunti. Hahayaan ko munang makapasok ang mga taong itong animo’y sasabak sa giyera. Pababayaan ko na lamang silang magbuwis-buhay para lang makasakay. Ayoko kasing madamay sa sakitan. Sa sikuhan. Sa tulakan.

Sa pagdating ng Cold War, saka pa lamang ako sasakay.      

Pahakbang na ako nang biglang may bumaltak mula sa aking likuran.

May malaking tinig na maririnig.

“Boy, bawal d’yan, doon sa kabila ang mga lalaki!”

Katahimikan.

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pokus ng Pandiwa: Direksiyonal at Sanhi

Mga Salitang Magkakatulad at Magkakaugnay

Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo