Mga Post

Ipinapakita ang mga post na may label na Dama

Kailangan Kong Mag-Blog!

Matagal-tagal na ring hindi nakapagsusulat dahil masyadong maraming gustong gawin sa buhay! Pero dahil nga sa isinasaayos ko ang mga blogging account/sites ko, kailangan kong mag-update. Wala namang masyadong bago! Bukod sa maraming binago sa akin ang panahon. Kung maganda ba o hindi, hindi rin ako sigurado. Ngunit alam ko, marami nang nagbago. Hindi na ako tulad ng dati. Hindi na kasinghina noon.  Marahil, masyado ko na ring niyakap ang lungkot kaya hindi ko na mapagkaiba ito sa ibang damdaming na nananahan sa akin. Nakatatawang isipin, pero iyon ang katotohanan. Hindi sa hindi mo ginagawan ng paraan ang 'yong sariling pag-unlad, ngunit ito na ang tanging opsyon na ibinibigay sa iyo ng mga sirkumtansya sa paligid mo na hindi mo naman na maitatatwa dahil bumubungad na harap mo. Kung ano't ano man, isa lang ang sigurado--marami pa akong kuwento! -Fin, 09.05.2020

Emotionally Damaged K--

“Pero iniwan mo ako ‘nun” Habang abala ako kagabi sa harap ng aking “bagong ayos” na laptop (hindi pa rin ako makaget-over sa gastos, bruh), sumusulyap-sulyap din ako ng panonood sa Goblin. Hindi naman talaga ako sumusubaybay pero nasusundan ko ang kuwento dahil common sense lang naman ang pag-unawa sa mga teleserye o kung anuman na may ganoong tema. “Common sense”, bago ako awayin ng mga nag-aadik sa Kdrama, hindi negative ang ibig kong sabihin sa “common sense”. Lahat ng bagay ng trending o viral ay nagiging common o pangkaraniwan na lamang sa ating sense o kamalayan. Kaya isa pang pag-unawa sa “common sense” ay ang pagiging kolektibo ng kamalayan ng mga taong tumatangkilik sa isang partikular na penomena, o di ba, nailusot! Pero iyon talaga ‘yun. Ito ang linya... “Pero iniwan mo ako ‘nun...” Kasabay ng pagpungay ng mga mata ng bidang babae na tila nagbabadya ng pagpatak ng luha. At kasabay rin nito ay ang pamumuo ng luha sa gilid ng aking mata. Alam kong korni, pero...

Hindi na kita mahal

Hindi na kita mahal Hindi...na...kita...mahal! Mahal, hindi na kita mahal. Matagal-tagal na rin... Hindi ko tinutukoy yaong tagal ng pagkakawalay Ngunit ang tagal nang magsimulang mawala ang pagmamahal. Aaminin ko, kumapit pa tayo, ako Pero ang totoo, Hindi na kita mahal. Patawad, Pero nagsimula ito Noong nagkukuwento ako Habang ikaw nakatututok sa phone mo Galak na galak ako noon Unang beses akong napuri sa trabaho At ikaw, napasigaw Dahil 49% lang ang attack mo. Tanda mo pa, Iyong ginabi ako sa daan Nagpasundo ako sa’yo Pero ang sabi mo malaki na ako Nakatatawa lang, Kasi noong nanligaw ka, baby ang tawag mo Kaya sabi mo susundui’t ihahatid mo ako. E yung unang away nating dalawa? Tanda mo pa ba? Yung nag-chat yung ex ko Tapos galit na galit ka Umiyak ka noon at nagsorry ako. Pero naalala mo rin ba nung Nagparamdam yung ex mo, Nakangiti ka noong sinabi At tinanong kung nagseselos ba ako. Hindi ako sumagot. N...

Ako si Stella Fate

Ngayong araw, naisip ko ang ngalang Stella Fate. Stella Fate, babaeng-babae pakinggan. Siguro kung magkakaanak ako, papangalanan kong Stella Fate. Ngunit parang tunong mahina? Pangalanan ng babaeng mahinhin, malamang na maging hikain, tahimik, at walang kalaban-laban. Hindi kaya ganoon tingnan ng ibang tao ang pangalang Stella Fate? O baka naman isiping masyadong maka-Alta ang pangalan. Tunog-mayaman. Pero hindi, ito ang naglalarawan sa akin. Stella, salitang Espanyol na nangangahulugang “bituin o tala”, at Fate, para sa tadhana. Sapagkat naniniwala akong lahat ng nangyayari sa buhay ay nakadikta nang mangyari sa atin. Hindi na natin maaaring pangunahan ang posibleng mangyari dahil sa una pa lang hindi naman natin nalalaman kung ano ba ang posibleng mangyari sa atin sa hinaharap, dahil nabubuhay pa lamang tayo sa kasalukuyan. At dahil naniniwala akong mayroong Diyos na nagkokontrol, pinaniniwalaan ko ring kontrolado Niya ang lahat ng bagay na tuwirang kaugnay ng mga bagay na maaaring ...

HBD

“Nagising akong kinukumot ang lungkot sa madaling araw ng aking kaarawan. Hindi ko alam kung ito ba talaga ang dapat na maramdaman sa dalawampu’t apat na taong paghinga. Sa mabilis na pagpapalit ng mga taon, isa ito sa hindi ko gusto.” Pupungas-pungas pa siya, at nakapikit pang bumangon mula sa higaan. Ika-24 niyang kaarawan. Walang bago. Mali, bago ito sa kaniya. Dahil ito ang pinakamalungkot sa lahat. Pakiramdam niya’y maraming kulang sa kaniya, o kaya walang-wala siya. Walang kaibigan, walang pamilya, walang pera, wala pati ang sarili niya, nawawala siya. Mabilis siyang kumilos para makapasok nang maaga. Ayaw niyang manatili sa bahay. Ayaw niyang maabutan siya ng mga bagong gising na kasama sa bahay. Ayaw niyang batiin siya ng mga ito. Ayaw niyang may makaalam na kaarawan niya. Mag-iisang buwan na siyang wala sa sarili. Kung ano-ano na hinahanap niya sa internet para lang makatulong sa kaniya. Pero wala itong kongkretong bagay na maibigay. Kung puwede lang sanang mabi...

Hangin sa Araneta

Iba ang hangin sa Araneta. Nakatatangay ng pangarap. Binubugbog nito ang mga panaginip ko sa tuwing dilat naman ako ngunit sadyang marami naglalaro sa balintataw. Iba ang hangin sa Araneta. Pinasisikip nito ang maluwag kong mundo. At hindi ako pinapatakas para gawin ang mga totoo kong gusto. Iba ang hangin sa Araneta. Nagsisilang ng mga bulong, ng mga ugong, ng mga dagundong na lalong nagpapalakas sa tibok ng puso ko kahit hindi ko na malaman kung para saan pa tumitibok ito. Iba ang hangin sa Araneta. May kasamang alikabok, na sumasanib sa napupulbos kong mithiin, ang layuning magawa ang tunay na isinisigaw ng damdamin. Kay lupit ng hangin sa Araneta. -FIN

“Yosi Break”

Sa wakas, makakatayo na rin sa kinauupuan si Arman. Pagkatapos niyang kumain kaninang alas dose at naupo, hindi na siya muling tumayo. Ngayon na lang ulit. Yosi break na, sa wakas. Makakahinga na ulit siya. Dahil sa tambak na gawain, lalo atang sumisikip ang dibdib niya. Hindi siya makahinga. “Hindi na umabot sa ospital ang isang mid-40 na empleyado ng isang call center company, matapos atakin sa puso. Tinitingnan din ang iba pang anggulo sa pagkamatay ng lalaki. Kung ito ba’y may kinalaman sa init na dala ng panahon.”

INAY

“Napapansin kong lagi na lang akong pinagagalitan ni Inay, lalo na’t kung natatalo siya sa sugal. Noong isang araw, halos mabuwal ako sa daan nang maitulak niya ako dahil sa panggigigil, muntik rin akong masagasaan ng paparating na sasakyan. Hindi ko alam kung bakit ganoon si Inay. Kanina, natalo na naman siya sa sugal kaya galit na naman siyang umuwi sa amin. Naghahanap siya ng makakain ngunit hindi pa naman ako nakapagsaing, wala naman kasing iniwang pera si Itay. Tiyak mabubugbog na naman ako ni Inay, kaya parang gusto ko na lang umalis, gusto kong takasan si Inay. Dali-daling binalot ko ang mga gamit ko, aalis ako dahil hindi ko na kaya ang ginagawa sa akin ni Inay. Paalam Inay, sana’y hindi ka na matalo sa sugal dahil wala na ako, wala na ang malas sa buhay ni Inay.”

PAPEL

Ang mga papel ay mananatiling mga papel na lamang na pagdating ng araw ay maaaring malukot at sunugin At sa puntong iyon ang papel ay magiging abo Abong may kalayaang lumipad saan man nito gusto. Sa pagkakataong iyon, magpapasalamat sa papel na iyon sa hindi mo sa kaniya pagpapahalaga. Dahil sa wakas, nakalaya ka na siya sa pagkakagapos mula sa iyo Hindi na niya kailangang intindihan kung paano ka mapasasaya At hindi na niya kailangang unawaan ang kalungkutan mo sa tuwing kasama mo siya. Sa wakas, malaya na ang papel na wala naman talaga papel sa pagkapapel niya. -FIN

TULA

Hindi ako marunong sumulat ng tula Lalo na yaong may sukat at tugma Hindi ko kilala ang tanaga Lalo na sa pagpili ng tamang letra Hindi ako sanay sa pagbigkas Dahil di ko alam kung tama ba ang emosyon Hindi ko kilala ang tugma Umaayaw ako sa kaangkupan. Hindi ko maikulong sa titik Ang mga emosyon Hindi ko mahawakan ang kariktan ng dulog Hindi ko kabisado ang talinhaga Hindi ko mayakap ang alusyon Nakapapagod tumula Lalo’t hindi ka marunong sumulat Nang may sukat at tugma -FIN

Subukan nating magsulat ng script (Failed)

Ika-12 ng Mayo 2017 7:56AM Tatangkaing magsulat. Wala pang maisip na paksa. Alt+Tab. 7:59AM Kukuwentahin na naman niya kung magkano ang sasahurin niya sa a-kinseng darating. Biyernes pa lang ngayon. Sa Lunes pa ang sahod. Lugmok ang weekend. Php 535.00 x 10 days = Php 5 350.00 Hindi niya pa sigurado kung bayad 'yung unang araw dahil Holiday. Mayo Uno! Wala naman na siyang magagawa. Magsisimula na sa trabaho habang umiinom ng mainit na kape. Tataas na naman ang acid niya. 8:16AM Kung ano-ano na naman ang pumapasok sa isip niya. Dangan ba naman kasing nag-load siya pero wala namang siyang ka-text. Nanghihinayang tuloy siya sa bente na sinayang niya. Naiinis din siya sa mga kapitalistang nagpamudmod ng mga sim card na napapaso kapag hindi nalo-loadan nang matagal. 8:21AM Maya't maya niya rin binabantayan ang kilos ng mga kasama niya. Pangiti-ngiti para kunwa'y may nag-e-exist siya. Pero hindi niya pa rin kasi mahanap ang kiliti ng mga ito. O wala siyang i...

Ice Cream

Noong bata ako, lagi kong inaabangang bumagal ang ikot ng ice cream na ito sa isang factory na katapat ng iskwater na kinatitirikan ng aming bahay. Nang minsang pag-uwi ko galing eskwela, nakita ko itong nakahinto. Hindi ko alam kung bakit, pero nakaramdam ako ng lungkot sapagkat naging bahagi na ito ng pang-araw-araw na dapithapon ko. Ngayon, natutunghayan ko ang ice cream na ito mula sa ibabaw, kabahagi ng ako ng isang factory na malapit sa iskwater, naaalala ko ang pagkabata ko. Ngunit bumabalik ang lungkot ko, dahil baka 'pag tumigil ang ikot nito, magaya rin ako sa kinasadlakan ni Itay. -FIN