Sikolohiya sa Loob ng Ilang Awitin ni Gary Granada at mga Kwento ng Pakikibaka sa mga Lunggating Maka-Pilipino
Sikolohiya sa Loob ng
Ilang Awitin ni Gary Granada at mga Kwento ng Pakikibaka sa mga Lunggating
Maka-Pilipino
ni Kristine Mae N. Cabales
Abstrak
Ang papel
na ito ay naglalaman ng analisis sa mga awiting naisulat at itinanghal ni Gary
Granada sa loob ng tatlong dekada. Bilang isa sa haligi ng Original Pinoy Music
(OPM), nakilala ang kanyang mga awitin, higit lalo noong ‘80s dahil sa mahusay
na paglalarawan nito ng mga kwentong-buhay ng isang ordinaryong mamamayan at
ang pakikibaka nito sa araw-araw. Sa papel na ito, tatangkaing himaymayin ang
bawat awitin upang madalumat ang Sikolohiyang Pilipino na tinataglay ng mga
mensahe nito. Ang awit bilang isang sining ay naglalaman rin ng lantad at
di-lantad na kahulugan, na maaaring nagsasaad din ng iba pang kwento bukod sa
lantay na pakahulugan ng ilang tagapakinig. Sisikaping iugnay ang nilalaman ng
mga awiting ito sa iba’t ibang sikolohiya ng lahing Pilipino, sang-ayon na rin
sa ilang sulating-pananaliksik na isinagawa ng ilang Pilipinong sikolohista, sa
pangunguna na rin ni Virgilio Enriquez. Gayundin, ng ilang iskolar na
nagtangkang unawain ang SP kaugnay ng iba’t ibang larang at ang pagsasapraktika
nito sa iba’t ibang konteksto at danas ng isang Pilipino.
Kaligiran: Ang Sining
ng mga Awit at Pagkilos
Ang isang
produktibong komunidad ay nagsisilang ng iba’t ibang sining na siyang nagiging
behikulo ng ugnayan sa loob nito. Kalakip sa sining na ito ang wika at kultura
na hindi rin maaaring paghiwalayin. Ang tao, bilang isang yunit ng komunidad ay
may kanya-kanya ring gampanin dito. May iilan na nagiging produktibo ngunit
hindi rin naman maiiwasan na mayroon ding sadyang “pambala na lamang sa kanyon”
kung ituturing. Ang pagiging produktibo bilang kaugnay ng salitang aktibismo ay
nagpapatunay lamang na ang taong buháy ay aktibong miyembro ng isang komunidad.
At sa salitang aktibo, pangangailangan dito ang pagkilos at pagbabago.
Hindi
maikakaila na ang mga mamamayan ng ating bansa ay nagtataglay ng iba’t ibang
talento’t sining na sadyang maipagmamalaki saan mang panig ng daigdig. Hindi
iilang ulit na bumilib ang ibang bansa sa mga talentong ipinakikita ng mga
Pinoy, lalong higit sa larang ng musika. Maging ang mga kilalang mang-aawit at songwriters sa ibang bansa ay bumibilib
at naniniwala sa kahusayan ng mga Pilipino sa pag-awit. Kinikilala rin sa ibang
bansa ang ilang mga awiting isinulat at inawit ng isang Pinoy. Isa sa mga
minamahal na sining sa ating bansa ay ang sining ng musika na inihahandog natin
sa mundo. Ngunit, pakatandaan na ang sining, ayon kay Dr. Balagot (2016), ay
repleksyon lamang ng partikular na danas ng isang partikular na komunidad. Kaya
masasabi rin, na ang sining, kolektibo man ay hindi panlahat. Hindi mo maaaring
sabihin na ang ipinahihiwatig ng isang awit ay nauunawaan ng lahat, kung hindi
naman ito nararanasan sa pangkabuuan. Gaya ng mensaheng nais palutangin ng
iba’t ibang mang-aawit at songwriters
sa bansa, mayroong iba’t ibang paksain at hinaing, mayroong iba’t ibang
pagkilos at pagbabago.
Simula
pa noo’y ilang musikero na ang nakilala sa kanilang mga adbokasiyang makabayan.
Nakikita nila ang pagsulat ng awitin bilang isang paraan upang maipamulat sa
kanilang tagapakinig ang realidad. Dekada ’70 ang panahon na itinuturing nating
nakatatak sa kasaysayan, dahil sa EDSA Revolution na simbolo ng malawakang
pagkilos para sa pagbabago. Mula noon, mas dumami o lumawak na nga rin ang
sakop ng tinatawag na pagkilos para sa pagbabago o masasabi ring aktibismo.
Hindi na lamang sa usapin ng manggagawa umiikot ang konseptong ito, ngunit
maging sa mga mag-aaral at gayundin sa mga ordinaryong maybahay. Masasabing
malaki ang naging epekto nito sa lahing Pilipino, sapagkat nagdagdag nga naman
ito ng konsepto ng tapang para sa atin. Bukod doon, nagkaroon din tayo ng iba’t
ibang paraan para ipakita ang ating pagkilos para sa ipinaglalaban nating
pagbabago at pag-unlad. Isa na rito ang pagsulat ng mga awitin ng pakikibaka,
na hanggang sa ngayon ay itinatangkilik pa rin naman ng iilan ngunit hindi ng
nakararami.
Isa si
Gary Gamutan Granada, sa mga maituturing na icon
pagdating sa OPM. Naging tanyag ang kanyang pangalan Dekada ‘80s, dulot ng mga
awiting kanyang naisulat na mayroong pulitikal na tema. Isa rin siya sa
malalaking tagahanga ng pangkat ng Barangay Ginebra San Miguel sa liga ng
basketball, at iilang awitin din ang ginawa niya para sa pangkat. Nakilala
siya, hindi lang dahil sa mahusay niyang pag-awit bagkus maging ang kanyang
awitin ay nagtataglay rin ng mahusay at makabuluhang mensahe. Kinaklasipika ang
kanyang mga awitin sa genre na folk rock. Hindi iilan ang nahuhumaling
sa genre na ito, ngunit kung
ihahambing sa mga love song ng
nagdaang panahon, hindi rin maitatatwa na mas nakahihigit ang nakauugnay sa mga
kwentong hatid ng mga awitin ng pag-ibig. Malungkot ngunit sa katotohanan,
kakaunti ang nagpapahalaga sa mga awiting kabilang sa tinatawag na folk rock.
Tingnan
natin mula sa konsepto ng folk rock, “folk”
bilang bayan at “rock” bilang maigting na pagkilos kasabay ng pag-awit. Doon pa
lamang, makikita na natin ang pagkabuuang layunin sa mga awiting ito – ang
pag-awit para sa bayan. At ito ang nais palutangin sa papel na ito, ang
paghimay sa mga awitin ni Gary Granada bilang awitin na para sa bayan.
Awit ng Bayan para sa
Iilan
Maraming
mga mang-aawit ang nagsasabi na sumusulat sila ng awitin para sa bayan, na
iniaalay nila ang kanilang husay at talento para rito. Ngunit, ano nga ba
talaga ang pamantayan ng mga awitin na para sa bayan? Paano mo masasabing para
ito sa bayan? Kinakailangan ba na panay papuri ang babanggitin? Kailangan bang
positibo ang lahat? Kung babalikan natin ang binanggit na depinisyon ng sining,
ito ay repleksyon ng isang sitwasyon, ito ay salamin, na magpapakita ng isang
partikular na kalagayan. Gaya na nga lang ng ilang awitin ni Gary Granada.
Sa awiting pinamagatang Holdap
(2002) na kasama sa kanyang album na Samu’t Saring Gary Granada,
tinalakay ang pangyayaring nagiging karaniwan na lamang sa ating bansa – ang
pagnanakaw. Sa unang bahagi ng kanta, isinaad lang dito ang naganap na
pagnanakaw sa isang pampasaherong sasakyan. Sa linyang:
“Minsan
ako’y nag-agahan doon sa bandang Nagtahan
nang
mayroong nagkagulo sa isang tambayan,
at ang
usap-usapan ay tungkol sa isang holdapan
sa isang
pampasaherong sasakyan.
Nang ang
aking nilapitan,
tamang-tamang
naabutan ang isa sa biktimang nagsalaysay.
At ang
bukambibig yaong mamang nanginginig,
“Salamat
daw at siya’y naiwan pang buhay.”
Makikita rito ang nakasanayang gawi ng isang Pilipinong
komunidad – ang pag-uumpukan at pagkukwentuhan patungkol sa isang pangyayari o
isang tao. Na maaari nating iugnay sa husay natin pagdating sa pakikisama at
pakikisalamuha kahit na sa mga taong hindi naman talaga natin lubos na kilala.
Tayong mga Pilipino rin ay likas na usyosero, dahil nga umuugat pa rin sa atin
ang mas malawak na oral lore, mas sanay
tayo sa pagpapasa ng mensahe o kwento sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa
kapwa. Maaari rin lumabas dito ang pakikialam (concern) natin kahit na sa mga
taong hindi naman natin kamag-anak. Sa ganitong mga pangyayari, likas para sa
isang Pilipino ang tumulong sa kanyang kapwa kahit na siya mismo ay walang-wala
rin. Halimbawa, sa pelikulang Pamilya Ordinaryo (2016), ipinakita roon ang
buhay-lansangan at ang pagnanakaw bilang pangunahing hanapbuhay ng mga karakter
doon. Ngunit ipinakita rin kung paanong nagiging komplikado ang kanilang
pagkilos dahil sa mga karakter na tumutulong sa mga biktima, hindi lamang mga
pulis ang laging humahabol sa mga kawatan kundi maging ang mga ordinaryong
mamamayan ay nagkakaroon din ng pakialam sa mga nakikita nilang krimen sa
paligid. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay ganito ang nangyayari, marahil
ay nasasanay na lamang talaga tayo sa ganitong kalakaran kaya’t ang ilan ay
hanggang pakiki-usyoso na lamang. Sa binanggit ng biktima na, “Salamat daw at
siya’y naiwan pang buhay”, naging sarkastiko ang pagbitiw ni Granada sa linya
ngunit ito naman talaga ang pag-iisip ng isang Pinoy, ang pagpapahalaga sa
buhay bago ang lahat. Humahanap at humahanap pa rin tayo ng bagay na positibo
kahit sa pinakamasasamang bagay na nangyayari sa ating buhay. Sa chorus na:
“Nanakawan
na at naholdap si Juan
Ngunit ang
holdaper pa ang pinasasalamatan
Nabaon sa
utang ang bayan ni Juan
Ngunit ang
holdaper pa ang pinarangalan.”
Dito na lumabas ang sarkastikong tugon ni Granada sa
pangyayari, na tumalakay na rin sa talinghaga ni “Juan” bilang ordinaryong
mamamayang Pilipino sa pangkabuuan. Ngunit sadya bang bulag si Juan para hindi
makita ang pang-aabusong ginagawa ng holdaper? O talagang positibo lang kung
mag-isip si Juan kaya mas nanaisin niyang maholdap kaysa mapatay? Sa sumunod na
bahagi:
“Isang
kinsenang kayod at pinagpawisang sahod
Ay nahulog
sa kamay ng magnanakaw.
Pati ‘yung
estudyante, at aleng mukhang pasyente
At lolong
halos di na makagalaw.
Relos,
singsing at hikaw, pati ngiping natutunaw
Sinimot
noong disenteng lalaki.
Mabuti na
lang daw at mabait yaong mamaw
Sila’y
inabutan pa ng pamasahe.”
Ipinakikita lamang dito kung gaano kasimple si Juan, na
siyang laging naaapi. Na totoo namang nangyayari sa kasalukuyan, kung sino pa
ang walang-wala ay sila-sila rin ang mas lalong naghihirap. Dito naman
pumapasok ang pagpapaliwanag ni Covar (2015) sa kanyang papel ukol sa kaibahan
ng tao, pagkatao at katauhan. Halimbawa, ang isang magnanakaw ay hindi likas na
masama, nililinang ng kanyang lipunan ang kanyang katauhan na nagbubunsod sa
kanyang magdesisyon kung ano ba ang kanyang mas nararapat piliin, ang gumawa ng
masama para sa ikabubuti ng kanyang sarili at kanyang pamilya o gumawa ng
mabuti at tingnan kung paano mamatay sa gutom ang buong pamilya. Parehas lamang
ito ng pagpapaliwanag sa sikolohiya, sa pagkakaiba ng attitude at character ng
isang tao.
Sa
huling bahagi ng awitin:
“Ngunit
minsa’y namukhaan nitong kawawang si Juan
Ang
holdaper kanyang palang kapitbahay
Malimit
mag-abuloy ng abubot at borloloy
Sa tuwing
may okasyong pambarangay
Siya ay
kwelang-kwela sa simbahan at eskwela
Bida kay
bishop, kay judge at kapitan
Taon-taon
pati ay may medalya at plake
Ang
magiting at dakilang kawatan.”
Dito
na ibinunyag ang talinghaga ng awitin, kung saan ipinakikita na ang tinutukoy
na holdaper ay hindi pala ordinaryong magnanakaw na nakikita natin sa
lansangan. Ang holdaper na itinutukoy ni Granada sa kanta ay idyoma ng
“pamahalaan” bilang magiting at dakilang kawatan na sinasang-ayunan din naman
ng nakararami. Ngunit gaya ng tanong na naiwan sa chorus ng awitin, nagbubulag-bulagan pa rin ba talaga si Juan para
hindi makita ang pang-aabuso? Binabanggit din sa huling bahagi ang patuloy ng
pagkabaon sa utang ng bayan ni Juan dahil sa “Philippines 2000”. Kung ano ang
masalimuot na talinghaga nito ay nakadepende sa interpretasyon ng tagapakinig.
Depende kung nararamdaman ba niya ang paghihirap na gaya ng nararanasan ng mga
taong nahoholdap dahil sa mataas na Tax at VAT. Kung siya naman yaong mga
nagpapasuhol sa mga alagad ng pamahalaan, tiyak lang na kahilera siya ng mga
“bishop, judge at kapitan” na may masaganang buhay at benipisyaryo rin ng
naturang pagnanakaw.
Sa pangkabuuan, tiningnan natin ang
awitin bilang kwento sa loob ng isang inaabusong komunidad. At nag-iiwan ito ng
tanong, na bagaman nagkakaisa ang nakararami rito dahil sa kahusayan nila sa
pakikisama, naroon pa rin ang katotohanan na malaking bahagdan ng nagkakaisang
komunidad ay naaabuso at napagnanakawan ng mas malalaking tao sa lipunan. Ngayon
natin limiin kung bulag at bingi ba talaga tayo o mas pinahahalagahan lang
natin ang buhay at maliliit ng kasiyahang pansarili? Ganito ba talaga si Juan?
Awit ng Bayan para sa Sambayanan
Nagtangka
akong pag-ugnay-ugnayin ang mga awitin ni Granada na patungkol sa bayan, marami
ngunit mahirap kaya pumili na lamang ako ng ilan na may magkakaibang tema
ngunit patungkol pa rin sa bayan. Gaya ng isa niyang awitin na pinamagatang Kahit Konti (2002) na mula rin sa album
ng Samu’t Saring Gary Granada. Kakatwa pero gaya ng unang awitin na inilahad,
ito rin ay pangyayari sa loob ng isang pampasaherong sasakyan. Marahil sadyang
ginamit lamang ni Granada ang talinghaga ng “jeepney” bilang pampublikong
sasakyan na para sa lahat. Ito ay simbolo ng pagiging payak ngunit nakaugat pa
rin naman ito sa bagay na “pinaglumaan” ng mga dayuhan. Magkagayunman, sa
matagal na panahon ay jeep na talaga ang kinikilala nating pampubliko at para
talaga sa bayan. Sa unang bahagi ng kanta:
“Maari
bang, maari bang umusog-usog nang konti
Hati-hati dahil masyadong masikip ang upuan
At kung iyong kausapin, ako nama'y hindi maselan
At payag matabihan, umusog lang, umusog nang konti
Maari bang, maari bang umusog-usog ng konti
Madadaan sa usapan ang maaring pag-awayan
Sakali mang mayroon kang napapansin, sabihin lang
At kung makatuwiran ako'y uusog din kahit konti.”
Hati-hati dahil masyadong masikip ang upuan
At kung iyong kausapin, ako nama'y hindi maselan
At payag matabihan, umusog lang, umusog nang konti
Maari bang, maari bang umusog-usog ng konti
Madadaan sa usapan ang maaring pag-awayan
Sakali mang mayroon kang napapansin, sabihin lang
At kung makatuwiran ako'y uusog din kahit konti.”
Ipinakikita
lang dito ang sitwasyong nagaganap sa isang pampasaherong jeepney, na alam
naman nating pinupuno upang kumita rin nang maayos ang driver nito. Ang kaso
nga lang, may mga pagkakataon talagang hindi mo na maisiksik ang sarili mo
dahil sa sikip ng puwang na ibinibigay sa iyo, at kalimitan dito nagsisimula
ang alitan sa mga kapwa pasahero. Sa senaryo pa lang sa isang pampasaherong
sasakyan, maaari nang lumabas ang iba’t ibang ethnos ng isang Pilipino. Likas
sa atin ang pagpapakumbaba, sang-ayon na rin sa papel ni Salazar (Constantino,
1996), na kung uugatin ang sikolohiya ng isang Pilipino, maaari itong umugat sa
iba’t ibang persepsyon sa “loob” bilang bahagi ng pagkatao at katauhan. Ito nga
ang nagpapatunay na likas sa mga Pilipino ang “kababaang-loob” na nakaugat sa
pagkatao nito, kahit magbago man ang kanyang katauhan. Magkagayunman, ang
kababang-loob na nasasaksihan natin sa pagbibigayan ng upuan sa loob pampasaherong
jeep ay hindi taglay ng lahat. Marahil, iniisip ng ilan na, “likas naman sa
atin ang pagiging mapagbigay kaya bakit pa ako magbibigay ng aking espasyo kung
handa namang magbigay ang iba para sa ilang nasisikipan?” Pumapasok naman tayo
sa konteksto ng “pagkawais” ng mga Pinoy, na oo, mapagbigay tayo pero ayaw na
nating malamangan. At sa puntong ito, mahirap nang lagumin kung ito ba ay nakabubuti
o nakasasama sa relasyon natin sa kapwa. Binanggit din ang kasabihan nating,
“madadaan sa usapan ang maaaring pag-awayan”, sapagkat tayong mga Pilipino ay
napakahusay pagdating sa interpersonal na komunikasyon. Ang init ng ulo ay
lalaging nandiyan ngunit maaaring itong maresolba ng isang taong magaling sa
pagpapagaan ng sitwasyon gamit ang kanyang kakayahang pangkomunikatibo. Sa
sumunod na talata:
“Hindi
naman buong-buo ang hinihiling ko sa iyo
Ngunit kahit kapiraso maaring magkasundo tayo
Iba't iba ang katwiran ng tao sa lipunan
Ngunit ang kailangan lang tayo'y huwag magtulakan.”
Ngunit kahit kapiraso maaring magkasundo tayo
Iba't iba ang katwiran ng tao sa lipunan
Ngunit ang kailangan lang tayo'y huwag magtulakan.”
Ito
ay paalala, ito ay panunudyo, na kalimitan ang nagiging problema talaga ng
isang komunidad ay ang kakulangan nila sa pakikinig. Kahit na sabihin nating
likas sa atin ang pagpapakumbaba, may iilan din talaga na naimpluwensyahan na
rin ng utak-kolonyal na nagnanais na mas makaangat kaysa sa iba kaya hindi nila
hahayaang makaangat ang iba nilang kasama. Kaugnay ito ng kinikilala nating
kalikasan ng isang tao at/o komunidad, ang crab
mentality. Binanggit din na iba-iba man ang katwiran ng tao ay maaari pa
rin itong pag-usapan upang magkasundo. Ipinakikita lang din ang pagiging
makatwiran ng tao sa anumang sitwasyon. Patunay ito na mahusay talaga tayo sa
komunikasyong pasalita dahil mabilis tayong nakapag-iisip ng mga katwiran,
dahilan at palusot sa mga bagay-bagay, ngunit maiiwan pa rin ang tanong na:
mabuti ba ito o masama?
Sa
huling bahagi ng awitin:
“O
kayraming suliranin, oras-oras dumarating
Dahil di kayang lutasin hindi na rin pinapansin
Subalit kung tutuusin, iisa ang dahilan
Kaibigan, ayaw nilang umusog ng kahit konti.”
Dahil di kayang lutasin hindi na rin pinapansin
Subalit kung tutuusin, iisa ang dahilan
Kaibigan, ayaw nilang umusog ng kahit konti.”
Sa
awiting ito, ipinakikita ang salungat na ideya ng sikolohiyang Pilipino at ng
pagsasapraktika nito sa lipunan. Ayon sa mga sikolohista, ang mga Pilipino ay
likas na mapagpakumbaba, mapagbigay, tumatanaw ng utang na loob at iba pang
karakter na nagpapakita ng kagandahang-loob ng isang tao. Ngunit sa awitin, ito
ang katotohanang nagaganap sa mga totoong pangyayaring ito, na sa panahon
ngayon, kapag nagparaya ka ikaw ang kakaiba. Hindi na tayo sanay na may
nagpapakita ng kabutihan sa atin, kaya nadadamay na rin ang iba, dahil ito ay nagiging
dikta ng lipunan. Marahil nasanay din tayo na nagpapakita lamang ng kabutihan
ang isang tao kung may hihilingin itong kapalit. Ito ay malungkot na
katotohanan ngunit narito na tayo sa panahon na halos malimutan na natin kung
sino ba talaga tayo noong una, ano ba talaga ang biyayang hatid ng lahi natin
sa ating pagkatao at katauhan, na nabago dahil na rin sa pagbabagong nagaganap
sa paligid. At kailanman hindi natin maaaring talikdan o itatwa ang mga
pagbabagong ito, dahil ito rin ay kalikasan ng buhay.
Awit ng Bayan para sa Pagkataong Pilipino
Para sa ikatlong awitin, pinili ko
naman ang awit na may temang pampamilya at bukod doon talagang nagustuhan ko
rin ang musika at ritmo ng kantang ito. Ang awiting pinamagatang Mana-mana Lang ‘Yan (2010) ay patungkol
naman sa sikolohiyang Pilipino na matagal na nating pinaniniwalaan, ang
pagpapamana ng pagkatao, gawi at paniniwala ng isang angkan hanggang sa
kanilang huling salinlahi. Sa unang bahagi ng awitin:
“Si Estong nagtaka sa anak
niyang isa
Ke bata-bata pa, ke lutong magmura
Ang hilig mambara at mang-alipusta
Ang angas ng asta, talo pa ang ama
Ke bata-bata pa, ke lutong magmura
Ang hilig mambara at mang-alipusta
Ang angas ng asta, talo pa ang ama
Ang
dalwa'y magkasing-husay kung maglasing
Ang bait ng dating hangga't di pa gising
Saan pa ba hahantong ang junior ni Estong
Sa hweteng nalulong, sa shabu nakulong.”
Ang bait ng dating hangga't di pa gising
Saan pa ba hahantong ang junior ni Estong
Sa hweteng nalulong, sa shabu nakulong.”
Ipinakikita
lang dito ang isang halimbawa ng sitwasyong nangyayari sa isang tahanan na
bagama’t kompleto ang miyembro ng pamilya, nagkakaroon pa rin ng problema dahil
hindi nagagabayan nang maayos ang isa’t isa. Halimbawa, sa sitwasyon ng isang
“Estong” sa lipunan, nagtataka ang mga magulang kung bakit ang kanilang mga
anak ay natututong sumagot, nakapananakit ng kapwa at napapariwara kung minsan,
ngunit hindi nila tinitingnan ang mas malaking larawan kung saan dapat ay
kasama sila sa mismong paghubog ng katauhan ng kanilang mga anak. Pamilyar tayo
sa kasabihang, kung ano ang naririnig at nakikita ng bata ay siya rin niyang
ginagawa. At totoo ito sa maraming aspekto, kung bakit may mga bully ay dahil sa tahanan pa lamang ay
kinukulang na sila sa pagmamahal, at ayon ito sa sikolohiya. Lumalabas lamang
na ang pagkatao ng isang bata ay epekto at/o masasabing bunga rin ng pagkatao
ng kanyang mga magulang o di kaya’y tagapangalaga. Binanggit din ito sa mismong
chorus ng awitin:
“Mana-mana lang yan, manamana lang yan
Kamukha ng kopya ang pinagkopyahan
Mana-mana lang yan, manamana lang yan
Mana-mana, mana-mana, mana lang yan.”
Kamukha ng kopya ang pinagkopyahan
Mana-mana lang yan, manamana lang yan
Mana-mana, mana-mana, mana lang yan.”
Sa ikalawang bahagi naman ay
nagkaroon ng paghahambing sa mga linyang:
“Ang nanay ni Islaw saleslady sa Cubao
Tagbagyo't tag-araw ay kayod-kalabaw
Sa tiwalang payak inakay ang anak
Sa tahanang gayak ng kalinga't galak
Tagbagyo't tag-araw ay kayod-kalabaw
Sa tiwalang payak inakay ang anak
Sa tahanang gayak ng kalinga't galak
Ang sipag ni inay ang baon niya't gabay
Trabaho't aral ay kanyang pinagsabay
Sa buhay na kapos siya'y nakipagtuos
Kahit na hikahos, cum laudeng nagtapos.”
Trabaho't aral ay kanyang pinagsabay
Sa buhay na kapos siya'y nakipagtuos
Kahit na hikahos, cum laudeng nagtapos.”
Sa puntong ito,
nakikita natin ang laki ng impluwensya ng magulang sa pagkatao ng kanilang mga
anak. Na ang pagiging magulang ay lumalabas din sa konsepto ng pagpapakain at
pagpapaaral sa kanilang mga anak, na dapat humantong sa mas malalim na
pakikisangkot sa buhay at pagkatao nito bilang pangunahing tagahubog dito. Kung
ano ang ipinakikita ng magulang ay siyang gagayahin at magsisilbing inspirasyon
para sa mga anak tungo sa kanilang pansariling kabutihan. Kaya nga sa huling
bahagi ng awitin:
“Ang supling singgaling ng
pinanggalingan
Mana-mana lang yan, mana-mana lang yan
Mana-mana, mana-mana, mana lang yan
Mana-mana lang yan, mana-mana lang yan
Mana-mana, mana-mana, mana lang yan
Kung ano ang turo ay siya
rin ang tika
Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga.”
Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga.”
Sa linyang, “Kung ano ang turo ay siya rin
ang tika”, sinasabi lang na ang pagpapalaki ng anak ay parang pagiging kapitan
ng barko. Kailangan nakikini-kinita mo na ang kinabukasan ng anak mo base sa
kung ano ba ang itinuturo mo sa kanyang habang lumalaki siya. Panlahat na
pahayag din ang kasabihang, “Kung ano ang puno ay siya rin ang bunga”, kaya
hindi maiiwasan na tingnan ang isang pagkatao depende sa kanyang
pinanggalingang angkan. Magkagayunman, hindi pa rin natin maaaring alisin ang
konsepto ng pagbabago na maaaring mangyari kanino man.
Sa
awiting ito, simple lang naman ang nais palutangin, na may malaking gampanin
ang magulang sa paghubog ng pagkatao ng kanilang mga anak. Halimbawa, ang mga
pagpapahalagang panlipunan na unti-unti nang nalilimutan ay maaari pang
mapreserba depende sa kagustuhan ng mga magulang at ng lipunan. Ang mga
kabutihang-asal ay dapat na unang natututunan sa tahanan, ang pakikisama at iba
pang likas na sikolohiya ng lahing Pilipino ay hinuhubog ng tahanan. Ngunit,
marami ring mga salik na nagdudulot ng malawakang pagbabago sa pagkatao at
katauhan ng mga Pinoy, sa paligid, sa mga bagong tao, sa pag-unlad at marami
pang iba, salik at pagbabago na hindi natin kayang kontrolin kundi dapat lang
nating sabayan.
Kongklusyon
Sa papel na ito, ang
pagtatangka na mahimay at maiugnay sa Sikolohiyang Pilipino ang mga awitin ni
Gary Granada ay naipilit. Tatlong awitin lamang ang nabigyang-pansin dito,
dahil na rin sa maikling panahon. Ngunit kung tutuusin, masayang pag-aralan ang
sikolohiya sa loob ng mga awitin na patungkol sa bayan at para sa bayan. Hindi
lamang si Gary Granada, bagkus marami pang mga musikero, artista, mga
Pilipinong maka-sining ang magandang pag-aralan at iugnay sa sikolohiya. Nang
sa gayon, maugat talaga natin ang Sikolohiyang Pilipino sa totoong danas ng
isang Pilipino, ang sining bilang salamin ng lahing Pilipino ay malaking
tulong.
Sa
puntong ito, ang tatlong awitin, ang Holdap
na tumatalakay sa korapsyon at “pagpapaapi”, ang Kahit Konti na tumatalakay sa konsepto ng pagbibigay,
pagpapakumbaba at “pagkawais” ng mga Pilipino at ang Mana-mana Lang ‘Yan na tumalakay naman sa konsepto ng “mana” na
hindi lamang nakatuon sa materyal na bagay bagkus lalong higit sa pagkatao ng
isang Pilipino, ay ilan lamang sa mga awiting nagtataglay ng mabigat na
talinghaga at sikolohiya base na rin sa sarili kong pag-aanalisa. Hindi ko
napili si Gary Granada para sa wala, pinili ko siya dahil kilala ko lang siya
sa pangalan ngunit hindi ang kanyang adbokasiya sa pag-awit at sa kanyang
sining. Pinili ko siya upang kilalanin ang kanyang sining kasabay ng
pagtatangka sa pag-ugnay nito sa Sikolohiyang Pilipino. At naniniwala ako na sa
likod ng iba pa niyang awitin ay mayroong mas marami at mas malawak na kwento.
Mga Sanggunian
Constantino, Pamela at Monico Atienza (1996). Mga Piling
Diskurso sa Wika at Lipunan. Quezon City: University of the Philippines Press.
Covar, Prospero (2015). “Kaalamang Bayang Dalumat ng
Pagkataong Pilipino” nasa Daluyan 2015, Espesyal
na Isyu.
Petras Jayson (2013). “Ang Pagsasakatutubo mula sa
Loob/Kultural na Pagpapatibay ng mga Salitang Pandamdaming Tumutukoy sa “Saya”:
Isang Semantikal na Elaborasyon ng Wikang Filipino sa Larangan ng Sikolohiya”
nasa Humanities Diliman 10:2, 56-84.
Timbreza, Florentino (2009). “Pamimilosopiya sa Sariling
WIka: Mga Problema at Solusyon” nasa Malay Journal, 22:1, p. 69-83.
Websayt:
http://newsinfo.inquirer.net/419833/gary-granada-on-social-studies#ixzz4bSnjooU7
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento