PAMILYA ORDINARYO: Hubad na Suri sa Isang Realistik na Pelikula

(Setyembre 17, 2016)

PAMILYA ORDINARYO: Hubad na Suri sa Isang Realistik na Pelikula
           
            Gaya ng ibang Indie Film, ang Pamilya Ordinaryo ni Eduardo Roy Jr. ay tumatalakay rin sa palasak na paksang mauunawaan at maiuugnay sa totoong buhay ng nakararami. Mula sa salitang ordinaryo o karaniwan, ang pelikula ay naglaman ng istorya  na maaaring iugnay sa pangkaraniwang buhay ng isang tipikal na pamilyang Pilipino. Ngunit gaano kaordinaryo ang pamilya Ordinaryo?
            Si Aries Ordinaryo na ginampanan ni Ronwaldo Martin ay isang 17 taong gulang na batang kalye na asawa naman ng 16 taong gulang na si Jane na ginampanan ni Hasmine Killip, na bagaman baguhan sa pagsabak sa Indie Film, nasungkit ang prestihiyosong Best Actress Award.
            Ang dalawang karakter sa pelikula ay naging batang magulang ni Baby Arjan. Pinagsamang Aries at Jane ang pangalang ibinigay sa batang wala pang tatlumpung araw mula nang isilang. Mga karaniwang batang lansangan na nagkalat sa kalakhang Maynila, kadalasang pinandidirihan, kinatatakutan, minamaliit at nilalait. Mga batang kalyeng walang ibang alam gawin kundi ang tumakbo nang tumakbo upang hindi makuha ng awtoridad at hindi mailagak sa DSWD. Nabubuhay sa mga ilegal na gawain gaya ng pagnanakaw. Gumagamit ng mga ipinagbabawal gaya ng rugby upang maibsan ang kalam ng sikmura. Tipikal na batang Quiapo sina Aries at Jane Ordinaryo.
            Ang istorya ng pelikula ay umikot sa Quiapo bilang tagpuan, na isa sa pinakamatataong lugar sa lungsod. Na kapag sinabing matao, iba’t ibang klase ng tao ang matatagpuan dito. Masama at mabuti. Mga gumagawa ng masama ngunit may mabuting kalooban. At gumagawa ng mabuti ngunit masama ang kalooban.
            Nagsimula ang kwento sa isang karaniwang pangyayari sa Quiapo, isang batang naglalaro sa kalsada ang na-Hit-and-Run. Si Jane, karga ang anak na wala pang tatlumpung araw ay naglakad papalayo sa pangyayari nang makasalubong niya ang asawang si Aries at nakipagbati dito. Parang ordinaryong magkasintahan na nag-aaway-bati lamang, ngunit ang kaibahan ay mayroon ng Baby Arjan na kailangan nilang pakaisipin. Sa gilid lamang ng isang abandonadong building natutulog ang dalawa, doon na rin nila ginagawa ang halos pang-araw-araw na pagsisiping upang mapunan ang tawag ng laman ni Aries. Pasimple, upang hindi mapansin ng mga taong nagdaraan. Bastos, palamura, walang galang at walang disiplina, ilan sa mga katangian nilang dalawa. Walang duda, nagampanan nila ang karakter ng isang tipikal na batang kalye sa Quiapo, batang hamog sa kalsada, silang-sila ang karakter ng bawat batang hindi naging bata dahil nabiktima ng kahirapan ng buhay.
            Isa ring karakter sa pelikula si Ertha, isang baklang nagpapautang, nagpapaarkila ng bisekleta at nag-alok kay Jane na bilhan si Baby Arjan ng diaper sa grocery at ilang mga pagkain para sa kanila. Gawa ng pagkainosente, sumama si Jane kay Ertha sa pag-aakalang bukal sa loob nito ang pagtulong. Kasalukuyan na silang namimili nang nag-alok si Ertha na siya na lamang ang kakarga kay Baby Arjan upang makapamili nang maayos si Jane. Nang magbabayad na sila, sinabi ni Ertha na baka kulangin daw ang perang dala niya at kinakailangan niyang mag-withdraw sa ATM. Lumabas na si Ertha, dala si Baby Arjan.
            Nang gabing iyon, hindi na nakita ni Jane si Ertha at si Baby Arjan. Ngunit nagpursigi pa rin sila sa paghahanap dito. Nanghingi ng tulong sa kapitana, nanawagan sa radyo at patuloy na naghanap sa kung saan mang lugar na hindi na nila alam. May nag-alok na gawan ng dokumentasyon ang paghahanap nila kay Baby Arjan at ipalalabas ito sa telebisyon upang mas maraming makapanood at makatulong sa kanila. Ngunit ginawang romantisado ni Abby Castaneda ang kwento nina Aries at Jane, nagsimula sa kung paano ba nila napaibig ang isa’t isa. Sa huli, maraming negatibong komento ang nakuha nilang dalawa mula sa tao, gayundin ay marami ang gustong manloko sa kanila na nagkukunwaring alam nila kung saan makikita si Baby Arjan.
            Niloko rin sila ng nagpakilalang nanay ni Ertha, si Helen, sinabi nitong kukumbinsihin niya ang anak na ibalik si Baby Arjan ngunit kailangan niyang makauwi sa Romblon dahil nandoon ang anak. Humihingi siya ng sampung libo kina Aries at Jane, na imposible naman nilang maibigay. Ngunit nagnakaw pa rin si Aries para lang may makuhang pera, gayundin si Jane, inagawan niya ng bag ang isang estudyante na wala naman pera kundi barya. Ang pinakahuling pag-asa nila ay nang may mag-text sa kanila at ipaalam na isang Elsa Duque ang nakabili kay Baby Arjan. Kahit na malayo, pilit pa rin nila itong pinuntahan. At dahil sa executive subdivision ito nakatira, hindi sila hinayaang makapasok ng guard. Kaya patago na lamang na pumasok si Aries at kinuha ang bata sa malaking bahay na iyon, kahit hindi siya sigurado kung si Baby Arjan ba talaga iyon. Nang mahawakan na ito ni Jane, alam niyang hindi ito si Baby Arjan kaya ipinasauli niya ito kay Aries. Sa huli, umuwi silang wala pa ring Baby Arjan at walang kasiguraduhan kung mahahanap pa ba talaga nila ito.
            Ang paggawa ng pelikulang ito ay hindi naging madali para sa mga karakter. Hindi lamang ito simpleng pelikula bagaman totoong nangyayari ang istorya nito. Magaling ang pagpili ng karakter, gayundin ang tagpuan ay sadyang makatotohanan. Ramdam ang bawat eksena dahil sa kagalingan ng mga aktor sa pelikula. Sadyang nakatulong ang malulutong na pagmumura sa mga bagay na totoong kamura-mura.
            Kung susuriin, ang istorya ng pelikula ay nangyayari sa totoong buhay. Nangyayari kahit nasa anong estado ka pa. Posibleng mangyari kahit na kanino. Ngunit para sa isang ordinaryong pamilya, na ang tanging bagay na mayroon sila ay buong pamilya, malaki ang epekto nito. Gaano kahirap ang mawalan ng anak, lalo’t wala pa itong tatlumpung araw? Sapat na ba ang pagluwal sa sanggol, paano ang pagpapalaki dito? Paano ba magpakaama? Paano magpakaina? Paano magpakamagulang para sa kina Aries at Jane? Maraming reyalisasyon sa pelikula na mag-iiwan ng tanong. Bakit hindi nahanap si Baby Arjan? Marahil, kung mahahanap ito, hindi na magiging makatotohanan ang kwento.


-FIN

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pokus ng Pandiwa: Direksiyonal at Sanhi

Mga Salitang Magkakatulad at Magkakaugnay

Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo