ANG PELIKULANG PILIPINO BILANG SINING NG BANSA: KAHAPON, NGAYON AT BUKAS

Kristine Mae N. Cabales
MAF 206 – Mga Sining sa Bansa

ANG PELIKULANG PILIPINO BILANG SINING NG BANSA:
KAHAPON, NGAYON AT BUKAS

            Ang sining ng isang bansa ay karaniwang naglalarawan ng mga partikular na pangyayaring sumasalamin sa malalim na kultura nito at ang pagbabagong dinaranas nito sa mga nagdaang panahon. Gaya ng iba pang mga anyo ng sining, ang pelikula ay naghahayag din ng mga kwentong nagbibigay-aral at/o nagpapakita ng iba’t ibang kalagayang panlipunan mula noon hanggang sa kasalukuyan.
Ang kasaysayan ng Pelikulang Pilipino o Sine Pilipino ay nagsimula noong panahon ng pananakop ng mga Kastila. Niyakap ito ng mga Pilipino bilang panibagong anyo ng sining. Taong 1919, nang magkaroong ng kauna-unahang pelikulang nilikha ng isang Pilipino, ang Dalagang-Bukid ni Jose Nepomucena, na kinilala bilang Ama ng Sine Pilipino. Noon pa man ang mga kwentong ipinakikita sa mga pelikulang ito ay halaw sa mga danas ng partikular na pamayanan sa partikular na panahon kaya hindi rin nakagugulat na ang mga paksang napipili ng mga lumilikha ng pelikulang ito ay pabago-bago rin sa pagdaan ng panahon.
Kung ihahambing ang tema ng mga kasalukuyang pelikula sa mga pelikula ng nakalipas na dalawang dekada, kapansin-pansin ang malaking kaibahan nito. Marahil ito ay sa pangangailangan na ring matugunan ang kagustuhan ng iba’t ibang manonood. Kung dati’y karamihan sa mga pelikula ay patungkol sa pang-aapi, kahirapan, rebelyon at iba pang paksa na patungkol sa bayan, ngayon nama’y mas tinatangkilik natin ang mga pelikulang pumapaksa sa pag-ibig, pamilya at pantasya. At ito ay pangkaraniwang pangyayari lamang sapagkat ang sining mismo ay may iba’t ibang mukha, gayundin ang pelikula.
Sa nagdaang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2016, kapansin-pansin ang pagbabago sa pamantayan ng pagtanggap ng pelikula nito. Marahil bunsod ito ng iba pang pagbabago na nagaganap sa porma ng pamahalaan at maging sa buhay ng mga mamamayan na inaasahang tatangkilik nito. Ilang Indie Film ang nagkaroon ng puwang sa Film Fest na ito, na sadyang nagkaroon ng ibang atake kung ihahambing sa mga pelikulang ipinalabas sa mga nagdaang taon. Kung dati’y tumatabo sa takilya ang mga pelikulang pampamilya ngayon ay tinangkilik naman ng mga mamamayan ang mga pelikulang patungkol sa iba’t ibang kwento sa lipunan.
Apat na entry rin ang halaw sa totoong pangyayari. Ang Oro na batay sa 2014 Gata Massacre na naging kontrobersyal dahil sa pagpapakita ng eksena kung saan kinatay ang isang aso. Ang Kabisera na ginampanan ni Nora Aunor, na halaw sa ‘di umano’y biktima ng extrajudicial killing. Ang Seklusyon na halaw rin sa matandang kwento ng pagpapari. At ang The Sunday Beauty Queen na kauna-unahang documentary film na nakapasok sa MMFF na nagpakita ng buhay ng mga domestic helper sa Hong Kong.
Tunay nga na ito’y isang malaking pagbabago na nag-uudyok sa atin upang mas kilalanin pang lalo ang kakanyahan ng kapwa natin Pilipino sa paggawa ng mga de-kalidad na pelikula. Lingid sa kaalaman ng nakararami, maraming Pelikulang Pilipino ang inilalaban at nananalo sa labas ng bansa, kalimitan dito ay mga pelikulang pumapaksa sa mga tagong sitwasyon ng ating mga kababayan. Gaya na lamang ng mga kwento tungkol sa ating mga katutubo, kwento tungkol sa buhay-lansangan, kwento ng mga ordinaryong Pilipino. Ngunit isang malungkot na katotohanan na ang mga ganitong klaseng pelikula ay hindi natin tinitingnan bilang sining na katangki-tangkilik. Oo, natutuwa tayo sa mga parangal na nakakamit sa ibang bansa, ipinagmamalaki natin ito ngunit bakit sa mismong bansa kung saan nilikha ang mga pelikulang ito, nanlilimos pa sila ng mga manonood dito. Hindi ba’t kauyam-uyam ang dating o sadyang tinanggap lang nating mga Pilipino na tayo mismo ay may problema pagdating sa pagtingin natin sa ating mga sarili. Mas tinatangkilik at sabik na sabik pa tayong panoorin ang mga pelikulang gawa mula sa ibang bansa, lalo na sa Hollywood. Pagpapakita pa rin ito ng ugat ng pagiging kolonya natin sa matagal na panahon.
Hindi rin kataka-taka kung bakit mababa ang tingin ng mga ordinaryong Pilipino sa mga Indie Film, dahil maging ang isang senador na mababa ang tingin dito. Tinuran niyang hindi raw ‘for art’s sake’ ang MMFF 2016, lantaran niya lamang sinaad dito ang pagiging negosyante ng mga nakatataas sa lipunan, na maging sila ay walang pakialam kung matabunan na ang pagkakakilanlan nating mga Pilipino. Nakababagabag kung hahantong tayo sa puntong wala na tayong ‘ni isang bakas ng ating pagka-Pilipino dahil wala nang sining na sumisimbolo rito.
Ang pelikula ay salamin rin ng ating pagka-Pilipino na nababago sa pagdaan ng panahon. Ito ay maaaring tumalakay sa realidad o pantasya. Ito ay maaaring magmulat sa atin o bumulag din. Ito ay pulso, na nagkukwento kung ano ba talaga ang kalagayan natin sa ngayon. Ayon nga sa tag ng MMFF, Maraming Magandang Filipino Film, hindi lang siguro natin nakikita dahil pinipili nating hindi makita. Katulad ng kultura, hindi ito mamamatay kung tatangkilikin natin. Hindi ito mawawala kung yayakapin natin.


-FIN 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

PAMILYA ORDINARYO: Hubad na Suri sa Isang Realistik na Pelikula

Mga Pang-ugnay sa Pagbibigay ng Sanhi at Bunga

Sikolohiya sa Loob ng Ilang Awitin ni Gary Granada at mga Kwento ng Pakikibaka sa mga Lunggating Maka-Pilipino