BALANGKAS NG DE KALIDAD NA EDUKASYON TUNGO SA PAGSASAKATUPARAN NG AMBISYON NATIN 2040
BALANGKAS NG DE KALIDAD NA
EDUKASYON TUNGO SA PAGSASAKATUPARAN NG AMBISYON NATIN 2040
ni
Kristine Mae N. Cabales
Panimula
Ang pamahalaan ng isang bansa ay
binubuo ng mga mamamayan at mga taong namumuno rito. Sa isang demokratikong
bansa, masa ang pumipili at nagtatakda ng politikong kanilang pagkakatiwalaan
tungo sa pagpapaunlad ng kanilang bayan at ng kanilang mga sarili. Sa sitwasyon
ng Pilipinas, ang kasaluyang pangulo na si Rodrigo Roa Duterte ang
panlabing-anim na namuno sa bansa at isa rin sa naging pinakakontrobersyal
dahil na rin sa iba’t ibang aspekto ng kanyang pamumuno. Naging maingay ang
kanyang pangalan dahil sa kanyang pagiging bukas para sa malawakang pagbabago
sa bansa. Makikita sa kanyang mga programa at isinusulong na plataporma ang
malaking rebolusyon tungo sa mas maunlad na Pilipinas.
Gaya ng paniniwala ng mga naunang
pangulo ng bansa, ang edukasyon ay isa sa mga sangay na tinututukan upang
makapagsilang ng mga maunlad na produkto ng paggawa. Ang Pilipinas ay isa sa
mga bansang may malaking bahagdan ng pinagmumulan ng lakas-paggawa, hindi
lamang abilidad sa naturang paggawa kundi lalong higit sa kakayahan sa
pag-iisip ng mga makabagong pag-aaral na may tunguhin sa pag-unlad.
Ang AmBisyon Natin 2040 at ang
Philippine Quality Framework ay kapwa nakaayon sa tunguhin na bigyang-kasagutan
ang nakikitang kakulangan sa bansa at mga suliranin na kinakaharap nito na may
kinalaman sa edukasyon. Ang mga nagsisipagtapos ng apat na taong kurso ay
malimit na hindi nakakukuha ng trabaho na aakma sa kanilang kursong natapos o job mismatch. Nakikita ng pamahalaan na
maaaring matugunan ang ganitong klase ng suliranin sa pamamagitan ng pag-aaral
at pagpapaunlad ng panibagong balangkas ng edukasyon na kanilang gagamiting
tuntungan para sa mas malawak na kaalaman, nang sa gayon ay mapunan rin nila
ang kahingian sa mga trabahong napapanahon at nangangailangan ng utak at
lakas-paggawa.
Ang Philippine Quality
Framework (PQF): Ilusyon o Ambisyon
Ang mga ahesya ng pamahalaan
gaya ng DoLE, CHED, TESDA at DepEd ay nagtulong-tulong upang bumuo ng isang
balangkas (framework) na gagawing salalayan tungo sa pangkalahatang pag-unlad
at upang resolbahin ang mga nakikitang suliranin at kakulangan sa sistema ng
edukasyon sa bansa. Ang Philippine Quality Framework o PQF ay balangkas na
nakaayon sa kasaluyang kurikulum ng bansa – ang programang K-12. Ipinakikita
rito ang iba’t ibang antas ng edukasyon na dapat matamo sa isang ispesipikong
taon/baitang, nakasaad din rito ang mga inaasahang kakanyahan na maipamumulat
sa bawat antas na ito. Tiyak din sa balangkas na ito ang mga pamantayan na
inihain ayon sa kahingian ng bawat antas. Ang PQF ay competency-based at labor
market driven na programa, nangangahulugan lamang ito na mas pinauunlad ang
kakayahan o skill ng indibidwal na
mag-aaral tungo sa pagkakamit niya ng kahusayan o mas lalong higit ng
kadalubhasaan sa isang partikular na larang. Sinusukat ang kasapatan ng
pagkatuto sa bawat antas base sa kanilang performance
at sa magiging resulta ng kanilang practical
assessment.
Makikita sa paradimo sa ibaba ang
balangkas konseptwal ng PQF.
(Larawan
mula sa Powerpoint Presentation ng Outline ng PQF)
Ang nilalaman ng balangkas
konseptwal na ito ay ang ideya at ang inaasahang maging bunga ng mga ito. Sa
input pa lamang ay makikita na ang pangkabuuang layunin ng PQF, ang paigtingin
ang pag-aaral at pagpapaunlad ng sistema ng pagbibigay edukasyon sa ating mga
mag-aaral, na ang tunguhin ay upang makamit ang output. Kung susuriing maigi, international alignment at global competence ang target ng
balangkas na ito. Ang makapagsilbi nang may kahusay ang mga Pilipino sa ibang bansa.
At ito naman ang nakikitang kamalian ng isa sa mga propesor sa PUP at aktibong
miyembro ng Tanggol Wika na si Prop. Marvin Lai, ayon sa kanyang pananalita sa
isang seminar ukol sa pagbabago ng kurikulum, ang mga tech-voc track na bahagi ng programang K-12 ay may layunin ng
paninilbihan, lalo na sa ibang bansa. Nakikita niya ito bilang konsepto ng
pagyakap sa kaapihan nating mga Pilipino. Naririto tayo sa panahon na ang mga
Pilipino ay kayang makipagsabayan sa kagalingan ng mga dayuhan ngunit hindi pa
rin maialis sa atin ang ideya na tayo ay para sa paglilingkod lamang at hindi
para maging amo o tagapamahala ng isang kompanya.
Sa usapin ng mga stakeholder, ang mag-aaral, magulang,
guro, institusyon at mga kompanyang handang tumulong upang magkaroon ng agarang
trabaho ang mga nagsipagtapos ay sadyang naririyan, ang kaso gaano kahanda ang
mga indibidwal na ito upang kaharapin ang hamong ito. Limang taon na ang
nakalipas simula nang baguhin ang kurikulum, marami ang nagsipagtapos ng Grade
10 at hindi na nagpatuloy sa Grade 11, sa kadahilanang hindi pasok sa budget ng pamilyang Pilipino ang dagdag
na dalawang taon. May ilan naman na nakita itong oportunidad, na sa batang
gulang ay makapaghanap ng teknikal na trabaho sapagkat nakatanggap na sila ng
sertipiko bilang Grade 10 Completers.
Lumalabas lamang na ang layunin ng
PQF ay kayang-kayang tugunan ng mga Pilipino, katuwang ang mga ahensya ng
pamahalaan. Ngunit sapat na ba ang kagustuhan natin na maging magaling para sa
kabutihan ng ibang bansa? Hindi ba dapat na mas inuuna natin ang pag-unlad ng
sarili nating bayan? Hindi ba dapat ang pinagsama-samang talino ng mga Pilipino
ay makabuo muna ng isang proyektong makatutulong sa adbentahe ng laksang
mamamayang Pilipino? Hindi ba dapat Pilipinas muna? Kung ang PQF ay isang
ambisyon, hindi ba dapat ito’y “Ambisyong Maka-Pilipino”.
AmBisyon Natin 2040: Dalawampu’t
Limang Taon ng Pangarap
Ang EO No. 05 o atas ng pangulo na
pinamagatang Approving and Adopting the
Twenty-Five-Year Long Term Vision Entitled Ambisyon
Natin 2040 as Guide for Development
Planning ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte Oktubre 11 taong 2016. Kaugnay
ng unang pagtalakay sa PQF, ang Ambisyon Natin 2040 ay pagtingin naman sa
kalagayan ng Pilipinas at ng mga Pilipino pagkatapos ng dalawampu’t limang taon
ng pagpapaunlad dito. Binibigyang ng kanya-kanyang atas ang bawat sangay ng
pamahalaan na pag-isipan at trabahuin ang pagpapayabong ng sosyo-ekonomik na
programa at gawain nang sa gayon ay makasabay ang bansa sa pag-usad ng iba pang
bansa sa Asya.
Sa taong 2050, tinitingnan ng
nakararami na ang Asya ang magiging sentro ng ekonomiya ng buong mundo. At
dahil ang Pilipinas ay bahagi ng Timog-Silangang Asya kinakailangan na nating
magsagawa ng malawak programa at plano para sa hinaharap upang makasabay sa
pagbabagong ito. Hindi bago sa atin na tayo’y kabilang sa Third-World Country, ngunit hindi ibig sabihin nito ay kailangan
nating itong yakapin nang panghabambuhay. Nilinaw naman sa atas na ito na ang
magiging sentro ng pagpapaunlad na ito ay ang mga Pilipino. Para sa adbentahe
ng kapwa Pilipino ang pagpapaunlad na ito, ngunit kung babalikan ang tinatahak
na balangkas ng PQF, saan makikita ang maka-Pilipino adbentahe kung
pagpapaalipin at paninilbihan ang tungihin ng ating edukasyon?
Sa ngayon, mahirap pang isipin
ngunit ang Ambisyon Natin 2040 ay mabigat na ambisyon ng lahat ng Pilipino,
ayon sa NEDA na nakabase sa kanilang isinagawa sarbey ay bisyon ng mga Pilipino
para sa kanilang sarili ay:
“In
2040, we will all enjoy a stable and comfortable lifestyle, secure in the
knowledge that we have enough for our daily needs and unexpected expenses that
we can plan and prepare for our own and our children’s future. Our family lives
together in a place of our own, and we have the freedom to where we desire,
protected and enabled by a clean, efficient and fair government.”
Kung tutuusin, napakapayak lamang ng
ambisyon o pangarap ng isang ordinaryong Pilipino para sa kanilang sarili at
para sa kanilang pamilya ngunit bakit kailangan pang tumagal ng dalawampu’t
limang taon ang pangangarap para rito? Ganoon ba talaga kahirap tustusan ang
simpleng pamumuhay?
Ito naman ang pangako ng gobyerno sa
pagpapatupad nila ng atas na ito:
“By
2040, the Philippines shall be a prosperous, predominantly middle-class society
where no one is poor; our people shall love long ad healthy lives, be smart and
innovative, and shall live in a high-trust society.”
Sang-ayon sa pangarap ng ordinaryong
mamamayan ang pangkalahatang layunin ng pamahalaan. Ninanais nilang bigyan ng
katugunan ang kakulangan sa basikong pangangailangan ng bawat mamamayan. Basiko,
dahil hindi naman maikokonsiderang luho ang paghahangad ng maayos na kinabukasan
para sa kanilang buong pamilya.
Gaya ng unang nabanggit, rebolusyon ang pagkakaluklok sa
bagong pangulo. Ito’y paghahangad ng malawakang pagbabago. Hindi masama ang
maghangad, hindi lang dalawampu’t limang taon ang pangangarap natin para sa
isang maayos at maginhawang buhay, panghabambuhay na natin itong ninanais.
Kongklusyon
Bilang paglalahat, makikita
sa pagtalakay ang dalawang atas, layunin o balangkas na binuo ng pamahalaan
upang mapag-ibayo ang pamumuhay ng mga mamamayan. Kapwa ito umuugat sa personal
na kagustuhan ng mga ordinaryong mga mamamayan. Bukod dito, ninanais din ng
pamahalaan na maabot ang matagal nang pinapangarap ng mga nagdaang pinuno ng
bansa – ang maiangat ang Pilipinas mula sa lebel ng pagiging “third-world country”.
Ang dalawang atas na ito ay
ipinatupad ng dalawang magkaibang pangulo, hindi kataka-takang nag-uungusan ang
dalawang layunin na ito. Hindi masama, sa usapin ng parehong pag-unlad ngunit
naiiwan pa rin ang tanong, alin sa dalawa ang mas makatotohanan? Sa kasalukuyan
ay niyayakap na natin ang pagbabagong dala ng pagsunod sa PQF, ngunit hindi pa
rin ito mapatutunayang matagumpay sapagkat wala pang nakapagtatapos ng Grade
12, hanggang sa ngayon ito’y isang teorya pa rin na pinananaligan nating
magiging matagumpay balang araw. Samantalang ang Ambisyong Natin 2040 ay lantarang
naghahangad ng isang layon, na sa loob ng dalawampu’t limang taon ay inaasahang
matupad, katuwang ang mga programa ng pagpapaunlad na nakakabit dito.
Oo nga’t ang dalawang ito’y
magkaugnay at para sa pag-unlad, ngunit paano naman mapagtutuunan ang inaakala
nilang maliliit na bagay ngunit may malaking ambag din sa pag-unlad ng isang
pamayanan (hal. Ang wika). Walang tiyak na layunin at gampanin ang wika sa
pagpapaunlad na ito, batay na rin sa tinalakay sa dalawang atas. Ngunit kung
susuriin, ang wika ay siyang kakabit at pundasyon ng linggwistikong komunidad. Ito
ay katotohanan na hindi natin maaaring itatwa, at dapat din pagtuunan ng pansin
nang sa gayo’y mabigyang ng kasagutan at kasapatan.
Isa itong patunay na bagaman
pag-unlad ang pangkabuuang layon ng pamahalaan, hindi ganoon kasidhi ang
kanilang pagnanais na maiangkla ang sariling wika sa pag-unlad ng ating bansa. At
ito ang malungkot na katotohanan.
-FIN
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento