HBD
“Nagising akong kinukumot ang lungkot sa madaling araw ng
aking kaarawan. Hindi ko alam kung ito ba talaga ang dapat na maramdaman sa
dalawampu’t apat na taong paghinga. Sa mabilis na pagpapalit ng mga taon, isa
ito sa hindi ko gusto.”
Pupungas-pungas pa siya, at nakapikit pang bumangon mula
sa higaan. Ika-24 niyang kaarawan. Walang bago. Mali, bago ito sa kaniya. Dahil
ito ang pinakamalungkot sa lahat. Pakiramdam niya’y maraming kulang sa kaniya,
o kaya walang-wala siya. Walang kaibigan, walang pamilya, walang pera, wala
pati ang sarili niya, nawawala siya.
Mabilis siyang kumilos para makapasok nang maaga. Ayaw
niyang manatili sa bahay. Ayaw niyang maabutan siya ng mga bagong gising na
kasama sa bahay. Ayaw niyang batiin siya ng mga ito. Ayaw niyang may makaalam
na kaarawan niya.
Mag-iisang buwan na siyang wala sa sarili. Kung ano-ano
na hinahanap niya sa internet para lang makatulong sa kaniya. Pero wala itong
kongkretong bagay na maibigay. Kung puwede lang sanang mabili ang kasiyahan,
nag-ipon na sana siya. Mantra meditation, numerology, daily tarot, astrology,
at iba pa, ito ang lagi niyang binabasa sa internet. Nagbabakasakaling,
matulungan siya nito, o malinlang? Hindi niya alam. Iniisip niyang kailangan
niya ng tulong pero nahihiya siya, pinangungunahan siya ng hiya at takot na
mahusgahan. Dahil iba ang pagkakakilala sa kaniya ng mga tao. Siya ang
sumbungan ng lahat, dakilang tagapayo, lapitan, kapitan, kaibigan ng lahat,
pero hindi siya masaya. Hindi sa hindi siya masayang maglingkod sa iba, pero
hindi siya masaya para sa sarili niya. Kakaiba ang lungkot niya. Yaong lungkot
na walang makapagpapaliwanag. At nilalamon siya nito.
Hindi siya uuwi nang maaga ngayon. Kung puwede nga, alas
dose na siya ng hatinggabi umuwi, para lumagpas na ang espesyal niyang araw.
Ang araw niya, at hindi para sa iba. Ang araw na pinili niyang maging
makasarili. Dahil sa pagkakataong ito, susundin niya naman ang sarili niya. Sa
araw na ito, gusto niyang maging malungkot. At gayundin sa mga susunod pang
araw, sa mga susunod na linggo at buwan, pipiliin niyang maging malungkot.
Marami siyang bagay na iniintindi. Mga bagay na lagi na
lang nangungulit sa kaniya. Tumatanda na nga ata siya. Marami siyang gusto
gawin. Marami nag-aabang sa pagtatagumpay niya. Maraming pumipilit sa kaniya.
Sa huli, hindi na niya alam kung saan ba siya sasaya. Nasasakal na siya. At gusto
niyang tumakas. Gustong-gusto niyang kumawala. Gustong-gusto na niyang maglaho,
pero sa kabilang banda, may umaagaw ng atensiyon niya. Bumabalilk siya sa una
niyang layunin, bumabalik siya sa tunay niyang mahal, bumabalik siya sa kung
ano at para kanino ba niya ginagawa ang lahat ng ito.
Umiyak siya. Umiyak siya nang umiyak habang nasa biyahe
siya pauwi. Nahihirapan siyang maging matapang sa mga ganitong pagkakataon.
Pinalalambot ng luha ang matigas niyang pagkatao. Uuwi na siya. Ayaw niyang
tapusin ang espesyal niyang araw sa pag-iyak. Uuwi siyang may malambot na puso,
at konsensiya ng isang anak. Uuwi na siya sa kanila. At sana’y makauwi rin siya
sa dating siya.
-FIN
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento