Mga Salitang Magkakatulad at Magkakaugnay

Sa pag-unawa ng panitikan, malaki ang ginagampanang tungkulin ng wika bilang daluyan ng kaayusan nito. Ang isang mambabasa ay maaaring umugat ng pag-unawa sa akda batay sa mga salitang pamilyar sa kaniya. Ayon sa mga pag-aaral, mas nagiging matagumpay ang pag-unawa sa mga akda o tekstong kung nasusulat ito sa katutubong wika. Magkagayunman, may mga hakbangin din tungo sa pag-unawa ng akda o teksto batay sa umiiral na wika at daloy ng pahayag sa kuwento.
Suriin ang mga salita sa ibaba.
§  mabango–mahalimuyak–masamyo
§  maganda–kaakit-akit–maayos
May mga salita na akala nati’y magkakaparehas lamang ang gamit dahil halos magkaparehas ito ng nais ipakahulugan. Ngunit mali, ang bawat salita ay may inaangkupang pangungusap depende sa diwa o mensaheng nais ihayag nito.
Halimbawa:
Mabango ang bulaklak ng sampagita.
Masamyo ang pabangong iyong ginamit.
Mahalimuyak ang iyong buhok.
     Kung susuriin ay ginamit sa iba’t ibang antas ang mga halimbawang salita. “Mabango” pangkalahatang termino sa mabangong amoy. “Masamyo” para sa panandaliang pagkakamoy sa bango. At “Mahalimuyak” para sa pangmatagalan at nanunuot na bango.
Iba pang halimbawa:
          suwail–pasaway–masama
     “Suwail” para sa taong hindi sumusunod sa mga utos at panuntunan. “Pasaway” para sa taong matigas ang ulo at hindi nasasaway. “Masama” para sa pangkalahatang kahulugan ng paggawa ng masama.
          sampaltampalsuntok
     “Sampal” para sa malakas na paghampas sa pisngi o mukha. “Tampal” para sa paghampas sa katawan o bahagi ng katawan. “Suntok” para sa pananakita nang may puwersa at nakuyom ang kamao.
     Madalas nagkakaroon din tayo ng dagdag pag-unawa sa mga salita batay sa tinatawag na contextual clues kung saan pinag-uugnay-ugnay natin ang mga salita sa loob ng pangungusap upang ganap natin itong maunawaan. (kolokasyon)
Isa rin sa paraan ng madaling pag-unawa sa talasalitaan kung hahanapin natin ang kaugnay nitong salita. Hindi nangangahulugan na kailangan parehas ng kahulugan ngunit nararapat na magkaangkla o magkaugnay sa isa’t isa. Suriin ang mga salita sa ibaba.
Halimbawa:
          masama – mabuti
          liwanag – dilim
          malakas – mahina
          bida – kontrabida
     Nakikita naman natin ang ugnayang nais ipahiwatig ng mga salita. Kahit na ang mga salitang ito ay kabaligtaran ng bawat isa, pinalulutang naman nito ang katuturan ng isa pang salita. Halimbawa, tumitingkad lamang ang karakter ng “bida” kung magagampanan nang maayos ang karakter ng “kontrabida”. Kung mayroong “masama” dapat mayroong “mabuti” upang maging balanse. Ugnayan pa rin namang matatawag kung ang dalawang salita ay magkaiba sa konteksto ngunit parehas ng pinupuntong mensahe.
Halimbawa:
          problema–dalamhati–suliranin
          pag-asa–bukas–positibo
          pagtitiis–sakripisyon–malasakit
     Ang pangkat ng mga salitang ito ay matutukoy rin bilang magkakaugnay na salita, na kapag makita mo sa isang kuwento o pahayag, madali mo na lamang malalaman kung ano ba ang kahulugan ng iyong binasa.

     Magkakaugnay ang mga salita sa loob ng isang pahayag na siyang nakatutulong sa atin upang madaling maunawaan ang mensahe nito.

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pokus ng Pandiwa: Direksiyonal at Sanhi

Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo