Mapangmatang Inglesero o Kinulang sa Pagka-Pilipino

Mapangmatang Inglesero o Kinulang sa Pagka-Pilipino
ni Kristine Mae N. Cabales
            Malaking hamon para sa mga nagtuturo ng asignaturang Filipino ang maipamulat sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng Filipino bilang Wikang Pambansa. Malimit itong nawawaglit dahil higit na pinagtutuunang pansin ang pag-aaral ng Ingles bilang wikang kinikilalang unibersal. Sampal sa isang guro kung ang mag-aaral ay magiging banyaga sa sarili niyang wika at kultura. Lalo na’t itinatakwil at minamaliit ang wikang dapat sana’y ipinagmamalaki upang maging kasangkapan sa pag-unlad.
            Ika-24 ng Agosto 2011 nang ilathala ni James Soriano, isang Atenista, ang kanyang kolum na pinamagatang Language, Learning, Identity, Privilege. Ang kolum na ito ay anti-Filipino, na tumatalakay sa Ingles bilang wika ng karunungan at Filipino bilang wika lamang ng mga katulong, tindera, drayber at iba pang tao sa lansangan. Marami ang nagalit at pumuna sa pagkatao ni Soriano. Naging maingay ang social media dahil sa mga pahayag nito patungkol sa Wikang Pambansa.
            Buwan ng Setyembre naman ng maglathala si Atty. Carlo Osi, mula sa Washington D.C., sa kanyang blog site ng tugon patungkol sa kaisipang nilaman ng naging kolum ni Soriano. Pinamagatan niya itong “Ang Mapangmatang Inglisero (The Conceited English-Speaking Dude)”. Ipinakilala niya rito si James Soriano bilang mag-aaral ng Ateneo de Manila University na naghahangad ng mataas na karangalan mula sa kanyang kurso. Ayon sa kanya, hindi niya raw alam kung ano ba ang dapat niyang maramdaman nang mabasa niya ang kolum ni Soriano, maaawa ba siya rito dahil sa kamangmangan nito pagdating sa kahalagahan ng paggamit ng Wikang Filipino, o magagalit siya rito dahil sa minaliit nito ang Wikang Pambansa ng Pilipinas.
            Pinunto niya rin dito ang mga posibleng dahilan kung bakit naging ganoon ang konsepto ni Soriano patungkol sa Wikang Filipino. Dulot daw ito ng uri ng pamumuhay ni Soriano at paraan ng pagpapalaki sa kanya ng kanyang mga magulang. Hindi raw kataka-taka na kung mayroong ganung konsepto si Soriano, marahil ganoon din ang pagtingin ng kanyang mga kaibigan at pamilya sa Wikang Filipino.
            Ibinahagi rin ni Osi ang kanyang karanasan sa mga mayayamang kaibigan sa DLSU, ngunit pinasubalian niya na kahit kailan wala siyang naringgan ng ganoong klaseng pangmamata at walang alinlangan panlilibak sa Filipino bilang Wikang Pambansa. Binanggit din niya na kung aanalisahin ang naging pahayag ni Soriano, nagkaroon siya rito ng dalawang perspektiba – ang pagtutol sa Wikang Filipino at ang pag-unawa rito bilang wika ng identidad.
            Sa kabilang banda, masasabi rin na naging biktima lamang si Soriano ng lipunang kinamulatan at ginalawan niya. Ipinakita rito ang naging malaking pagkukulang ng sistema ng edukasyon sa paghubog sa kamalayan ng mga mag-aaral. Malaki ang dapat na ginagampanan ng guro sa pagkatuto ng mag-aaral hindi lamang sa aspetong pangkarunungan kung hindi maging sa pagpapahalaga nito lalo na sa usaping kultural.
            Gayundin, may hamon itong ibinibigay sa mga magulang sa paghubog ng kultural na identidad ng kanilang mga anak. Ayon kay Vivian Cook sa kanyang pag-aaral sa First and Second Language Acquisition, kung sisimulang ipagamit sa bata ang isang wika mas malaki ang posibilidad na maging mahusay (master) siya rito. Ngunit sa kabilang banda ang paggamit niya ng kanyang ikalawang wika ay limitado lamang. Sa kaso ni Soriano, simula pagkabata ay ipinamulat sa kanya ang Ingles bilang mother tongue, hanggang sa kanyang “exclusive school” na pinasukan ay Ingles ang ginagamit kaya naman hindi kataka-takang hindi niya mapahalagahan ang Wikang Filipino dahil ginagamit niya lamang ito sa mga “praktikal” na sitwasyon.
            Magkagayunman, kahit opinyon lamang ni Soriano ang nilaman ng kanyang kolum, hindi kailan man magiging katanggap-tanggap ang pangmamaliit sa anumang wika. Bahagi ito ng kultura kaya dapat itong igalang. Gustuhin mong aralin ang wika dahil gusto mo, hindi dahil ito ang praktikal upang makausap lamang ang mga nakabababa sa iyo. Dahil lalo lang itong nakaaambag sa maling konsepto ng mga hindi Pilipino, na kapag sinabing Filipino ay cheap, un-cool, at pointless, dahil maging mga Pilipino mismo ang hindi nagpapahalaga sa Wikang Filipino.
            Ang malungkot na katotohanan ay hindi ang paghahambing sa Wikang Ingles at Wikang Filipino bilang wika ng karunungan, kung hindi ang dumaraming bilang mga “Mapangmatang Inglisero” na kinukulang sa pagka-Pilipino.

Sanggunian:

http://opinion.inquirer.net/11649/language-learning-identity-privilege










Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

PAMILYA ORDINARYO: Hubad na Suri sa Isang Realistik na Pelikula

Sikolohiya sa Loob ng Ilang Awitin ni Gary Granada at mga Kwento ng Pakikibaka sa mga Lunggating Maka-Pilipino

Mga Pang-ugnay sa Pagbibigay ng Sanhi at Bunga