Metakognitibong Pagtalakay sa Dagling Alas Onse: Dulog Feminista

Kristine Mae N. Cabales
MAFIL
Hulyo 30, 2016
Metakognitibong Pagtalakay sa Dagling Alas Onse: Dulog Feminista
            Alas Onse. Kalimitang dikta ng oras. Tirik na araw sa umaga at malamig na hangin sa gabi. Larawan ng payapang gabi sa ilan ngunit pagsubok para sa nakararami. Masayang sandali para sa iba ngunit katumbas ng luha ng mga alaala para sa ilan pa. Gaya ni Emma na isang karakter sa kwento, saktong alas onse ng gabi nang magbitaw siya ng desisyon na iiwan na niya ang kanyang asawang si John. Alas onse ng gabi nang kunin niya sa kwarto ang natutulog na anak at isama ito sa pagtakas sa dalawang taong pagpapahirap sa sarili. Alas onse ng gabi nang lumuha siya’t naisip na dapat din niyang mahalin ang kanyang sarili.
            Gaya ng karaniwang hapunan sa isang tahanang pinuno ng lungkot at pagsisisi, galit ang ibinungad ni John nang makitang daing na naman ang ulam na nakahain sa kanyang harapan. Ipinansugal na naman nito ang dapat sana’y sapat na pampakain sa kanyang mag-ina. Sa halip na paghingi ng paumanhin ay isang sampal ang ibinigay niya sa kanyang maybahay na si Emma, sa paggiit nito na kung ‘di sana ipinansugal ng asawa ang pera’y makapaghahain siya ng ibang ulam para sa gabing iyon. Dalawang taon. Dalawang taon nang ganito ang sitwasyon kaya hindi na siya umiiyak. Namanhid na ang pagkatao niya sa sakit, ingay at gulo na dulo’t nang maagang pag-aasawa. Noo’y maraming naiinggit kay Emma sapagkat ang napangasawa’y magandang lalaki’t mala-artista ang dating, ngunit nang lumao’y nagpakilala rin sa kanya ang tunay na pagkatao ni John. Isang lalaking walang kakayahang magbigay ng maalwang buhay sa kanya at sa kanyang anak. Isang lalaking hindi rumerespeto sa kanyang pagkababae. Isang lalaking nakikita siya bilang parausan lamang at hindi bilang asawang minamahal. Malungkot. Nadurog si Emma sa loob ng dalawang taon. Ngunit nagdesisyon siya, tatakas na siya, iiwan na niya ang asawa, palalayain na niya ang kanyang sarili at pipiliing hanapin ang lugar kung saan siya magsisimula kasama ang kanyang anak. Lumaya na ang mga luha ni Emma.
            Pitumpung bahagdan ng pamilyang Pilipino ay maaring kaparehas ng sitwasyon nina Emma at John. Pahirap na kahirapan ang karaniwang sinisisi natin kung bakit at kung paano tayo nasasadlak sa isang partikular na sitwasyon gaya ng paghihiwalay ng mag-asawa. Maituturing na biktima lamang ng sitwasyon si John na masugid na nanligaw kay Emma noon, mahal niya ito ngunit maaaring hindi pa siya handa sa responsibilidad ng pag-aasawa. Malapit siya sa tukso na ipinayayakap sa kanya ng kanyang paligid, maaring pagsusugal, pag-inom ng alak, at maging pambababae. Kadalasang kinakailangan ng indibidwal na maglabas ng kanyang hinaing sa buhay at mga problemang hindi alam kung paano sosolusyunan. At dahil mahina ang loob ni John, wala siyang kontrol sa kung ano man ang mangyayari at kung ano ang gagawin niya kapag nangyari na ang isang bagay, gaya na lamang ng pag-alis ng asawa. Si Emma sa kabilang banda, ay biktima rin. Biktima ng pag-ibig na karaniwang nagpaparupok sa ating damdamin at nagpapakitid sa ating pag-iisip. Minahal niya si John nang lubos na handa siyang magtiis sa ngalan ng pag-ibig, lalo na nang magkaroon na sila ng anak, ngunit malakas si Emma, pinalaya niya ang kanyang sarili.
            Hangga’t maiksi ang kumot, matutong mamaluktot. Pagtitiis, kalimitang bahagi ng prinsipyo nating mga Pilipino. Kahit nahihirapan na, hangga’t mairaraos, iraraos pa. Kahit masakit na sa atin, ilalaban pa. Gaya na lamang ng dalawang taong pagtitiis ni Emma, nagtiis siya na may pag-asang baka magbago ang asawa. Ngunit gaya rin ng lahat ng kwento, lahat ng sakripisyo ay may hangganan. Marahil, hindi pa talaga handa ang dalawang karakter sa pagbuo ng isang pamilya. Isang mabigat na responsibilidad ang pag-aasawa na gaya nga sa kasabihan, hindi ito isang kaning isusubo na iluluwa mo kung ika’y mapaso. Sa kulturang Pilipino, hindi katanggap-tanggap ang paghihiwalay ng mag-asawa, dahil nangako kayong sa hirap at ginhawa’y magsasama, hanggang sa dulo ng walang hanggan. Ngunit sa kasalukuyang panahon, nakalulungkot isipin na talamak nang gamitin ang katawagang live-in partner, para sa dalawang taong nagsasama ng walang basbas ng simbahan. Praktikal na desisyon, ika nga ng ilan. Para kung magkalabuan man, hindi mahirap ang magiging proseso ng paghihiwalay. Sa puntong ito, dehado ang babae, sapagkat siya ang nanganganak, sa huli sa kanya ang bata. At kung malasin ma’t hindi mahanap ang kanyang makakasama hanggang sa pagtanda, magiging paanakan lamang siya ng mga lalaking nagpaparaos lamang ng panandaliang bugso ng damdamin na walang tiyak na pangako kung mananatili ba o mayroong uuwiang totoong pamilya. Masaklap mang tanggapin, pero ito ang malungkot na katotohanan. Na kung ikaw ay babae, walang mararating ang pag-una mo sa dikta ng damdamin kaysa sa pagdinig sa kalam ng iyong sikmura at iyak ng iyong mga anak.
            Ngunit gaya ng karakter ni Emma sa kwento, naging matapang siya. Nagbitaw siya ng desisyon na alam niyang magdudulot nang mas mabigat na responsibilidad sa kanya bilang single parent. Na mas nanaisin pa niyang buhayin ang sariling anak nang mag-isa kaysa patuloy na magtiis sa piling ng asawa, nang walang katahimikan at purong galit ang namamayani. Mas pinili niyang lumuha kasabay ng paglaya at pangakong magiging maayos din ang lahat.
Sa kwento, hindi ang kalakasan ng pagkalalaki ni John ang binigyang-tuon. Bagkus, mas binigyan ng pansin ang katapangang ipinakita ng karakter ni Emma bilang isang maybahay na nagtiis sa loob ng dalawang taon. At kahit masakit para sa kanya ang pag-iwan sa mahal na asawa, mas pinili niya pa ring lumayo upang mapabuti siya at ang kanyang anak. Kung susuriin sa dulog ng Teoryang Feminismo, ang kababaihan sa kasalukuyang panahon ay may kapasidad nang makapagdesisyon para sa kanilang mga sarili, sa kung saan sila mas mapabubuti. Mabigat na desisyon ang binitawan ni Emma nang iwan niya si John sapagkat papasanin niya ang responsibilidad ng isang ina at isang ama. Gaya ng karamihan sa mga single mom sa kasalukuyan, mas pipiliin pa nilang buhayin nang mag-isa ang kanilang mga anak kaysa magtiis sa isang lalaking para sa kanila ay walang kwenta. Sapat ang kanilang tapang at lakas para harapin ang mga pagsubok para sa ikabubuti ng kanilang mga anak nang hindi umaasa sa tulong o sustento ng sinoman.
Ang pamumuhay sa pinakapayak na paraan ang ipinakita sa kwento ni Emma at John. Daing, ang isa sa simbolo ng pagiging masa. Masang umaasa sa mga tinging ulam na mabibili sa murang halaga upang maipanlaman sa kumakalam na tiyan. Ipinapakita sa kwento ang ilan sa mga sitwasyong paniguradong nararanasan ng mga ordinaryong mamamayan. Sampal ng realidad ng kahirapan ang nakuha ni Emma mula kay John, sampal para sa isang babaeng hindi nakapag-aral at nararapat lang tapak-tapakan ng kanyang asawa, sampal para sa isang babaeng hindi makapagtrabaho, sampal para sa isang babaeng ang kaya lamang lutuin sa gabing iyon ay daing dahil walang ibang pagkukunan ng salapi. Sa dulog ng Teoryang Naturalismo, ang epekto ng mga natural na pangyayari sa buhay ng isang tao ang mahirap iwasan. Kung ipinanganak kang mahirap, tiyak na mahihirapan kang makatuntong sa kolehiyo, ni ang makatapos ng elementarya ay suntok-sa-buwan. Ngunit kung ikaw ay magsusumikap, tiyak na may kalalagyan ka ngunit suntok-sa-buwan din ang ideyang ito. Kaya naman kalimitan sa kababaihan ay maagang nag-aasawa upang maipasa ang responsibilidad ng buhay sa kanyang magiging asawa. Malungkot isipin pero ito ang realidad ng buhay. Hindi patas ang buhay. May kinikilingan ang buhay.
Ang nilalaman ng kwento ay purong realidad na kahit sino ay hindi ligtas. Ang kahirapan ng buhay. Ang maagang pag-aasawa na hindi nakasisigurado sa kinabukasan ng magiging pamilya. Ang nakawawasak na paghihiwalay na maaaring sumira sa buhay ng anak. Ang responsibilidad ng pagiging ama at ina sa iisang katawan. Ang pagpapatuloy ng buhay at pakikipaglaro dito. Sa kasalukuyang panahon, ang pagiging malakas at matapang ay isang nang pangangailangan. Kakainin ka ng mundo kung mahina ka. Maling limitahan ang ating kapasidad sa pagbuo ng ating kapalaran. Maraming pagsubok pero kailangan harapin at lagpasan para sa lalo pang pagpapatibay ng iyong pagkatao. Minsan kailangan nating maging mas malakas dahil tayo rin ang nagiging kalakasan ng ibang tao. May mga taong umaasa sa atin maaaring anak, kapatid, magulang, asawa, kasintahan, kaibigan o kung sinomang naniniwala sa ating kakayahan at kapasidad. At madalas kinukulang tayo sa isang bagay na dapat ay pinanghahawakan natin sa tuwina, ang tiwala sa sarili. Marami nang nakapagpatunay na totoo ang kasabihang Kapag May Tinanim, May Aanihin, ang kailangan mo na lang ay magtiwala.
Sa huli, tayo pa rin ang magbibigay-hatol sa mga bagay-bagay at pangyayari sa ating buhay. Maaaring magkamali tayo sa ating desisyon sa una, o ilang beses man ngunit ang mahalaga ay harapin ito at labanan.
Para sa mga kababaihan, maniwala kang malakas ka, buwan-buwan kang naglalabas ng dugo ngunit hindi ka nauubusan nito. Nanganak, nanganganak o manganganak ka, instrumento ka sa paglikha ng buhay. At taglay mo ang katapangan ng isang amasona, isip ng isang gerilya at puso ng isang ina sa pagkatao mo, ang kailangan mo lamang ay hanapin ito. Babae ka! Matapang! Matalino! Mapagmahal! Mabuhay ka!


-Fin

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

PAMILYA ORDINARYO: Hubad na Suri sa Isang Realistik na Pelikula

Sikolohiya sa Loob ng Ilang Awitin ni Gary Granada at mga Kwento ng Pakikibaka sa mga Lunggating Maka-Pilipino

Mga Pang-ugnay sa Pagbibigay ng Sanhi at Bunga