“Misteryo sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres” ni Kristine Mae N. Cabales
“Nanginginig ang buo kong
katawan. Kinakapos na ako ng hininga. Nanlalabo na rin ang aking mata. Wala
nang buhay ang mga katabi ko. Duguan ang kamay ko pero alam ko sa sarili ko na
buhay pa ako. Nais kong maluha, nais kong malunod sa bumabahang sariling luha.
Pagod na pagod na ako.”
Napahawak na lang ako sa
parteng kumikirot nang malaman kong nahulog na pala ako sa aking higaan. Ngunit
sa halip na maluha, napangiti ako. “Panaginip lang pala, salamat”, ang nasambit
ko.
Naalimpungatan man, nahagip
pa rin ng mga mata ko ang orasan. Mag-aalas tres pa lang ng madaling araw.
Saktong alas dos kwarenta y singko, ang pagitan ng mga oras na ito ang labis na
kinatatakutan ko. Oo, takot ako, takot na takot na mas pipiliin ko na lamang
maihi sa salawal kaysa lumabas pa ng bahay para makapagbanyo kahit na ihing-ihi
na ako.
Oo, nasa labas ang banyo
namin. Paulit-ulit ko ngang tinatanong si Inay kung bakit naisip nilang sa
labas ng aming bahay magpalagay ng banyo. Itinatanong ko ito sa kanya sa umaga
tuwing nagigising ako sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres. Marahil
dahil sa sobrang takot, maging si Inay nadadamay sa kapraningan ko. Hindi rin
naman siya makapagreklamo dahil sa huli ako rin ang siguradong panalo. Mabait
kasi si Inay, yung tipong sunod lahat ng luho ko, siguro dahil nag-iisang anak
lang ako.
Hindi ko na maalala kung
kailan at saan nagsimula ang takot kong ito. Hindi ko rin matandaan kung sinong
kaibigan o kakilala man ang napulutan ko ng ideyang ito. Ang tanging alam ko
takot ako sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres.
Naalaala ko pa, nang unang
beses akong nagising sa pagitan ng mga oras na itong kinatatakutan ko, bigla na
lang akong pumalahaw ng pag-iyak hanggang sa nabulahaw ko na rin pati ang mga
kapitbahay. Naiskandalo pa tuloy si Inay at napagalitan din ako ni Itay, sukat
ko ba naman daw gisingin ang buong barangay sa iyak ko.
Sa tuwing sumasapit ang mga
oras na ito, at gising ako, demonyo ang tanging nakikita ko. Tumatawa siya.
Tila ba nais akong kunin at isama sa palasyo niyang mala-pugon sa init. Marami
siyang sinasabi sa akin na hindi ko lubos maunawaan. Magkagayunman, hindi ko
rin mapigil ang sarili ko sa pakikinig sa kanya. Kahit halos bumaon na ang mga
kamay ko sa butas ng aking tainga, nandiyan pa rin siya, naririnig ko pa rin
siya.
Tila nagdadasal nang walang
kasiguraduhan. Tila nangungumbinsi pero hindi ko maunawaan. Ang totoo, ang mga
pangyayaring dinaranas ko sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres ay
isang kababalaghan.
Kahit anong pilit ko sa
aking sarili na matulog nang mahimbing ay tila nagkukusa na ang aking mata sa
pagmulat sa tuwing sasapit ang mga oras na ito. Litong-lito ako. Hindi ko
malaman kung sino ang dapat na lapitan.
Simple lang ang buhay ko.
Gising. Pasok. Kain. Tulog. Paulit-ulit lang. Pinili kong mapag-isa at lumayo
sa karamihan sa takot na baka may gawin silang masama sa akin. Sa katunayan,
wala akong kaibigan, bukod kay Inay. Pero pinili ko pa ring itago kay Inay ang nararanasan ko sa pagitan
ng mga oras na alas dos at alas tres, sa takot na hindi niya ako paniwalaan.
Ngunit alam ko lagi lang siyang nandiyan, sumusubaybay, gumagabay.
Kaiba sa mga pangyayari
noong unang apat na linggo ang pangyayari ngayon, sa pagitan ng mga oras na
alas dos at alas tres. Totoong kakaiba. Hindi ko maipaliwanag ang aking
nararamdaman. Hindi ko mahugot ang mga salitang dapat sabihin sa madaling araw
na ito. Hindi ko talaga alam. Hindi ko na rin halos maramdaman ang aking sarili
sa sobrang gaan ng pakiramdam ko. Tila ako lumulutang. Lumulutang man o
lumulubog wala akong pakialam. Ang tanging alam ko ay masarap sa pakiramdam,
maging ito man ay bawal, maging ito man ay masama.
Wala na rin ang demonyo na
nakapagpapatindig ng aking balahibo. Sa pagkakataong ito, isang lalaki ang
ngayo’y nasa harap ko. Isang normal na tao. Sa kanyang mga labi, sumilay ang
isang mapanlinlang na ngiti. Muli kinabahan ako ngunit sa isip ko, handa na
ako. Tuluyan ko na ngang isusuko ang aking sarili. Hindi na tinatanggap ang
aking mga pag-aalinlangan. Isusuko ko na ang lahat. Sa lalaking noong una’y
nagdudulot sa akin nang di’ masukat na katatakutan. Alam ko ito ang nararapat.
Ibibigay ko na. Hahayaan ko
na lang siyang magmanipula. Wala nang luha ang lumabas sa bukana ng aking mga
mata. Marahil ang totoo ay tanggap ko na. Marahil hindi talaga ako para sa
Kanya, maging kay tagal ko Siyang pinagsilbihan. Para ako sa lalaking ito na
nakatayo sa aking harapan at nagdarasal ng hindi ko maintindihan.
Ako daw ang napili, ito ang
sabi niya. Sa likod ng mga pangitain ay natatago ang aking kapalaran. Hindi raw
kailanman ako mamamatay, bagkus ako ang papatay. Hindi na kailanman ako
kagagalitan ni Itay, dahil siya mismo ay luluhod sa akin. Ako, ako ang batang
mapalad na napili, ipinanganak sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres.
Ako na nga at malugod ko itong tinatanggap.
Kukunin na niya ako. Aalis
na daw kami dahil mahigpit niyang kailangan ang aking serbisyo. Ngunit sa gilid
ng aking mga mata, natanaw ko si Inay. Patakbong lumalapit sa akin. Hinihingi
niya ang aking kamay na unti-unti nang umaangat o lumulubog man hindi ko alam.
Si Inay, ang butihin kong Inay na naiiskandalo sa tuwing pumapalahaw ako ng
iyak sa pagitan ng mga oras na ito. Ang butihin kong Inay na nakauunawa. Si
Inay na kailanman hindi ako pinabayaan sa tuwing hahabulin ako ng mga
pangitaing nagpapakilala pala sa aking kapalaran. Nalilito ako. Kanino ako
sasama?
Muli, napaluha ako.
Hanggang sa ang luha ay naging iyak. Hanggang sa muli ako’y pumalahaw. Hanggang
sa mawala ang magaang pakiramdam na kanina ay lasap ko pa. Hanggang sa
matagpuan ko ang aking sarili sa piling ni Inay. Hinahaplos ang aking buhok ng
malalambot niyang mga kamay. Ang kaninang kaginhawaan ng pakiramdam ay naging
misteryo na lamang. Hindi ko alam ang totoong nangyari. Ngunit panatag ako
dahil kapiling ko si Inay.
Nagmulat ako ng mga mata.
Ngumiti si Inay. Alam ko nauunawaan niya ang nangyayari. Alam ko na hindi niya
ako pababayaan, gaya nang ginawa ng Lola sa kanya nang kaharapin niya noon ang
lalaking iyon, sa pagitan ng mga oras na alas dos at alas tres.
─FIN
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento