Paglisan (Things Fall Apart) ni Chinua Achebe

Paglisan
(Things Falls Apart, Nobela mula sa Nigeria)
ni Chinua Achebe
Saling-buod ni Kristine Mae N. Cabales
Si Okonkwo ay isang mayaman at respetadong mandirigma ng angkang Umuofia, isa sa mga katutubo ng Nigeria na bahagi ng pagsasama-sama ng siyam na magkakalapit na pamayanan. Dala-dala niya sa kaniyang kapalaran ang multo ng mga suliraning dulot ng kaniyang namayapang ama, si Unoka. Namatay ang kaniyang ama na may iniwang malaking pagkakautang sa iba’t ibang dako ng kanilang bayan. Kaya, napilitan si Okonkwo na magsipag sa buhay. Siya ay naging katiwala, mandirigma, magsasaka, at tagapagtustos sa kaniyang buong pamilya. Si Okonkwo ay mayroong labindalawang taong gulang na anak, si Nwoye na nakikitaan niya ng katamaran. Natatakot siya na ang kaniyang anak ay humantong din sa kinasadlakan ng kaniyang amang si Unoka.
Bilang pakikiisa sa kasunduan ng iba pang katutubo ng Nigeria, nagkaroon ng paligsahan, at nagkamit ang tribo ng Umuofia ng isang babaeng birhen at isang labinlimang taong gulang na binata. Si Okonkwo ang nag-alaga sa binatilyong si Ikemefuna, at nakita niya rito ang katangian ng isang mabuting anak. Gayundin naman si Nwoye, nakagaanan niya ng loob ang bagong miyembro ng kanilang pamilya. Ngunit kahit na gustong-gusto ni Okonkwo si Ikemefuna, at kahit na “Ama” na ang tawag nito sa kaniya, pinipigilan pa rin ni Okonkwo na magpakita ng labis na pagpapahalaga sa binata.
Sa kasagsagan ng Linggo ng Kapayapaan, inakusahan ni Okonkwo ang pinakabata sa kaniyang mga asawa, si Ojiugo, ng kapabayaan. Sinaktan niya ito nang husto na naging dahilan upang masira ang pagdiriwang ng kapayapaan sa kanilang lugar. Bagaman nagpakita na siya ng pagsisisi sa pamamagitan ng ilang pagsasakripisyo para sa pamayanan, hindi pa rin niya mabawi ang kaluguran ng kaniyang mga kababayan dahil sa kaniyang panggagambalang ginawa.
Naging bahagi ng pamilya ni Okonkwo si Ikemefuna sa loob ng tatlong taon. Itinuturing siyang nakatatandang kapatid ni Nyowe. Ikinagalak din ni Okonkwo ang pagiging matapang na lalaki nito. Isang araw, muling dumating ang mga balang sa bayan ng Umoufia, umaalis ito at bumabalik isang beses sa isang taon. Agad na nagtungo sa sakahan ang mga mamamayan, abala sa panghuhuli ng mga ito. Ayon sa kanila, masarap daw itong kainin kung naluluto nang maayos.
Si Ogbuefi Ezeudu, isa sa respetadong nakatatanda sa kanilang pamayanan, ang nagsabi na tinuran ng Orakulo na kinakailangan mapatay si Ikemefuna. Ibinilin nitong hindi siya ang dapat na pumatay kay Ikemefuna dahil “Ama” ang tawag nito sa kaniya. Nagsinungaling si Okonkwo nang sabihin niyang kinakailangan bumalik ni Ikemefuna sa totoo nitong bayan. Nalungkot at nagdamdam naman si Nwoye.
Habang naglalakbay ang pangkat ng kalalakihan, nasasabik namang inisip ni Ikemefuna ang muli nilang pagkikita ng tunay niyang ina. Makalipas ang ilang oras na paglalakad, sinugod at pinagsasaksak ng mga kasamang kalalakihan ang binatang si Ikemefuna. Humingi ng tulong si Ikemefuna kay Okonkwo na kinikilala niyang ama. At dahil ayaw niyang ipakita ang kaniyang kahinaan sa mga kasama, inundayan niya rin ng saksak ang binata kahit na binilinan siyang huwag itong gagawin. Nang makabalik sa kanilang bayan si Okonkwo, napakiramdaman naman ni Nwoye na ang kaniyang kaibigan ay wala na.
Labis na ikinalungkot ni Okonkwo ang nangyari, hindi siya makatulog nang maayos, ni makakain. Binisita niya ang kaniyang kaibigan si Obierika nang sa gayon ay may makausap. Dinapuan ng malubhang sakit ang anak niyang babae, at dahil may alam siya sa panggagamot, napagaling niya ito sa tulong ng mga halamang-gamot.
Ibinalita sa buong pamayanan ang kamatayan ni Ogbuefi Ezeudu, sa pamamagitan ng ekwe, isang musikal na instrumentong ginagamit sa pag-aanunsiyo. Nabagabag si Okonkwo dahil hindi niya tinupad ang bilin ni Ezeudu na huwag makisangkot sa kamatayan ni Ikemefuna. Sa marangyang burol ni Ezeudu, pinatunog ang malalaking tambol at nagpaputok ng baril ang mga lalaki. Nagulat ang lahat sa hindi inaasahang trahedya nang sumabog ang baril ni Okonkwo na ikinamatay ng labing-anim na taong gulang na anak ni Ezeudu.
At dahil sa malaking kasalanan para sa diyosa ng kalupaan ang pumatay ng isang katribo, kinailangan umalis ang pamilya ni Okonkwo sa kanilang pamayanan. Hinakot lahat ni Okonkwo ang kaniyang mga ari-arian at mahahalagang kagamitan at nagtungo sa Mbanta, lugar ng kapanganakan ng kaniyang ina, dala ang kaniyang buong pamilya. Sinunog ng mga taga-Umuofia ang mga natirang hayop, kubo, at mga naiwang pag-aari ni Okonkwo tanda ng paglilinis ng buong pamayanan sa kasalanan nito. Malugod naman silang tinanggap ng mga kaanak higit lalo ang tiyuhin nitong si Uchendu. Tinulungan nila sina Okonkwo na makapagtayo ng kanilang munting pamayanan at pinahiram ng mga butil na pagsisimulan ng kanilang munting kabukiran. Malagim at mahirap man ang sinapit ni Okonkwo, pinilit niyang tanggapin ang lahat at muling nagbalik sa kung saan siya nagmula.
Dumaan ang dalawang taon para kay Okonkwo. Sa mga taong iyon, matiyagang kinukuha at inaani ng kaibigan niyang si Obierika ang mga pananim sa dating lugar ni Okonkwo. Ibinibenta niyo ito at ibinibigay ang kinita kay Okonkwo. Buong sipag niya itong ginagawa hanggang sa makabalik na si Okonkwo sa Umuofia. Isang balita naman noon ang ipinabatid ni Obierika nang minsang nagdala siya ng kinita kay Okonkwo. Winasak daw ng mga puti ang Abame, isa ring pamayanan ng mga Umuofia.
Hindi naglaon, may mga dumating na misyonera sa Mbanta. Sa tulong ng isang interpreter na si G. Kiaga, kinausap ni G. Brown, lider ng mga misyonero ang mga taga-Mbanta. Ayon sa kanila, ang pagsamba sa mga diyos-diyosan ay isang malaking kasalanan at hindi katanggap-tanggap sa simbahan. Lalong hindi naunawaan ng mga taga-Mbanta kung paanong ang Tatlong Persona ay naging iisang Diyos katulad ng ipinaliliwanag ng mga misyonero tungkol sa dapat na pagsamba sa iisa lamang na Panginoon. Layunin ng mga misyonero na dalhin ang Kristiyanismo sa Mbanta at hindi ang tuligsain sila. Nagkasakit si G. Brown at pinalitan ni Rev. James Smith, isang malupit at bugnuting misyonero. Nagkaroon ng relihiyon ang mga taga-Mbanta. Habang isinasagawa ang taunang seremonya para sa pagsamba sa bathala ng lupa, hinablot ni Enoch ang takip sa mukha ng isang Egwugwu, katumbas ng pagkitil sa espiritu ng mga ninuno. Kinabukasan, sinunog ng Egwugwu ang tahanan ni Enoch at ang simbahang itinayo ni Rev. Smith.
Ikinapanlumo ng komisyoner ng distrito ang naganap na panununog sa kanilang simbahan. Dahil dito, humiling siya ng pakikipagpulong sa pinuno ng Umuofia. Sa pulong, pinosasan ang mga dumalong pinuno ng mga Umuofia at ikinulong. Nakatikim ng pandudusta, masasakit na salita, at pang-aabuso ang mga pinuno ng Umuofia.
Pagkatapos mapalaya, agad nagpulong ang mga nabilanggo. Napagkasunduan nilang tumiwalag at inakala ni Okonkwo na nais ng mga kaangkan na maghimagsik. Kaya naman, gamit ang machete ay pinatay niya ang pinuno ng mga mensaherong lumapit sa mga kaangkan niya. Hinayaan lamang ng mga taga-Umuofia na makatakas ang iba pang mensahero. Saka napagtanto ni Okonkwo na hindi handa ang kaniyang mga kaangkan sa giyera.
Dumating sa lugar ni Okonkwo ang komisyoner ng Distriro upang imbitahan siya sa isang pagdinig sa korte. Natagpuan niyang nakabitin si Okonkwo. Siya ay nagpatiwakal. Ibinaba nina Obierika ang katawan nito. Gumimbal sa buong nayon ang pangyayari sapagkat itinuturing ang pagpapatiwakal na isang malaking kasalanan at bukod pa rito, si Okonkwo ay kinikilalang matapang at malakas. “Ang taong iyan ay kilala at tanyag sa buong nayon subalit nang dahil sa kaniyang pagpapatiwakal, matutulad na lamang siya sa isang nilibing na aso,” pahayag ni Obierika.

-Wakas-

Mga Komento

  1. I would like to give an enormous thumbs up
    for the good information you have got right here on this post.Sakit.info

    TumugonBurahin

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pokus ng Pandiwa: Direksiyonal at Sanhi

Mga Salitang Magkakatulad at Magkakaugnay

Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo