PAGDALUMAT SA KONSEPTO NG VALENTINE’S DAY SANG-AYON SA WIKA AT KULTURANG PILIPINO TUNGO SA PAGTUKLAS NG MGA KAMALAYANG UMUUGAT SA PAG-IBIG SA BAYAN

PAGDALUMAT SA KONSEPTO NG VALENTINE’S DAY SANG-AYON SA WIKA AT KULTURANG PILIPINO TUNGO SA PAGTUKLAS NG MGA KAMALAYANG
UMUUGAT SA PAG-IBIG SA BAYAN
ni Kristine Mae N. Cabales

Abstrak
            Ang papel na ito ay hango sa iba’t ibang sulating-pananaliksik, analisis/pagsusuri, at literaturang bunga ng pag-iisip ng mga lokal na manunulat na dumalumat sa Sikolohiyang Pilipino. Tatangkaing ipaliwanag ang paksa gamit din ang mga dulog at lenteng pinaghalawang ng ideya sa mga sulatin.
Panimula
            Nalalaman natin na ang wika at kultura ay dalawang bagay na hindi natin maaaring paghiwalayin. Sinasalamin ng isa’t isa ang mga katangiang taglay ng mga taong gumagamit nito. Esensiyal na bahagi sa buhay ng tao ang paggamit ng wika upang makilala ang kanyang sarili at upang mabisang makipag-ugnayan sa komunidad na kanyang kinabibilangan.
            Sa papel na ito, tatangkaing maipaliwanag kung paano nakaaapekto ang pagbabagong nagaganap sa kultural na komunidad sa pagbibigay ng panibagong pagtanaw sa isang kaisipan o pangyayari gaya ng Valentine’s Day. Uugatin rin dito kung ano ang ugnayan ng wika at kultura sa pagbuo ng mga kamalayang maaaring umugat sa pag-ibig sa bayan na ayon sa “kapwa” bilang saligan ng Sikolohiyang Pilipino. 
Batayang Kaalaman sa Wika at Kultura
            Isang napakahalagang instrumento ng komunikasyon ang wika. Hindi lamang ito nakatuon sa pagkilala ng mga tunog, salita, parirala at pangungusap na nabubuo ng isang wika. Kundi, binibigyang-pansin ang mas lalong gampanin nito sa pagpapadaloy ng ugnayan sa isang linggwistikong komunidad. Ayon kina Paz et. al (2003), ang wika ay behikulo ng ekspresyon at komunikasyon na dapat ay epektibong nagagamit. Pangangailangan na ang isang taong gumagamit ng wika ay may kakayahang gamitin ito sa tama at angkop na paraan. Nilalayong makamit ng isang tagapagsalita ang kagalingan pangkomunikatibo tungo sa kahusayan sa pakikipagtalastasan.
            Madaling makilala ang isang tao sa pamamagitan ng wikang kanyang ginagamit. Sinasalamin ng mga salitang ginagamit ang kultura ng tao sapagkat malaki ang ugnayan ng dalawa. Ito ay parang goma na hindi maaaring paghiwalayin. Kung mangyari man, gaya ng goma, mawawalan na ito ng silbi dahil nawala rin ang elasticity nito o kaangkupan bilang isang goma. Gaya ng wika at kultura, ang pagbabago ng isa ay pagsang-ayon rin ng isa pa. Gayundin, ang kultura ay masasabing nabubuo at napepreserba dahil sa wikang gamit ng tao. Ang pagiging dinamiko ng wika ay sumusunod lamang din sa pagbabagong nagaganap sa isang kultural na komunidad. Masasabi ring kung walang wika, walang kultura, at vice versa.
            Ayon kay Virgilio Enriquez, hindi lamang isang mabisang kasangkapan ng komunikasyon ang wika kundi isa rin itong mayamang mapagkukunan ng mahahalagang pananaw at pag-unawa tungkol sa kultura (Constantino at Atienza, 1996). Ayon rin sa kanya, mas mainam ang paghalaw ng isang konseptong Pilipino mula sa katipunan ng mga konsepto na kinabibilangan rin nito, pati na rin sa ganap na paggamit ng wika bilang pangunahing sanggunian.
            Sa ganitong punto, ipinapalagay na ang wika at kulturang Pilipino ay maaaring maging lunsaran sa paglilinaw ng mga konseptong isinasapraktika sa kasalukuyang panahon. Nangangailangan nga lamang ito nang masusing pag-uugat tungo sa mas malalim na pagkilala sa ethos o bayang pinagmulan.
Pangkalahatang Konsepto ng Pag-ibig Sang-ayon sa Kulturang Pilipino
            Ang papel na ito ay nakatuon sa konsepto ng pagdiriwang ng Valentine’s Day ng mga Pilipino sa kasalukuyang panahon na nagiging mainstream ang pagyakap sa kulturang popular. Ngunit ano nga ba talaga ang pangkalahatang konsepto ng pag-ibig kung ito ay iaayon at iuugat sa kulturang Pilipino?
            Kung pagbabatayan ang papel ni Virgilio Enriquez patungkol sa “kapwa” bilang saligan ng sikolohiyang Pilipino, maaari ring sabihin na may malawak tayong pagkilala sa pag-ibig bilang tagapag-ugnay ng isang komunidad. Sa pagitan ng isang tao at ng kanyang kapwa, maraming pilosopiya at pagpapahalaga ang nabubuo na humahantong sa epektibong daloy ng pakikipagtalastas. Ang hiya, pakikisama, utang na loob, amor propio at bayanihan ay mga pagpapahalagang bahagi ng kulturang Pilipino na nagpapakita lamang ng pangangailangan sa pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa. Kung titingnan, ang mga pagpapahalagang ito ay hindi lubos na mauunawaan kung ang tao ay walang konsepto ng pag-ibig sa kanyang pagkatao.
            Ano nga ba ang kahulugan ng pag-ibig? At ano ang kaibahan nito sa pagmamahal? Gaya ng pagtalakay ni Enriquez, sa kaibahan ng “kapwa” ng mga Pilipino sa “others” ng Ingles, may kaibahan rin ang “pag-ibig at pagmamahal” na tinutumbasan natin ng “love” sa Ingles. Ngunit para sa mas malalim na pagsusuri, bigyan nating kahulugan ang mga salita mula sa ugat nito – ibig at mahal. Ang salitang “ibig” ay kasingkahulugan ng “gusto o nais”, kung isasalin naman sa wikang Ingles, maaari itong tumbasan ng “want, desire, wish, dream, interest, purpose, objective, choice at preference”, ang mga salitang ito ay kapwa humahantong sa layuning makamit ang isang bagay na ninanais mo. Kung gagamitin mo ang mga katagang “iniibig kita”, maaaring itong mangahulugang “kailangan kita”. Samantala, ang salitang “mahal” ay maaari namang maiugnay sa salitang “gusto”, na kasingkahulugan pa rin ng salitang “nais”, ngunit hindi natin maiaalis na mayroong mas malalim na pagbibigay-kahulugan sa salitang “mahal”. Kung isasalin natin ito sa wikang Ingles, maaari itong tumbasan ng “love, affection, fondness, devotion, endearment, at care” na kapwa umuugat sa mas malalim na kapit ng emosyon ng isang tao sa kanyang kapwa. Kaya ang mga katagang “mahal kita” ay nagtataglay ng mas malalim at mas mabigat na kahulugan kung ibabatay mismo sa depinisyon nito. Ngunit marami sa atin ang napagkakamali at inaakalang pareho lamang ang kahulugan ng magkaibang salita ito. Kung ihahambing naman sa mga katumbas na salitang Ingles, masasabing napagyayaman pa rin natin ang sariling salita na nakaayon pa rin sa kung paano ba natin ito ginagamit at iniaayon sa ating emosyon.
            Nangangahulugan lamang na ang bawat salita na nakaugat sa sikolohiyang Pilipino ay iniaayon rin natin sa ating emosyon at damdamin bilang tao. Gaya na rin ng paliwanag ni Prospero Covar sa kanyang papel ukol sa pagdalumat ng pagkataong Pilipino, nang iugat niya ang konsepto ng salitang “tao” sa “katauhan at pagkatao” kung ito’y lalapian. Sa ganitong punto, binanggit niya na magkakaroon ng bagong pagtanaw sa konsepto ng “pagkatao” na tumutukoy naman sa kalikasan ng tao, hayop o bagay, at tumalakay sa panloob na aspekto ng mga ito. Iniugnay niya naman ito sa iba pang pagpapahalaga at pilosopiyang Pilipino gaya ng, saloobin, kaloob, looban, magandang loob at iba pa. Ganito rin ang nasa unang paliwanag ni Enriquez sa konsepto ng kapwa bilang panloob, na iniugnay niya naman sa sama ng loob, kusang loob, at lakas ng loob.
            Pinatutunayan lamang ng mga pahayag na ito na ang mga pilosopiya at sikolohiya ng pagkataong Pilipino ay umuugat sa pag-ibig at pagmamahal sa kapwa. Umiikot ang mga sikolohiyang ito sa kung paano mapagyayabong at mapauunlad ang isang komunidad na binibigyang-tuon ang kalagayan ng kapwa bilang esensyal na bahagi ng bawat indibidwal.
Ang Valentine’s Day Bilang Dayuhang Kamalayan
            Kinikilala ang buwan ng Pebrero bilang buwan ng pag-ibig. Dito ipinagdiriwang ang Valentine’s Day na inaabangan rin naman ng karamihan. Ngunit saan nga ba talaga nagmula ang konsepto ng pagdiriwang ng buwan ng pag-ibig tuwing Pebrero? Tuwing Pebrero nga lang ba dapat ipagdiwang ang pag-iibigan at pagmamahalan? At anong klaseng pag-ibig lang ba ang kinikilala tuwing buwan ng Pebrero?
            Ang Araw ng mga Puso o Valentine’s Day ay labas sa tradisyonal na kulturang Pilipino. Ito ay nagmula sa kultura ng sinaunang Roma at mga Kristiyano. Si St. Valentine, ang patrong kinikilala at ginugunita sa pagdiriwang ng nasabing okasyon ay isang pari na naging tagapagtaguyod ng pagpapakasal at pagbuo ng nagmamahalang pamilya noong panahong ni Haring Claudio II. Sa kabila ng pagbabawal ng hari na magpakasal ang mga kawal na lalaki, lihim na ipinapakasal ni St. Valentine ang mga magsing-irog upang bumuo ng isang pamilya. Nang matuklasan ang kanyang pagsuway sa utos, ipinapatay at kinilalang martyr ito sapagkat hanggang sa huli’y hindi niya inakong kasalanan ang kanyang ginawa.
            Ipinakikita lamang sa mitong ito ang konsepto ng pagbibigay ng kahalagahan sa pag-ibig at pagmamahal tungo sa pagbuo ng isang magandang komunidad. Ang pagdiriwang natin tuwing ika-14 ng Pebrero bilang araw ng mga puso ay nagpapakita lamang na bagaman hindi ito dinideklarang holiday, naglalaan pa rin ang mga tao ng kanilang oras, panahon at salapi upang gawing natatangi ang araw na ito. Sa katunayan, ginagawa na itong daluyan ng komersyo sapagkat hindi rin biro ang gastos ng mga tao sa tuwing dumarating ang araw na ito. Malungkot na katotohanan, pero kaugnay ng kasalukuyang konsepto ng “pag-ibig at pagmamahal” ay ang “paggastos at pagpapakahirap”, at tinitingnan natin ito sa lente ng kulturang popular na hindi natin maaaring itatwa. Kahit na wala sa kultura natin ang pagdiriwang nito, kinakilala pa rin natin ang kahalagahan ng pag-ibig at pagmamahal sa pagkatao ng bawat indibidwal. Ngunit sa pagitan ng pag-ibig sa kapwa at pag-ibig sa bayan, anong pag-ibig nga lamang ba ang mas kinikilala natin? Sa kasalukuyang panahon, na mabilis na umuusbong at nagpapakilala ang iba’t ibang kulturang popular, nahihirapang maipakilala sa bagong henerasyon ang kaisipan patungkol sa malalim na pagmamahal – ang pagmamahal sa bayan.
            Gaya ng mga naunang pahayag na tinalakay, ang kulturang Pilipino ay nakaugat sa pagmamahal sa kapwa, na tuwirang maiuugnay sa bayan. Idagdag pa rito ang papel ni Jayson Petras ukol sa pagpapatibay ng salitang pandamdaming tumutukoy sa “saya”, nabanggit dito na ang Pilipinas ang pinakaemosyonal na bansa sa daigdig, ayon sa pag-aaral na isinagawa ng Gallup. Nangangahulugan lamang na ang Pilipino ay may tuwirang pag-uugnay sa kanyang sarili at sa kanyang kapwa, lalo na sa aspektong emosyonal. Kaya naman hindi kataka-takang malawak ang naging pagyakap natin sa mga dayuhan okasyon na ating ipinagdiriwang sa ngayon – gaya ng Valentine’s Day.
Kamalayang Umuugat sa Pag-ibig sa Bayan
            Hindi miminsang pang napatunayan na ang lahing Pilipino ay isa sa mga lahing handang magtanggol at handang mamatay para sa bayan. Sa pagsilip ng mayamang kasaysayan ng bansa, taglay nito ang mahabang panahon ng pagiging kolonyal ng ibang bansa. Ang anino na hindi na maaalis, at mga kwentong hindi na mabubura, kaya’t hindi kataka-takang nadebelop sa mga Pilipino ang pag-iisip at pagkilos na ayon sa aktibibismo at pakikidigma. Hindi lamang sa mga dokumentadong opisyal na papel at mga likhang-panitikan kundi maging sa bokabularyo ng wika ay makikita ang kasaysayan at mga ginawang pagkilos sa mga nagdaang panahon.
            Sang-ayon sa papel ni Florentino Timbreza patungkol sa Pamimilosopiya sa Sariling Wika: Mga Problema at Solusyon (2009), iminungkahi niya na ang tanging paraan ng pagpapaunlad ng sariling wika sa larangan ng pilosopiya’t kaisipan ay sa pamamagitan ng paggamit lamang nito. Malaki ang ugnayan ng wika at ng pag-iisip, ito’y magkakabit, lalaging hahanapin ng pag-iisip ang wikang upang maging buo ito. At gaya ng kasaysayan ng Pilipinas, mayaman rin ang kasaysayang pinagdaanan ng Wikang Filipino.
            Sa kabila ng binabanggit na mayamang kasaysayang ito, ang Pilipinas ba ngayon ay makokonsidera bilang kabuuang kultural? Walang alinlangan na tayo’y tumutungo rito, subalit sa ngayon, tayo’y nasa yugtong maaaring tawaging isang “pamayanang pambansa” na naghahangad na maging isang bago at mas malawak na “kabuuang etniko”: ang pagkakultura-at-wika sa loob ng isang estado o bunga ng paglaganap ng isang estado. Ang pinakamahalagang resulta ng mga pagtatagpo at pangyayari sa ating kasaysayan ay hindi ang pagkakapatay kay Magellan o ang pakikipagsanduguan ni Legaspi kundi ang “pagiging isang lipunan” ng dating magkakahawig subalit magkakahiwalay na ethnos sa kasalukutang teritoryo ng Pilipinas. (Constantino, 1996)
            Patunay lamang ang mga pahayag na ito, na hanggang sa kasaluyang panahon, na yumayakap at pinauunlad na tayo ng iba’t ibang kulturang popular, patuloy pa rin tayong nagnanais ng pangkalahatang kabutihan para sa ating bayan. Hindi lamang nakatuon ang pagiging makabayan at patriotismo sa pagpapaunlad ng bansa kundi mas lalong higit sa pagpapayaman at pagbibigkis sa mga kultural na komunidad sa loob nito. At ang lahat ng ito ay uugat pa rin sa hindi lantad at/o pinaniwalang ligaw na Sikolohiyang Pilipino.
Kongklusyon
            Bilang kongklusyon, tinangkang ipaliwanag sa papel na ito ang pagdalumat o mas malalim na pag-unawa natin sa konsepto ng pag-ibig at pagmamahal, sang-ayon na rin sa pagdiriwang ng Valentine’s Day sa kasalukuyan. Ngunit nananatiling palaisipan pa rin kung anong pag-ibig ba talaga ang kayang kilalanin ng kasalukuyang henerasyon?
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagka-dalisay at pagka-dakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
(Mula sa Pag-ibig sa Tinubuang Lupa ni Andres Bonifacio)

            Isa si Andres Bonifacio sa epitomiya ng pagmamahal sa bayan. Tumatak ang kanyang pangalan sa kasaysayan, ‘di umano’y dahil sa “pagbubuwis ng buhay” para sa bayan. Ang pinakadakilang pag-ibig ay pag-ibig sa bayan. Hindi basta pag-ibig sa lupang tinatapakan kundi pag-ibig sa bayan, sa tao, sa kultura, sa komunidad, sa ethnos. Kung babalikan natin ang kaibahan ng pag-ibig sa pagmamahal, maaari nating gawing halimbawa ang pag-ibig sa bayan.
“Iniibig ko ang Pilipinas, ito ang tahanan ng aking lahi.”
(Mula sa Panatakang Makabayan)

            Iniibig ko ang Pilipinas sapagkat minamahal ko ang lahing Pilipino. Ang pag-ibig at pagmamahal ay lalaging magkaugnay. Gaya ng kultura at wika. Gaya ng Valentine’s Day at gastos. Gaya ng kamatayan at pag-ibig sa bayan.
“Ang mamatay nang dahil sa’yo”
(Mula sa Lupang Hinirang)
           
Mayroon mang iba’t ibang pagtingin sa pag-ibig bilang malawak na konsepto. Sa huli, ito ay uugat pa rin sa kapwa at/o bayan, na lubos nating pinahahalagahan sang-ayon sa pagkatao at kulturang Pilipino.
Mga Sanggunian
Constantino, Pamela at Monico Atienza (1996). Mga Piling Diskurso sa Wika at Lipunan. Quezon City: University of the Philippines Press.
Covar, Prospero (2015). “Kaalamang Bayang Dalumat ng Pagkataong Pilipino” nasa Daluyan 2015, Espesyal na Isyu.
Petras Jayson (2013). “Ang Pagsasakatutubo mula sa Loob/Kultural na Pagpapatibay ng mga Salitang Pandamdaming Tumutukoy sa “Saya”: Isang Semantikal na Elaborasyon ng Wikang Filipino sa Larangan ng Sikolohiya” nasa Humanities Diliman 10:2, 56-84.

Timbreza, Florentino (2009). “Pamimilosopiya sa Sariling WIka: Mga Problema at Solusyon” nasa Malay Journal, 22:1, p. 69-83. 

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

PAMILYA ORDINARYO: Hubad na Suri sa Isang Realistik na Pelikula

Sikolohiya sa Loob ng Ilang Awitin ni Gary Granada at mga Kwento ng Pakikibaka sa mga Lunggating Maka-Pilipino

Mga Pang-ugnay sa Pagbibigay ng Sanhi at Bunga