PANUNURING-PAMPELIKULA: ANG BEAUTY QUEEN AT ANG BAYANI

PANUNURING-PAMPELIKULA: ANG BEAUTY QUEEN AT ANG BAYANI
ni Kristine Mae N. Cabales

            Sa nakaraang sarbey na ginawa ng SWS, tinatayang humigit-kumulang 2.4 milyon ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa labas ng bansa. 84.0 na libo dito ang Pilipinong manggagawa na nasa ibang bansa sa Asya. Higit sa kalahati ng populasyong ito ay kababaihan na nagtatrabaho bilang Domestic Helper o kasambahay. Ito ang karaniwang kwento ng pamilyang Pilipino sa panahong natin ngayon, na ang isa sa magulang ay kinakailangang mangibambansa upang mapunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, ang pagsasakripisyo para sa kapakanan ng mahal sa buhay, gaya ng ipinakita ng isa sa mga entry sa nagdaang MMFF, ang The Sunday Beauty Queen. Ang SBQ ay ang kauna-unahang documentary film na nakapasok sa kasaysayan ng MMFF at isa ito sa patunay na talagang naghahangad ng pagbabago ang pamunuan ng MMDA para sa pagtangkilik ng iba pang porma ng mga pelikulang ipalalabas at taunang inaabangan ng maraming Pilipino.
            Ang The Sunday Beauty Queen ay nabuo sa pagsisikap ng direktor nito na si Baby Ruth Villarama at kanyang mga kasama. Si Villarama ay isang manunulat at mamamahayag. Ayon sa kanya, sadyang malapit sa kanyang puso ang paggawa ng pelikulang ito sapagkat ang kanyang bayolohikal na ina ay dati ring OFW. Tumagal nang apat na taon ang pagbuo ng pelikulang ito dahil sa kakulangan sa budget at dahil na rin sa lokasyon nito at mga kinakailangan papeles upang maaprubahan ang pagkuha ng mga eksena sa totoong pangyayari sa buhay ng isang OFW. Ang pelikulang ito ay naparangalan ng Best Picture Award marahil dahil sa kabuuang layunin nito sa pagsasapelikula ng kwento ng mga OFW sa Hong Kong partikular na ang mga Domestic Helper doon.
            Ang pelikulang ito ay sumubaybay sa kwento ng limang Domestic Helper sa Hong Kong, sa kanilang gawain sa bahay ng kanilang amo, at sa kanilang lingguhang gawain kasama ang iba pang mga Pilipinong kasambahay doon. Si Leo, isa sa mga nangunguna sa pag-oorganisa ng taunang Beauty Contest doon ay isa sa mga tinutukang karakter sa kwento. Sa kadahilanang ito nga ay isang documentary film, sinundan lamang ng direktor at isang camera man ang kanilang karakter, ipinakita rito ang pangkaraniwang ginagawa nila sa araw-araw at kung ano ba ang saloobing nila ukol sa kanilang pagtatrabaho nang malayo sa kanilang mga pamilya. Larawan ng masayang pamayanan ang grupo ng mga Pilipino na nagkikita-kita tuwing araw ng Linggo, ito ang tanging araw ng kanilang pahinga at pamamasyal. Ngunit kahit na nakahahanap ng panandaliang kasiyahan ang mga kasambahay na ito hindi pa rin maiaalis sa kanila ang pangungulila sa kanilang mga mahal sa buhay. Ipinakita rin dito ang kwento ng ilang mga kasambahay na hindi pinalad at nakatagpo ng malupit na amo. Malungkot na katotohanan na maski ang ating gobyerno ay walang ginagawa para sa mga api natin kababayan na nangangailangan ng tulong. Isa rin ito sa mga layunin ng pagsasagawa ng mga patimpalak tuwing araw ng Linggo, upang makalikom ng pera at maipantulong sa mga kababayang nangangailangan na nasa ilalim ng kustodiya ng mga pribadong organisasyon na tumutulong talaga sa mga OFW. Gayundin, ipinakita rin sa pelikula ang panig ng mga amo na nasisiyahan serbisyo ng mga pangunahing karakter na ito. Ayon sa kanila, malaki ang naitutulong ng mga OFW sa kanila sapagkat araw-araw ay nasa trabaho sila kaya’t walang ibang mag-aasikaso sa kanilang tahanan at mga anak. Oo, nakikita nating kaapihan ito para sa mga kababayan ngunit biyaya ang turing ng ilang dayuhan sa mga kasambahay na ito dahil kinikilala nila ang pagmamahal na kayang ibigay ng isang Pilipinong kasambahay sa kanilang pamilya. Ngunit masasabi ko ring ito ay maliit na porsyon lamang ng karanasan ng mga naninilbihan sa ibang bansa, mayroong mga pinapalad at mayroon rin namang mga naaagrabyado at napagmamalupitan ng amo.
            Sa aspetong teknikal, kita-kitang ang pagiging amateur sa pagkuha ng mga eksena ngunit magkagayunman nakuha pa rin ang layunin nito na ipakita ang totoong pangyayari sa buhay ng mga karakter sa kwento. At dahil ito nga ay pagdodokumento, naging natural ang pakikipagkwentuhan ng karakter sa direktor o doon sa kumukuha ng mga eksena. Hindi masyadong nilapatan ng sound effects ang pelikula marahil gusto lang talagang gawing natural ang bawat eksena, na sa tingin ko ay nakuha naman ng direktor. Walang iskrip para sa mga artista, tanging mga katanungan lamang na kailangan nilang masagot sa pinakamakatotohanang paraan. Maging ang eksena kung saan namatay ang amo ng isang tauhan ay sobrang nakagugulat dahil sa ito nga ay totoong nangyari, ang bawat damdamin ng karakter ay totoo. At isa ito sa magandang layunin ng mga documentary film, ang maipalabas ang totoong katauhan maski may nakaharap pang camera o wala.
            Sa pangkabuuan, kahit hindi ito nagwagi ng maraming parangal, isa ito sa mga pelikulang naghayag ng katotohanan at hindi lamang ipinalabas upang gawing katatawanan ang buhay ng isang OFW. Masasabing cliché na ang kwento ng mga kababayan nating nangingibambansa at nabibigo, nahihirapan, at umuuwing luhaan, ngunit sa pelikulang ito pinasilip ang buhay ng mga OFW sa Hong Kong at kung paano ba nila tinutulungan ang isa’t isa. Sadyang hindi madali ang maghanapbuhay sa ibang bansa, ngunit dahil na rin sa tulong ng iyong mga kababayan nakakayanan mo ang lungkot at pagod, nararamdaman mo ang pamilya sa katauhan ng mga kasama mong ito, at masasabi ko rin na ito ay isa sa magandang katangian nating mga Pilipino. Ang pagiging positibo sa lahat ng bagay at ang kalakasan nating tiisin lahat ng hirap basta’t para lamang sa pamilya.


-FIN

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pokus ng Pandiwa: Direksiyonal at Sanhi

Mga Salitang Magkakatulad at Magkakaugnay

Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo