PANUNURING-PAMPELIKULA: ORO BILANG TAGAPAGMULAT

PANUNURING-PAMPELIKULA: ORO BILANG TAGAPAGMULAT
ni Kristine Mae N. Cabales

            Isa sa inaabangang Film Festival sa Pilipinas ang Metro Manila Film Festival (MMFF). Kamakailan lamang ay nagkaroon ng bagong patakaran ang pamunuan nito na naging dahilan kung bakit nagkaroon ng puwang ang ilang Independent Film sa kompetisyong ito. Sa pagtatapos ng MMFF, isa sa mga naging kontrobersyal na pelikula ay ang Oro ni Alvin Yapan, isang Pilipinong direktor at manunulat na malimit pumaksa patungkol sa buhay ng mga ordinaryong Pilipino. Gaya ng inaasahan, ang nilikhang pelikula ni Yapan ay tumatalakay sa isang tagong sitwasyon na hindi nalalaman ng karamihan. Ang pelikulang ito ay kwento ng totoong pangyayari sa isang liblib na lugar sa Camarines Sur, nang panghimasukan ng mga nagpakilalang Patrol Kalikasan ang pagmimina ng mga tagaroon. Naging kontrobersyal ang pelikulang ito dahil umano sa pagpatay sa dalawang aso sa pelikula. At dahil sa pangyayaring ito at mga sirkumstansya napaling ang atensyon ng mga tao sa isyu na naging dahilan kung bakit ipilabas lamang ito sa mas maikling panahon kumpara sa ibang pelikula.
Maraming isyu ang ipinakita sa pelikula, isa na rito ang usaping pampolitika kung saan ipinakita ang pagkontrol ng mga politiko sa bayan at sa kabuhayan nito. Ang pangingialam ng mga Patrol Kalikasan sa pagmimina ng mga lokal ay lantarang pagpapakita na maski ang mga tagapaglingkod ng mga politikong ito ay ganid rin sa kayamanan at kapangyarihan. Ipinakita sa pelikula ang simpleng pamumuhay ng mga lokal na ang tanging kabuhayan bukod sa pangingisda ay pagmimina ng ginto sa pamamagitan ng pagdudulang, isang tradisyonal na paraan ng paghahanap ng ginto. Nalalaman ng mga lokal ang panganib na maaaring idulot nito ngunit pinipili pa rin nilang magmina dahil kahit papaano ay nagkakaroon sila ng magandang kita rito. Gaya ng karakter ni Joem Bascon sa kwento bilang Elmer na isang binata na nagnanais lumuwas sa lungsod upang doon bumuo ng pamilya, kasama ang kanyang nobyang si Linda, isang guro na ginampanan ni Mercedes Cabral. Ang mga tauhang ito ay sumisimbolo sa pinakapangkaraniwang mamamayan ng isang bansa na nagnanais ng kaunlaran sa kanilang sarili ngunit sadyang hinahadlang lamang ng mga salik na nakapaligid sa kanila. At dahil nga ito ay nakabatay sa totoong pangyayari sa binansagang Gata Massacre noong 2014, ang naging daloy ng kwento ay sadyang napapanahon at makatotohanan. Gayundin, nabigyan naman ng hustisya ng mga karakter sa pelikula ang totoong tauhan na buhay sa kwentong iyon. Si Irma Adlawan na gumanap bilang Kapitana ng Gata ay naparangalan bilang Best Actress dahil sa kanyang kagalingan at matamang pagbibigay ng damdamin para sa mga pangyayari sa kwento.
Pagdating naman sa teknikal na aspeto, naging maganda ang pagpili ng awitin at musika na ilalapat sa bawat pangyayari sa kwento. Malaki ang naitulong nito upang mas maging madamdamin ang pelikula at upang makuha ng manonood ang emosyon na nais palabasin ng direktor at mga tauhan sa kwento. Nag-iwan rin ng mga magagandang linya sa pelikula na nagdala ng kabuuang mensahe nito, gaya ng tinuran ni Kapitana ang mga katagang, “Kailan ba nagkaroon ng batas para sa interes ng maliliit na tao?” retorikal na tanong na hindi kailan ng sagot ngunit nangangailangan ng pagsusuri at kumikintal ng palaisipan sa isipan ng manonood. Maging ang mga kagamitan, kasuotan at lokasyon ng pelikula ay angkop para sa kwento, marahil sa kadahilanang ito ay batay sa totoong pangyayari, naging madali para sa production team ang kumuha ng iba pang karakter na malamang ay tagaroon rin at gumanap bilang ekstra sa pelikula. Lahat ng pangyayari sa kwento ay sadyang makatotohanan kaya hindi nakagugulat na naging kontrobersyal ito dahil maging ang pagkatay ng aso na batay rin naman sa totoong pangyayari ay ipinakita rin sa pelikula. Gayunman, pagdating naman sa cinematograpiya ng pelikula, para sa isang Indie Film, naging mahusay ang editing at pagkuha ng mga eksena sa pelikula. Ang sequencing o pagpapalit-palit ng eksena sa kwento ay hindi naging problema para sa editor. Sa kabuuan, mahusay sa aspetong teknikal ang pelikulang ito.
Sa pangkabuuan, ang pelikulang ito ay kwento ng isang bayang namumuhay ng payak ngunit hindi pa rin nakaligtas sa karahasang dulot ng mga taong ganid sa kapangyarihan at kayamanan. Isang nakalulungkot na eksena sa pelikula ay ang huling bahagi nito kung saan kinapanayam ng media ang Kapitana ng Gata, tinuran niya dito na kung ang isang pamayanan ay walang kaalaman sa tamang pag-aalaga ng kalikasan, nararapat lamang na turuan sila kung paano hindi yaong pagnanakaw ng kanilang tanging kabuhayan. Ang pelikula ring ito ang nagpatunay na kayang punan ng Inang Kalikasan ang batayang pangangailangan ng mga mamamayan ngunit kailanman hindi nito kayang punan ang ating pagkagahaman, at ito ay isang malungkot na katotohanan.


-FIN

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

PAMILYA ORDINARYO: Hubad na Suri sa Isang Realistik na Pelikula

Mga Pang-ugnay sa Pagbibigay ng Sanhi at Bunga

Sikolohiya sa Loob ng Ilang Awitin ni Gary Granada at mga Kwento ng Pakikibaka sa mga Lunggating Maka-Pilipino