Pelikulang For Adults Only: Pagsusuri sa Kwento ng Buhay ng Isang Puta at ang kanyang Pagpuputa
Kristine Mae N. Cabales
MAF 102
Gawain Blg. 3 (Agosto 13, 2016)
Pelikulang
For Adults Only: Pagsusuri sa Kwento ng Buhay ng Isang Puta
at ang kanyang Pagpuputa
Puta. Pagpuputa.
Sino ba talaga ang puta? Sino-sino ang kadalasang nasasadlak sa pagpuputa?
Kaiba ang
pagtalakay ni Jose Maria F. Lacaba o mas kilala bilang Pete Lacaba sa larangan
ng panitikan at midya, sa paksang prostitusyon. Marahil mas gamay niya ang
midya, kaya alam ni Pete Lacaba kung paano ibahin ang atake sa pagkukwento
gamit ang tula. Kilala si Pete Lacaba sa pagsulat ng iskrip pampelikula,
pagsasalin ng mga akdang-pampanitikan, bilang patnugot ng mga sulating
pampamamahayag, at kilala sa mundo ng panitikan bilang manunula.
Isang palasak na
paksa ang tinalakay sa tula. Patungkol sa sitwasyong kinahaharap ng isang puta.
Mga salik kung bakit nagpuputa ang isang puta. Ngunit kung iisipin, hindi ba naging
patas ang lipunan nang ikabit nila sa ngalan ng kababaihan ang terminolohiyang
“PUTA”? Bakit walang lalaking puta? Bakit walang putang-ama? Bakit puro
putang-ina ang kadalasang nababanggit kapag nagagalit ang isang tao? Bakit sa
babae at hindi sa lalaki? Totoo nga sigurong walang pantay na pagtingin sa
pagitan ng mga babae at lalaki.
Lahat ng ‘di ko
dapat malaman natutunan ko sa pelikulang for adults only. Ano ba ang tema ng
mga pelikulang for adults only?
Ayon sa Movie
& Television Review & Classification Board (MTRCB) nahahati sa anim (6)
na klasipikasyon ang mga pelikulang maaaring ipalabas sa bansa. Kabilang dito
ang Pangkalahatang Panoorin (General), Pangangailangan ng Patnubay ng Magulang
(PG- Parental Guidance), Para sa Labintatlo Pataas (R-13), Para sa Labing-anim
Pataas (R-16), Para sa Labing-walo Pataas (R-18) at mga ipinagbabawal sa
publiko (X-Rated). Kabilang ang R-18 at X-Rated sa pelikulang “for adults
only”.
Ang R-18 ay mga
pelikulang nangangailangan ng mas malawak na pang-unawa sapagkat naghahayag ito
ng pangit na katotohanan sa buhay. Inaasahan na ang mga taong may edad
labing-walo pataas ay may sapat na kakayahan upang timbangin ang mga
impormasyong mapanonood sa pelikula. Ang pagtanggap sa realidad na may tamang
paghuhusga kung ito ba ay tama o mali ang hamon sa panonood ng mga pelikulang
R-18.
Ang mga pelikula
namang Rated-X ay hindi maaaring ipalabas sa pangunahing sinehan sa Pilipinas.
Dahil lumalabag ito sa pamantayang inihain ng pamunuan ng MTRCB, labag din ito
sa pamantayang nakasanayan ng maraming Pilipino. Prostitusyon, droga at krimen
ang kalimitang nagiging paksa ng mga Rated-X na palabas.
Ngunit bakit
hindi nararapat na malaman ang mga bagay na ipinakikita ng mga pelikulang for
adults only o ng R-18 at Rated-X na palabas? Kung ito naman ang realidad, bakit
hindi ito kailangang malaman?
Maruming
politiko, ipokritong pari, magpaparing kapatid ng puta, adik na anak ng puta,
anak na maaari ring masadlak sa pagpuputa, mga manang na nagbubulungan tuwing
makasasalubong ang puta, mga kabarkada ng puta, tiyuhing gumahasa sa puta at
ang lalaking mahal ng puta, ang ilan sa mga personang pinalutang ni Pete Lacaba
sa tula. Tila mga karakter lamang din sa isang pelikula na ang bida ay ang puta
at ang kwento ng kanyang pagpuputa.
Bakit nga ba
nagpuputa ang isang puta? Ginusto ba nilang maging puta? Masama ba ang puta?
Mayroon bang kabutihan sa pagkatao ng isang puta?
Nagdarasal sa madaling
araw ang puta. Marahil humihingi ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan,
kapatawaran sa mga nasira niyang pamilya, kapatawaran sa minsang panloloko niya
sa kanyang kostomer, kapatawaran para sa kanyang pagpuputa.
Ang konsepto ng
pagsisimba tuwing madaling araw ay naipamulat para sa mga magsasaka na
bumabangon bago pa man sumikat ang araw. Ngunit sa tula, ang pagsisimba ng puta
sa madaling araw ay mayroong kaibang ideya. Dapithapon kung gumayak ang
karaniwang puta para sa kanilang arawang rasyon ng panandaliang aliw. Hangga’t
maaari bago sumapit ang hating gabi mayroon na silang kostumer para hindi sila
mabokya sa gabing iyon. Sa pinapasukang club
ng isang puta, palitan din ang pagsasayaw nila sa entablado at nakadepende rin
ang kita kung nakahubad ba o may kakarampot na saplot sa katawan para sa gabing
iyon. Nakadepende sa puta kung gugustuhin niyang magpa-table sa mga parokyano doon. Kung papayag siyang ilabas ng
kostumer at dalhin sa motel may
dagdag pang kabayaran para doon. At pagkatapos ng isa o makailang ulit na
sesyon (depende sa usapan), maghihiwalay ng landas ang kostumer at ang puta
nang parang walang nangyari sa gabing nagdaan. Masaya ang puta kung malaki-laki
ang ibigay na tip ng kostumer,
mayroong konting reklamo kung mabaho at pawisan ito. Ngunit wala siyang
magagawa, uuwi na lamang at kung hindi tatamarin dadaan sa simbahan ng kanilang
baranggay. Sisilip-silip. Ngingiti-ngiti. Maluluha. Ngunit wala siyang
magagawa.
Maraming
nagsasabi na hindi raw nagpapahalik sa labi ang isang puta. May bahid pa rin
kaya ng pandidiri ang puta? O inilalaan niya lamang ito sa taong minamahal?
Marunong pa rin bang magmahal ang puta? May karapatan bang magmahal ang puta?
Walang ibang makasasagot kundi isang puta rin.
Kung susuriin
ang tula sa dulog ng teoryang Naturalismo, mapapansin ang tuwirang pagsasabi na
mayroong kabutihan sa pagkatao ng isang puta. Ngunit ito ay napangungunahan ng
galaw ng kanyang kapaligiran. Ang isang puta ay nagsadlak sa pagpuputa dahil
kailangan niyang mabuhay. Hindi lang basta tawag ng laman kung bakit
hinahanap-hanap ng isang puta ang pagbibigay-serbisyo tuwing gabi o madaling
araw, ito’y pangangailangan sa buhay. Kailangan niyang mabuhay. Kailangan
niyang buhayin ang mga kapatid at kanyang anak. Kailangan niyang itaguyod ang
pamilya upang hindi magaya sa kinasadlakan niyang buhay. Ito ang malungkot na
katotohanan na hindi na maaaring talikuran ng isang puta. Realidad. Malungkot
na realidad ng buhay.
Bakit nga ba sa
dami ng maaaring pasukang trabaho, pagpuputa na lamang ang naiisip ng isang
puta? Marahil hindi siya nakatapos ng pag-aaral kaya walang tumatanggap sa
kanya. O di kaya’y pinaniwala na niya ang kanyang sarili na wala nang handang
tumanggap sa kanya, dahil wasak na siya, durog, marumi, puta. Pinagparausan ng
kanyang tiyuhin noong bata pa. Hindi nanlaban gawa ng siya raw ay mangmang.
Hindi nagsumbong dahil walang naniniwala. Hindi nag-ingay dahil walang
nakikinig. Walang nakauunawa sa karanasan ng isang puta, kundi kapwa mga puta
rin.
Sa mga palasak
na palabas, teleserye o pelikula man, ang mga puta ay laging extra lang. Lumalandi sa mga bidang
lalaki. Sasabunutan ng bidang babae. O di kaya’y mamamatay sa huli. Dahil
walang kwenta ang karakter. Marumi ang pagkatao. Hindi dapat tularan. Kaya
hindi rin dapat pahalagahan. Ni hindi dapat mahalin. Ngunit marunong magmahal
ang puta. At ang puta ay marunong makontento. Makontento sa ilang gabi sa
piling ng minamahal nang hindi umaasang aalukin siya nito ng kasal.
Makokontento sa perang ibibigay sa kanya para lamang tigilan ang lalaking
iniibig dahil masisira niya ang pamilya nito. Makokontento sa ideyang walang sa
kanya, sa lahat ay may kahati siya.
Sa kulturang
Pilipino, masama ang puta, katumbas ito ng pagmumura. Hangga’t maaari
ipinagbabawal. Ito ay taboo, idiktang
bawal. Kapag ang isang babae ay nakitang umalis sa gabi, hinuhusgahan na agad
itong masama, marumi, puta. Dahil ang babae ay dapat na nasa bahay na bago
dumilim. Kapag ang isang babae ay nakasuot ng napakaiksing palda o shorts, hinuhusgahan na agad itong
masama, marumi, puta. Dahil hindi dapat lantad lahat ng balat sa katawan ng
isang babae. Kapag ang isang babae ay nagmumura at malalaswa ang lumalabas na
salita sa bibig, hinuhusgahan na agad itong masama, marumi, puta. Dahil hindi
dapat maglakas ng boses ang isang babae, nagsasalita ito nang mahinhin at
mayumi. Maraming dapat ang itinakda at inaasahan ng lipunan para sa mga
kababaihan, at kung hindi ito masunod, huhusgahan ka agad na masama, marumi,
puta.
Mahirap
panatilihin ang kaayusan sa sarili kung magulo naman ang kapaligiran. At ang
tao ay likas na makasalanan. Walang taong perpekto. Kaya nakatatawang isipin na
naghahangad tayong maging perpekto sa mundong hindi rin naman perpekto. Ang
pagiging perpekto ay nasa isip lamang ng mga taong nagdidikta ng tama at mali
sa lipunan. Ni hindi sinusuri kung naging patas ba para sa lahat ang
pamantayang ito. Sino lang ba ang nakikinabang sa mga pamantayang ihinahain?
Sino ba ang nahihirapan?
Sa huli,
pangangailangan ng tao ang mabuhay. Pangangailangan ang pera para mabuhay.
Pangangailangan ang pera sa buhay. Pera ang nagpapaikot ng lahat. Ngunit sabi
nga nila, ang totoong kaligayahan ay hindi mabibili ng pera. Gaya ng
kaligayahan ng isang puta, kamatayan lamang ang tutubos sa isang puta.
Kamatayan lamang ang magpapagaan ng buhay ng isang puta. Kamatayan lamang ang
makapagpaliligaya sa isang puta.
At sa kabilang
buhay, maaaring maging malaya siya. Maaaring magmahal. Maaaring sumamba nang
walang mga manang na nagbubulungbulungan sa tabi. Kung sa langit o impyerno man
mapupunta ang isang puta? Hindi ko alam. Kapwa puta lamang din ang makasasagot.
Mali. Hindi ko
pa alam. Hindi mo pa rin alam. Dahil pare-parehas lang naman tayong mga puta!
-FIN
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento