Sa Isang Kurap Nawaldas na ng mga Korap
(Setyempre 3, 2016)
Sa
Isang Kurap Nawaldas na ng mga Korap
Ilang
bagyo, kalamidad o delubyo na ba ang naranasan ng mga mahihirap na pamilya sa
Pilipinas? Ilang sunog na ba ang nangyari na nakaligtas sila, nabuhay, napunta
sa evacuation center at nagutom doon?
Hindi na mabilang. Nakatala, oo, pero hindi naman binibigyang-pansin. Nakababahala,
malamang, pero wala namang ginagawang aksyon. Tumutulong, marahil, pero hindi
naman sapat para pagsilbihan ang napakaraming pamilyang Pilipino na nagugutom
at naghihirap sa tuwing darating ang mga kalamidad o delubyong hindi naman nila
napaghahandaan dahil sa kapos din naman sila sa pang-araw-araw na pagbuhay sa
sariling pamilya.
Halos
lahat ng Pilipino ay maniniwala kapag sinabi kong 90% ng mga nakaupo sa
gobyerno ay korap. Dumating ang Ondoy at Yolanda sa Pilipinas nang parang
walang tinirang buhay sa mga nasalanta. Oo, nagdagsaan ang tulong ngunit ang
tanong, naging sapat ba? Nakatulong bang talaga? Dahil kung ihahambing sa
tulong na ginagawa ng ibang bansa sa kanilang mga kababayan, walang-wala ang
nagagawa ng pamahalaan natin sa kayang gawin ng gobyerno ng ibang bansa.
Kung
isasama pa ang tulong na ipinaaabot ng ibang bansa sa atin, nakapagtatakang
bakit parang hindi naman nare-relieve
ang mga binibigyan ng relief. Nandoon
na tayo sa pagtingin sa tulong na ipinaaabot ng gobyerno, ngunit hindi rin
natin maiwasang tignan kung ano-ano ba ang hindi nila nagagawa para sa atin.
Maraming
nagsasabi na kahit anong administrasyon naman daw ang maupo, may mapupuna at
mapupuna pa rin. Hindi naman daw perpekto ang bawat administrasyon, na tama
lang namang isipin. Ngunit bakit hindi nila pag-ibayuhin sa pagdaan ng panahon.
Bakit naulit lamang sa Yolanda, ang mga kaganapan noon sa Ondoy at sa iba pang
bagyo nagdaan? Bakit paulit-ulit lamang ang paghihirap na ipinakikita ng midya?
Totoo
nga bang walang pagbabagong nagaganap? Paano kung palitan lahat ng nakaupo sa
gobyerno? May mababago kaya? Hindi natin alam.
Sa
bagong administrasyong Duterte, ang magagawa lang natin ay maghintay, sa kung
ano ba ang posibleng mabago sa pamahalaan. Dahil sa ipinakikita niyang
katapangan sa pagpuksa sa totoong kanser ng lipunan, ang droga, hindi rin
malayong mangyari na masikil na rin niya ang totoong nagpapahirap sa kalagayan
ng mga mahihirap, ang mga korap.
Maaaring
nag-ugat lamang sa iisang puno ang droga at korapsyon. Pakulo ng mga taong
ganid sa salapi at kapangyarihan. Nakatatakot ang hinaharap ng pangulo dahil
paniguradong malalaking pader ang kailangan niyang banggain, ngunit kung
iisipin naman ang kapakanan ng sambayanang Pilipino, tiyak na magagalak ang
nakararami.
Marahil
kulang lamang tayo sa tapang at malasakit sa mga kababayan natin kaya naaatim
lang nating mandaya, mangurakot, magnakaw. Mas inuuna natin ang sariling
interes kaysa kababayan. Kaysa sa ikauunlad ng bayan. Iyon ang malaking
problema natin.
Nabanggit
nga sa pelikulang Heneral Luna, ang problema ng mga Pilipino ay ang pag-una sa
sarili, pag-una sa pamilya ngunit hindi na inaalala ang pambansang kalagayan.
Kung papipiliin ang isang Pilipino kung bayan o sarili? Tiyak na mag-iisip pa
ito.
Nakalulungkot
ngunit patuloy pa ring lumalaganap ang kanser ng lipunan. Ang kanser nating mga
Pilipino.
-FIN
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento