Sa Pintuan ng LRT ni Elgen B. Azura
Alas-siyete ng umaga. Makikita na ang babaeng
nakasuot ng uniporme ng isang kilalang Unibersidad. Marahang naglalakad patungo
sa bilihan ng ticket sa istasyon ng LRT. Nakataas ang noo habang umiindayog ang
balakang. Sumingit pa ito sa pila. Walang pakialam kahit nakasimangot na ang
dalagita at nakairap sa kanya. Taas-noo pa itong tumingin sa mga katabi,
partikular na sa isang lalaki. Mababakas sa suot ng lalaki na maayos at disente
ang trabaho. Napangiti ang lalaki. Tumingin sa likod ng babae. Napansin naman
ito ng babae at dahan-dahan itong tumingin sa kanyang likod at napangiti.
Pagkabili ng ticket, isinuksok ng babae ang
ticket sa animo’y bunganga na palaging gutom at segu-segundo kung kumain.
Pumasok siya sa loob ng istasyon at naghintay sa pagdating ng LRT. Sumunod sa
kanya ang lalaki na hindi inaalis ang pagkakatingin sa kanyang likuran. Dinukot
ng lalaki ang mamahaling panyo sa bulsa at pinunasan nito ang pawis sa mukha
habang niluluwagan ang kurbata. Maya’t maya rin itong mapapailing at mapapayuko
sa harapan at mapapangiti.
“Ano ba yan ang init!” reklamo ng babae.
Kinuha nito ang pamaypay sa bag at nakasimagot na nagpaypay. Maya-maya pa,
hinawakan nito ang sariling likod at napangiti. Taas-noo itong tumingin sa
katabing dalagita. Napatingin naman ang dalagita sa likod ng babae. Sinilip ang
sariling likod, sumimangot at umiling. Napansin ng dalagita ang lalaki sa
kanilang likuran. Pinagpapawisan ito habang panay ang sulyap sa likuran ng
babae. Ngumiti ang dalagita at napailing. “Ang mga lalaki nga naman.” ang sigaw
ng kanyang murang isipan.
“Super tagal naman ng LRT. Late na ako.”
nakasimangot at walang humpay na reklamo ng babae. Maya’t maya rin itong
mapapatingin sa kanyang likuran at mapapangiti.
“Hay, salamat naman at meron na.”
Nakipagtulakan at nakipaggitgitan ang babae sa mga tao nang parating na ang
LRT. Ngunit nang mapansin niyang maiipit siya ng mga tao, agad siyang lumayo at
nagtungo sa bandang dulo kung saan hindi gaanong marami ang tao. Napansin niya
ang dalagita. Ngumiti ito sa kanya ngunit hindi niya ito pinansin.
Hindi namalayan ng babae na sumunod pala sa
kanya ang lalaki na kanina pa tingin nang tingin sa kanyang likuran. Tumabi ang
lalaki sa babae. Dumikit ang pawisang balat nito sa balat ng babae. “Excuse me
nga po!” umusog ang babae.
Huminto ang LRT. Maririnig ang ingay ng pito
ng guwardiya. “Wag magtulakan, kapag narinig na ang waring buzzer wala nang
papasok at baka maipit kayo ng pinto.” Ang paulit-ulit nitong sinasabi.
Bumukas ang pinto. Lumapit agad ang babae
roon. Siksikan. Tulakan. Gitgitan. Hawakan. Tulakan. Gitgitan. Hawakan.
Hawakan……..
Sumara ang pinto. Umandar na ang LRT. Nakita
ng dalagita ang babae na nakatayo lang malapit sa nakasarang pinto. Tulala.
Nanlalaki ang mata. Naawa siya sa itsura nito kaya nilapitan niya ito at
iginiya paupo. Walang imik na sumunod ang babae. Tulala pa rin. Sa mga mata
nito makikita ang samu’t saring emosyon. Naiiyak. Nagagalit. Natatakot.
Nandidiri. Naghahanap. Naghahanap. Naghahanap…….
Pag-angat ng tingin ng dalagita, nakita niya
ang lalaki na nakatayo sa kanilang harapan. Ngumiti ito sa kanya. Wala na ang
pawis. Masaya ang mukha. Nakangisi habang hinahaplos ang kanang kamay.
Nasisiyahan itong tumitig sa tulirong babae. Napatingin ang babae sa lalaki.
Kumunot ang noo nito kasabay ng panlalaki ng mga mata. Napatingin sa katabing
dalagita. Biglang tumulo ang luha ng babae. Pagtingin ulit sa harap, wala na
ang lalaki. Nakahinto na pala ang LRT, maya-maya pa maririnig na ang tunog ng
warning buzzer. Sumara ang pinto. Naaawang tumingin ang dalagita sa babae.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento