SEKLUSYON: KWENTO NG PAGKA-BALINTUNAY (Panunuring-Pampelikula)
SEKLUSYON: KWENTO NG
PAGKA-BALINTUNAY
(Panunuring-Pampelikula)
ni Kristine Mae N. Cabales
Isa
sa mga inaabangang pelikula na pasok sa MMFF ay yaong may mga tema ng misteryo
o katatakutan. Hindi nawawala ang ganitong klase mga pelikula sapagkat mayaman
rin naman sa kababalaghan ang kultura nating mga Pilipino. Ang mga pelikulang
ito rin ay nagpapakilala ng mga ‘di pangkaraniwang pangyayari sa buhay.
Maaaring ang ilan ay hindi naniniwala, lalo na’t naririto tayo sa modernong
panahon, ang iba nama’y umuugat pa rin sa kasaysayan, kung bakit may mga
pinaniniwalaan tayong mga ganitong kwento hanggang sa ngayon.
Ang
pelikulang Seklusyon na nasa ilalim ni Direk Erik Matti, ang nakakuha ng
pinakamataas na kita sa nagdaang Film Fest. Hindi kataka-taka, dahil karamihan
nga sa naging entry sa Film Fest na ito ay hindi nakasanayan o hindi gugustuhing
panoorin ng nakararaming Pilipino. Ngunit hindi ito usapin lamang na ang
Seklusyon ay ‘horror’ kaya ito ang kumita, mali, sapagkat tumabo rin ng iba’t
ibang parangal ang pelikulang ito, lalo na’t pagdating sa produksyon. Patunay,
na ang gawang Erik Matti ay talagang natatangi na naging dahilan kung bakit
siya pinarangalang Best Director.
Ano
ang kaibahan ng Seklusyon sa ibang ‘horror film’? Bukod sa halaw ito sa totoong
kwento ng nagaganap na seklusyon para sa mga magpapari, ito ay kwento na
nag-iwan rin ng tanong para sa mga mananampalataya. Naging malaking adbentahe
ang kahusayan ng editing team sa pagdaragdag ng gulat at kilabot sa bawat
eksena ng pelikula. Ang pag-arte ng mga tauhan sa kwento ay napakahusay rin.
Nagawaran ng Best Supporting Actress si Phoebe Walker, na gumanap bilang Madre
Cecilia sa kwento. Nakatulong ang lahat ng aspetong teknikal na ito upang
mabigyan ng katarungan ang mensaheng nais iparating ng buong pelikula. Maging
ang lugar kung saan ginanap ang bawat eksena at ang mga kasuotan ay sobrang makatotohanan
rin. Ang editing ng mga eksena ay napakahusay kaya pinarangalan rin sila ng
Best Cinematography. Ang kagustuhan nilang mapaniwala ang mga manonood na ang
kwento ay halaw sa pangyayari pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig ay
naisakatuparan. Nagwagi rin ng Best Original Theme Song ang pelikulang ito na
‘di kataka-taka sapagkat sadyang nagdulot ng kilabot ang awit na ginamit sa
pelikula.
Naging
matapang ang pelikulang ito sa paglalahad ng mga kaisipang maaaring ‘anti’ sa
simbahang Katoliko, ngunit magkagayunman naging maingat pa rin sila sa
pagsisipi ng mga berso mula sa Bibliya. Maganda ang mensaheng nais iparating ng
pelikulang ito, maging sa ibang bansa ay may mga pelikulang patungkol sa mga
itinatagong katotohanan ng simbahan. Nalalaman ng mga tao sa loob nito kung ano
ba ang totoong nangyayari sa paligid, kung bakit may mga kababalaghang
nagaganap na hindi kayang ipaliwanag ng agham gaya na lamang ng ‘faith
healing’.
Ang karakter ni Rhed
Bustamante ay isang imahe ng mga mapagpanggap na propeta, ngunit masasabi natin
na magpahanggang sa ngayon marami pa rin ang mga nagpapakilala na sugo ng Diyos
para sa salapi. Ngunit base na rin sa kwento, hindi lamang pera ang habol ng
mga nagpapanggap na ito, ang totoong pakay nila ay upang ilihis ang paniniwala
ng mga mananampalataya sa ibang diyos na kanilang sasambahin.
Sa wakas ng pelikula,
napuksa man ang mapagpanggap na propeta, naisalin na nito sa mga magpapari ang
kaisipang baluktot at lihis sa pagsunod sa utos ng Diyos. Patunay na sa matagal
na panahon, hindi tayo sigurado kung ang mga kaparian ba ay talagang tapat sa
pagmamahal nila sa Panginoon. Ang lituhin ang mga mananampalataya ang talagang
pakay ng mga pekeng propetang ito, pinasok ang simbahan upang hindi na malaman
kung paano ituturing ang mga peke sa totoo.
Matthew
7:15 Beware of the false prophets, who
come to you in sheep’s clothing but inwardly are ravenous wolves.
Gaya
ng karakter sa kwento na nagpanggap bilang musmos na nakapanggagamot,
mapagpanggap ang demonyo at hindi natin nalalaman kung sino ba talaga ang sino.
-FIN
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento