SOSYOLINGGWISTIKONG SIPAT SA PAGKAKAMIT NG IKALAWANG WIKA TUNGO SA PAGDEDEBELOP NG KAKAYAHANG PANGKOMUNIKATIBO

SOSYOLINGGWISTIKONG SIPAT SA PAGKAKAMIT NG IKALAWANG WIKA TUNGO SA PAGDEDEBELOP NG KAKAYAHANG PANGKOMUNIKATIBO
ni Kristine Mae N. Cabales

Panimula
            Esensiyal ang gampanin ng tao sa isang lipunan sapagkat tao ang bumubuo ng lipunan. Ang bawat pangkat ng tao sa isang lipunan ay nagtataglay ng iba’t ibang kultura at kabihasnan na siyang lumilinang sa wikang angkop sa kanilang pangangailangan. Mahalaga ang tao sa lipunan gaya ng pagiging mahalaga ang wika sa tao. Ayon kay Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining para sa Literatura, parang hininga ang wika, palatandaan ito na buhay tayo at may kakayahang umugnay sa kapwa nating gumagamit din nito (Carpio et. al., 2012).
            Sa bawat pangangailangan natin ay gumagamit tayo ng wika. Instrumento ito upang maipahayag at maipabatid ang pangangailangan ng bawat tao. Walang buhay kung walang wika. Kakabit ng pagiging tao ang pagkakaroon ng wikang magagamit sa pakikipagtalastasan o pakikipag-ugnayan sa kapwa. Ito ay isang midyum at isang instrumento na nakatutulong sa komunikasyon (Miclat, 1995). Sa ganitong punto, kapwa sinasang-ayunan ang kahalagahan ng wika tungo sa pagkakamit ng mabisang komunikasyon ng tao, ngunit hindi sapat na ang tao’y matuto ng wika at makapagsalita lamang nito, marapat ding maunawaan at magamit nito ang wika nang tama sa iba’t ibang aspekto na humahantong sa pagtataglay ng kakayahang pangkomunikatibo o communicative competence.
Pagkakamit ng Kakayahang Pangkomunikatibo
            Sa kasalukuyang panahon, patuloy ang pagyabong ng teknolohiya na nagdudulot din ng pagbabago sa takbo at pagpapadaloy ng ugnayan sa loob ng isang lipunan. Nagkakaroon ng iba’t ibang sitwasyong pangwika na umaayon sa tinatawag na kulturang popular na namamayani sa karamihan ng mga mamamayan. Ito ay isang natural na pangyayari na maipaliliwanag ng pagiging dinamiko ng wika.
            Ayon kay Charles Darwin, ang wika, gaya ng ibang sining ay nagtututunan ng tao lalo na’t ayon sa kanyang pangangailangan (Dayag, et. al. 2017). Ngunit hindi sapat na matutuhan lang ang mga tuntuning panggramatika sa pag-aaral nito. Ang pangunahing layunin sa pagkatuto ng wika ay upang magamit ito nang wasto sa mga angkop na sitwasyon upang magkaroon ng maayos na komunikasyon, maipahatid ang tamang mensahe at magkaunawaan nang lubos ang mga taong nag-uusap. Kapag umabot na rito, masasabing ang taong ito ay nagtataglay nang kakayahang pangkomunikatibo o communicative competence at hindi na lang basta kakayahang linggwistiko o gramatikal. Sa ganitong punto, maituturing na mabisang communicator ang tagapagsalita ng wika.
            Ang terminolohiyang communicative competence ay pinasimulan ng linggwista, sosyolinggwista, antropologo at kwentista mula sa Portland, Oregon, US na si Dell Hathaway Hymes noong 1966. Katuwang si John J. Gumperz, nilinang nila ang konseptong ito bilang pagpuna sa konsepto ni Noam Chomsky (1965) ng kakayahang linggwistika at universal grammar (Dayag et. al., 2017). Ayon sa orihinal na ideya ni Hymes, ang nagsasalita ng wika ay hindi lang dapat magkaroon ng kakayahang linggwistiko o gramatikal upang epektibong makipagtalastasan gamit ang wika. Nararapat din niyang malaman ang paraan ng paggamit ng wika ng linggwistikang komunidad na gumagamit nito upang matugunan at maisagawa ito nang naaayon sa kanyang layunin sa pakikipagtalastasan.
            Sa pag-aaral ng mga dalubwika, kung kakayahang pangkomunikatibo ang pag-uusapan, isang bahagi lamang nito ang kakayahang linggwistiko o gramatikal. Ayon sa modelo ng mga linggwistang sina Canale at Swain (1980), may tatlong komponent na kailangang isaalang-alang sa pagkakamit ng kakayahang pangkomunikatibo, ito ay ang: gramatikal, sosyolinggwistiko, at istratedyik. Sa sumunod na bersyon ng nasabing modelo, si Canale (1984) ay nagsalin ng ilang elemento mula sa kakayahang sosyolinggwistiko para mabuo ang ikaapat na komponent, ang kakayahang diskorsal.
            Ayon kina Canale at Swain, ang kakayahang gramatikal ay kapareho lang ng kakayahang linggwistiko ni Chomsky, ito ay pag-unawa at paggamit sa kasanayan sa ponolohiya, morpolohiya, sintaks, semantika, gayundin ang mga tuntuning pang-ortograpiya. Ang komponent na ito ay magbibigay kakayahan sa taong nagsasalita upang magamit ang kaalaman at kasanayan sa pag-unawa at pagpapahayag sa literal na kahulugan ng mga salita. Ngunit kagaya ng unang nabanggit, hindi sapat na ang tao’y matuto lang ng wika at makapagsalita nito, dapat ding maunawaan at magamit niya ito nang tama. Ginamit ni Dell Hymes ang SPEAKING bilang acronym upang isa-isahin ang mga dapat isaalang-alang upang magkaroon ng mabisang pakikipagtalastasan. Nabuo ang modelong ito upang makatulong sa pagsusuri ng diskurso sa iba’t ibang salik na kinakailangan sa pagbuo ng mabisang komunikasyon. Narito ang kahulugan ng acronym na SPEAKING:
S – (Setting) – tumutukoy sa lugar o pook kung saan nag-uusap o nakikipagtalastasan ang mga tao.
            P – (Participants) – ang mga taong nakikipagtalastasan.
            E – (Ends) – mga layuninn o pakay ng pakikipagtalastasan.
            A – (Act sequence) – ang takbo ng usapan.
            K – (Keys) – Tono ng pakikipag-usap.
            I – (Instrumentalities) – Tsanel o midyum na ginamit, pasalita man o pasulat.
            N – (Norms) – Paksa ng usapan.’
G – (Genre) – Diskursong ginagamit, kung nagsasalaysay, nakikipagtalo, o nangangatwiran.
[Dayag, Alma M. at del Rosario Mary Grace. Pinagyamang Pluma, Komunikasyon at Pananaliksik sa Wika at Kulturang Pilipino. Phoenix Publishing House, Quezon Ave., Quezon City. 2017]

            Ipinakikita sa modelong ito na mayroong iba’t ibang sangkap na kinakailangang pagtuunan upang makamit ang kakayahang pangkomunikatibo. Kung ang tao ay mahusay sa pagtataya sa linggwistikong komunidad na kanyang kinabibilangan, higit na magiging madali para sa kanya ang pagpapahayag ng kanyang saloobin at tinataglay niya ang ikalawang komponent – ang kakayahang sosyolinggwistiko. Isinasaalang-alang dito ang kontekstong sosyal ng isang wika. Ayon kay Fantini, isang dalubwika, may mga salik-panlipunang dapat isaalang-alang sa paggamit ng wika, ito ay ang ugnayan ng nag-uusap, ang paksa, lugar at iba pa, gaya ng nabanggit sa modelo ni Hymes. Kinakailangang nalalaman at nagagamit ng nagsasalita ang angkop na wika para sa hinihinging pagkakataon. Dito makikilala ang pagkakaiba ng isang taong mahusay lang magsalita kumpara sa isang katutubong nagsasalita ng wika.
            Isa pang komponent ng kakayahang pangkomunikatibo na dapat taglay ng isang mahusay na communicator ay ang kakayahang istratedyik. Ito ay ang kakayahang magamit ang berbal at di berbal na mga hudyat o signals upang maipabatid nang mas malinaw ang mensahe at maiwasan o maisaayos ang mga hindi pagkakaunawaan o mga problema sa komunikasyon. At ang panghuling komponent ay ang kakayahang diskorsal, sinasabing mas nalilinang at lumalago ang kakayahang pangkomunikatibo kapag ito ay madalas na ginagamit at nararanasan sa iba’t ibang konteksto. Saklaw ng diskorsal ang pagkakaugnay ng serye ng mga salita o pangungusap na bumubuo ng isang makabuluhang teksto. Nararapat tandaan na may dalawang bagay na isinasaalang-alang upang malinang ang kakayahang diskorsal – ang cohesion o pagkakaisa at coherence o pagkakaugnay-ugnay. Masasabi nating may kakayahang diskorsal ang isang taong nagpapahayag nang may kaisahan at magkakaugnay ang ideya.

Second Language Acquisition o SLA Tungo sa Kahusayan
            Katulad ng naunang pagbanggit sa depinisyon ng wika ayon kay Charles Darwin, natural na natututunan ng tao ang paggamit ng wika ayon sa kanyang pangangailangan, lalo na kung kinakailangan niyang makiayon sa panibagong komunidad na kanyang gagalawan. Sinasang-ayunan rin nito ang mga katutubong teorya na nagsasabing ang unang wikang matututunan ng isang bata ay ang kanyang Inang Wika (Mother Tongue) na ginagamit ng linggwistikong komunidad na kanyang kinagisnan. Ito rin ang ipinaliliwanag ng pag-aaral ni Chomsky patungkol sa Language Acquisition Device (LAD) ng isang tao na may kakayahan ang bawat indibidwal na matuto ng ilan pang wika ngunit may mga pagkakataong hindi ganap ang pagkatuto nito lalo na’t kung hindi ito ang iyong unang wika.
            Sa linggwistika, mayroong konsepto ng monolinggwalismo, bilinggwalismo at multilinggwalismo na patungkol sa pagkakamit ng kung ilang wika ang kinakailangan ng tao sa kanyang pamumuhay. Gaya ng pangangailangan sa pagkatuto ng wikang Ingles ng mga Pilipino sa malawak na usapin ng globalisasyon, pangangailangan rin ng mga Pilipinong nagsasalita ng bernakular na wika ang pagkatuto ng wikang Filipino sapagkat ito ang Wikang Pambansa ng Pilipinas. Lumalabas lamang na ang tao ay natututo o kinakailangang matuto ng panibagong wika na nakadepende sa kaniyang pangangailangan. Ngunit kaugnay ng pagtalakay sa kakayahang pangkomunikatibo, maaari bang makamtan ang ikalawang wika nang may kakayahang pangkomunikatibo o communicative competence?
            Ayon sa modelo nina Bley-Vroman (1988), kakaunti ang posibilidad ng ganap na pagkatuto ng “adult learner” sa ikalawang wika kung ihahambing sa pagkatuto ng bata sa kanyang unang wika. Iilan lamang ang may kakayahan na magamit ang ikalawang wika nang may kahusayan kung pag-uusapan ang apat na makrong kasanayan. Sa pag-aaral naman ni Vivian Cook (1979) na The Mother Tongue and Other Languages in Education, ipinaliwanag niya rito na ang pag-aaral ng matanda ay may malaking kaibahan sa kakayahan sa pagkatuto ng isang bata. Ang pag-aaral ng wika ng isang nakatatanda ay nagiging sistematik kung ihahambing sa natural na kapasidad ng utak ng isang bata sa pagkatuto ng kanyang unang wika. Pinatutunayan lamang sa mga pag-aaral at analisis na ito na ang Second Language Acquition o SLA ay hindi tungo sa pagkakamit ng mahusay na kakayahang pangkomunikatibo. May iilang magiging matagumpay sa pagkatuto nito ngunit hindi kasing husay ng paggamit ng isang katutubong tagapagsalita.

Kongklusyon
            Walang buhay na wika ang maituturing na homogenous dahil ang bawat wika ay binubuo nang mahigit sa isang barayti, internasyonal, nasyonal o bernakular man. Masasabi lang kasing homogenous ang wika kung pare-parehong magsalita ang lahat ng gumagamit ng isang wika (Paz, et. al. 2003). Subalit hindi ganito ang wika at hindi rin ganito ang pagkatuto nito, sapagkat nagkakaroon ito ng pagkakaiba-iba, sanhi ng iba’t ibang salik panlipunan tulad ng edad, hanapbuhay, edukasyon, kasarian, kalagayang panlipunan, rehiyon, pang-etniko, relihiyon at iba pa. Nangangahulugan lamang ito na ang tao bilang produkto ng isang linggwistikong komunidad ay gumagamit at natututo pa ng higit sa isang wika na nakadepende sa kanyang pangangailangan. Mayroong mga bilinggwal na tao na may kahusayan sa paggamit ng dalawang wika, at kapag sinabing kahusayan pumapasok na rito ang usapin ng apat ng komponent ng kakayahang pangkomunikatibo. Mayroon rin naman mga tinatawag na polyglot, yaong mga nakapagsasalita ng higit sa limang wika, ngunit ayon sa mga pag-aaral, mababa ang posibilidad ng kadalubhasaan sa ganitong mga pagkakataon. Ang wika ay buhay, ngunit ito’y maaaring mamatay kung hindi na nakagagamit ng isang pangkat, maging ang wikang taglay ng tao may posibleng makalimutan kung hindi niya ito nagagamit sa kanyang komunidad, at maaari rin siyang matuto ng panibagong wika kung kakailanganin niya naman ito sa panibagong pangkat at komunidad na kanyang pagkikisamahan. Sapagkat ang pangunahing layunin ng pagkatuto ng wika ay upang magamit ito nang wasto sa mga angkop na sitwasyon upang magkaroon ng maayos na komunikasyon, maipahatid ang tamang mensahe at magkaunawaan nang lubos ang mga taong nag-uusap. Lahat ng tao ay nagtataglay ng isa o higit pang wika ngunit hindi lahat ay may kahusayang nakaakibat dito.


-FIN

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

PAMILYA ORDINARYO: Hubad na Suri sa Isang Realistik na Pelikula

Sikolohiya sa Loob ng Ilang Awitin ni Gary Granada at mga Kwento ng Pakikibaka sa mga Lunggating Maka-Pilipino

Mga Pang-ugnay sa Pagbibigay ng Sanhi at Bunga