Teresame ni Mariane Joy Alindogan

                          

Rriiinnnggg!! Rriiiinnnngggg!! Rrrriiiinnnnggg!!

Tatlong beses nang tumutunog ang alarm ng telepono ko pero hindi pa rin ako bumabangon. Riinnggg!! Sa pang-apat na tunog, tiningnan ko ang aking telepono. Biglang bangon sa kama, sabay kuha ng mga gamit pampaligo. Sampung minuto lang nilagi sa banyo pagkatapos sabay labas.

Tumingin sa orasan. Alas syete na. Nagmamadaling magbihis, maglagay ng lipstick, konting suklay sa buhok. Saka tingin ulit sa orasan, alas syete pa rin. Nagtataka pero may tatlumpung minuto pa para bumili ng pagkain sa labas. Pansit bihon na na naman.

Madami ng estudyanteng naglalakad sa kalye patungo sa pamantasan. Mga estudyanteng nakauniporme, maayos ang mukha, posturang-postura at may ilan din namang hindi naligo, may mga  mukha ding bagong gising tulad ko, nagmamadali dahil baka hindi na naman umabot sa unang nilang klase sa umaga at sari-sari pang taong nasa kalye.

“Ano sa’yo, iha?” Dalawang beses pa inulit. Nabigla ako sa tanong. Ang layo kasi ng iniisip. Kung saan-saan nakatingin, lumilipad kung saan mang planeta, nakalutang sa alapaap. Pagkatapos bumili takbo pabalik sa dorm para kumain. Bago ako umakyat tiningnan ko muna ang orasan. Labinlimang minuto pa ang natitira para kumain. Nagmamadaling kumain. Subo, nguya, lunok. Tuloy-tuloy na pagkain.

Matapos kumain, nagmamadaling magsipilyo. Sabay tingin sa salamin na nakahambalang sa pinto ng kwarto. Kinuha ang bag sa taas ng kama. Tumakbo.
Nagmamadaling bumaba ng hagdan. Nagpaalam na sa tagapamahala ng dorm na aalis na at papasok. Mabilis ang lakad. Konting takbo, lakad, takbo, lakad.
Marami pa ring estudyante, mga tao, mga sasakyan na hindi makadaan dahil sa dami ng tao sa kalye ng Teresa. Marami pa ring estudyanteng sabay-sabay pumapasok. Sabayan pa ng padaan na tren ng PNR sa riles sa tapat ng pamantasan. Stop, Look and Listen.

Humihinto ang lahat.

Tsssuuugg!! Tsssuuuuggg!! Tsssuuugg!!

Lahat humihinto para sa papadaan na hari ng riles.

Nagmamadali akong pumasok. Ilang baitang ng hagdan ang bababaan bago makalabas ng dormitoryo. Maingat na bumaba upang hindi na maulit ang nakaraan pero mahirap na makaabot sa tamang oras. Sa gate pa lang ng paaralan mahirap na makapasok lalo na kung kasabay mo ang iba’t ibang uri ng estudyante.

Papatakbong tumungo sa pamantasan. Maraming tao. Nagmamadali rin katulad ko. Napansin ko sa kanang bahagi ko, may mga taong nag-uumpukan. Babaeng umiiyak. Tumatangis. Lahat nakatingin sa riles ng tren. Lahat kakakitaan ng panghihinayang. May mga patakbong palapit sa kanya. Nagtatanong kung bakit. Iyak pa rin ng iyak. Iyak, hikbi.  Hindi matigil sa pag-iyak ang babae. Lumalabas na ang sipon sa kanyang ilong. Dalawang salita ang namutawi sa kanyang bibig, “wallet ko”.

Nahulog ang wallet ng babae. Wala nang nagbalik nito.

Tumuloy sa pagmamadali. Patakbo pa rin sa pagpasok. Takbo, hinto, Takbo.
“Hindi pwedeng pumasok kung wala kayong I.D. para sa mga estudyante”, sabi ng isang gwardyang nakatayo sa dadaanan ng mga Iskolar ng Bayan.
“Sa mga first year, registration card niyo ilabas niyo na para hindi na makaabala sa dadaanan.” Sabi din ng isang gwardyang hindi mo malamang kung saan nakatingin. Pero hindi niya naman lahat natitingnan ang I.D. Basta may masabi lang si Manong Gwardya, ayos na. Madali ka ring makakapasok kapag kita ang binti at hita mo.
Pumasok na sa PUP nang biglang may nagteks. “Wala si Sir!”


Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pokus ng Pandiwa: Direksiyonal at Sanhi

Mga Salitang Magkakatulad at Magkakaugnay

Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo