Wikang Filipino sa Utak-Kolonyal at/o Pusong Pilipino
(Setyembre 3, 2016)
Wikang
Filipino sa Utak-Kolonyal at/o Pusong Pilipino
Ang
Pilipinas ay isang arkipelago o bansang binubuo ng maraming pulo. At kalikasan
ng isang arkipelago ang pagiging multi-lingual.
Naisip ng dating Pangulong Manuel L. Quezon na pangangailangan ng ating bansa
ang pagkakaroon ng Wikang Pambansa. Wikang magbubuklod sa isang bansang
nagsasalita ng iba’t ibang wikain. Wikang magsisilbing mukha ng ating
kasarinlan.
Taong
1935 nang pormal na ipag-utos ng dating Pangulo MLQ ang paghahanap ng wikang
pagbabatayan ng magiging Wikang Pambansa ng Pilipinas. Nabuo ang Surian ng
Wikang Pambansa na siyang naghain ng sumusunod na pamantayan kung ano-ano ba
ang katangiang dapat na taglayin ng magiging Wikang Pambansa. Taong 1937, sa
bisa ng Batas Kom. napagtibay na ang pagbabatayan ng magiging Wikang Pambansa
ng Pilipinas ay ang Wikang Tagalog. May ilang umalma, partikular ang mga
Cebuano at Hiligaynon ng kabisayaan, ngunit nang lumaon ay tinanggap na lamang
nila na kailan nilang pag-aralan ang wika ng katagalugan.
Wikang
Tagalog ang naging batayan ng magiging Wikang Pambansa, upang maiwasan na ang
isyu sa kabisayaan, pinalitan ito ng Pilipino. At sa huli, upang paunlarin pang
lalo ang Wikang Pambansa, batay sa Saligang Batas ng 1987 Art. XIV Sek. 6
tinawag na Filipino ang ating Wikang Pambansa na nilalayong patuloy na linangin
at paunlarin kasabay ng iba pang wika sa buong Pilipinas.
Sa
usaping pangkomunikasyon at pang-edukasyon naman, dalawa ang wika na maaari
nating gamitin. Ito ay batay pa rin sa Art. XIV Sek. 7 naman, na nagsasabing
ang Wikang Opisyal ng Pilipinas ay Filipino at hanggat wala pang ibinababang
batas ay Ingles. Kaya masasabing ang Ingles ay hindi na kabilang sa wikang
banyaga dahil ito ay niyakap na natin bilang opisyal na wika na ating
ginagamit.
Sa
kasalukuyang panahon, dahil nga pinalaki na tayo sa Bilinggwal na edukasyon,
nakalulungkot isiping nagiging malaking usapin na ang matalinong paggamit ng
Wikang Ingles sa anumang larang. Ngunit, aling wika ba talaga ang mas
nakaaangat? Kung pag-aaral ang katangian at kalikasan ng wika, walang wika ang
angat sa isa. Lahat ng wika ay pantay-pantay. Walang superyor at inperyor na
wika. Nasa utak lamang ng mga tao ang paghahambing sa Wikang Filipino at Wikang
Ingles.
Ngunit
Wikang Filipino ang ating Wikang Pambansa, hindi ba’t marapat lamang na mas
tangkilikin natin ito? Na ang Wikang Filipino ang mas nararapat na gamitin sa
larang ng edukasyon dahil ito ang wikang dapat nasa puso ng bawat Pilipino?
Nakalulungkot
lamang ang katotohanan, na sa kasalukuyang panahon ay ginagawa nang sukatan ng
pagiging matalino ang paggamit ng Wikang Ingles. Sa mga malalayong lalawigan,
ikalawang wika nila ang Ingles kaysa Filipino. Sa mga nagtatrabaho sa lungsod,
lingua franca nila ang Taglish na kabilang pa rin naman sa Wikang Filipino,
ngunit may Ingles pa rin. Sa mga kabilang sa elit, mas madalas nilang gamitin
ang Ingles kaysa Filipino. Nakalulungkot lamang na lantaran na ang pagsampal sa
mga tagapagtaguyod ng kasarinlan, ng pagsasarili ng Pilipinas, ng pagiging
isang bansa na may sariling Wikang Pambansa.
Kamakailan
lamang ay napagtagumpayan ng Tanggol Wika ang paggigiit na hindi nararapat
tanggalin ang asignaturang Filipino sa kolehiyo, dahil isa itong pagtataksil sa
bayan. Isa itong kalapastanganan sa bansa. Na kung tatanggalin ang asignaturang
Filipino parang ipinangangalandakan lamang din ang pag-iitsapwera dito. Hindi
mahalagang malaman. Hindi kailangan. Isang pambabastos.
Kung sa utak ng
matatalinong tao na nakaupo sa pamahalaan, hindi mahalaga ang pagkatuto ng
Wikang Filipino o ang pag-aaral man lang dito, sino na lamang ang tatangkilik
sa sarili nating wika? Sino na lamang ang magmamahal dito? Paano natin
mapatutunayan na ang wikang Filipino talaga ang susi sa pambansang kaunlaran?
Na sa wikang Filipino makakamit ang totoong karunungan? Na sa wikang Filipino
makakamit ang pambansang kamalayan?
Sa totoo lamang,
hindi ang tamang paggamit ng Wikang Filipino ang sukatan ng pagiging makabayan.
Hindi nasusukat sa tamang balarila ang pagiging Pilipino. Bagkus, ito ang
nasusukat sa kung paano mo ito gamitin. Nasusukat ang pagiging Pilipino, kung
saan mo ba ginagamit ang Wikang Filipino. Kung paano mo ito pahalagahan. Kung
paano mo ito mahalin, hindi lamang sa usapin ng paggamit ng malalalim na
salita, maging sa paggamit nito sa tamang paraan at tamang intensyon.
Pilipino ka kung
kaya mong gamitin ang Wikang Filipino sa pagpapakita ng pagmamahal sa bayan,
kung sinasalita mo ito nang may pagmamalaking Wikang Filipino ang gamit mo,
kung nagagamit mo ang Wikang Filipino sa pagbibigay-impluho na may magandang
intensyon. Pilipino ka kung taglay mo
ang Wikang Filipino sa puso, sa salita at sa gawa.
-FIN
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento