Edukasyong Anti-Filipino

Ang lahat ng wika sa mundo ay sumasalamin sa pagkatao ng bawat lahi. Ang paglimot at pag-eetsa puwera sa wika ay katumbas ng pagtalikod sa lahi.

Bilang guro sa Filipino, hindi ko maiwasang mabagabag, o guilty ang tamang term. Wala akong kuwentang guro. Hindi ko magawang itaas sa isandaang porsiyento ang pagiging maalam ng aking mga estudyante sa kaligiran ng pagka-Pilipino. Oo, hindi ko kasalanan ang lahat. Ngunit naniniwala akong malaki dapat ang ginagampanan kong tungkulin sa pagpapaunlad ng kamalayan ng kabataan sa ngayon.

Hindi na ako nagtuturo sa kasalukuyan, at nalulungkot ako dahil ito ang pinili kong landas. Para sana sa sarili kong pag-unlad, para magkaroon ng panibagong karanasan. Ang kaso, mukhang nagkamali ako ng desisyon. Mukhang kahit papaano’y may magagawa ako upang makatulong, kung babalik ako sa pagtuturo.

Hindi biro ang pagiging isang guro. Napakarami ng gawain sa loob at labas ng silid-aralan. Napakaraming bagay ang pilit ipinapagawa at hinihingi sa kaguruan upang sukatin kung karapat-dapat ba talaga silang magturo. Ngunit, ang malaking tanong, nasusukat ba talaga sa mga ginagawang assessment na ito ang kakanyahan ng isang guro na makapagturo? Idinidikta ba ng pagpasa sa board exam ang kagalingan niya sa pagiging guro? Ranking ba ang nagsasaad kung gaano siya kahusay sa pagtuturo?

Hindi ako nagtapos ng kurso sa Edukasyon. Bachelor of Arts ang degree na tinapos ko, major sa Filipino, mas malapit sa Philippine Studies kung tutuusin pero nakatuon sa wika. Hindi ko kabisado ang mga panuntunan, pamantayan, at mga kahingiang inaasahan sa isang tipikal na guro. Hindi na ba ako puwedeng magturo?

Nag-aral ako ng education units para makapag-board exam. Nakapasa ako. Puwede na ba akong magturo? Nag-aaral ako ng MA sa Filipinolohiya, puwede na ba akong magturo? Sa totoo lang, sa labing-isang taon sa basic ed, apat na taon sa kolehiyo, isang taon sa post bacc, at isang taon sa graduate school, masasabi kong marami pa akong dapat at gustong matutuhan. Lagi kong sinasabi sa mga estudyante ko na walang kakaiba sa akin bilang estudyante. Average student lang din ako. Tamang makapasa. Bawal bumagsak dahil pinahahalagahan ko ang ipinangpapaaral sa akin noon. Sa ngayon, ako na ang nagpapaaral sa sarili ko, pero madalas suportado pa rin ng magulang, nahihirapan ako pero ginugusto ko kasi nandoon iyong pangangailangan ko ng pagkatuto dahil nga sa nagtuturo ako. Hindi ito pagmamayabang, pero dahil hindi ako matalino, nang-aamot lamang ako ng mga ideya mula sa katalinuhan ng iba kaya natututo rin ako. Sa tingin ko, ito ang pinakamadiskarteng paraan ng taong gutom sa pagkatuto pero hindi katalinuhan. Hindi rin ako masipag. Kaya nagtataka rin ako kung paano akong nakaka-survive sa mga ginagawa ko sa buhay.
Pero ano ang punto ko? Kung ako, na major sa Filipino at lalong nagpapakadalubhasa sa Filipino ay naghahanap pa ng mas maraming pagkatuto sa larang na ito, ano pa kaya ang kagutuman sa pagkatuto na nararanasan ng mga estudyante at iba pang kabataang hindi natututukan ang pag-aaral sa kanilang pagkakakilanlan (identidad)? Ang mga guro kaya, lahat kaya sila ay matatawag na instrumento ng pagpapaunlad ng sariling pagkakakilanlan?

Nakita kong nag-post ang guro ko noong high school ng kaniyang kagalakan sa pagtuturo ng Korean Lan (Hangul) sa mga mag-aaral ng high school. Adbentahe raw ito upang makasabay sa globalisasyon. At hindi naman daw ito magiging kabawasan sa pagka-Pilipino. Hindi ko alam kung maaawa ba ako o matatawa, magagalit o magtatampo sa kaniya. Pero inunawa ko siya. Matagal na siyang nasa ibang bansa. Pagkatapos niya noon sa kolehiyo, binalak niyang mag-abroad at doon magpakadalubhasa kasabay ng kaniyang pagtuturo ng agham, walang dudang matalino siya. Ngunit nakalulungkot isipin na kahit ang matalinong tao ay hindi kayang unawain ang simpleng pormulang nagbubunga ng pagiging Anti-Filipino ng mga hakbanging ito ng Kagawaran ng Edukasyon. Basic Education, basiko, pundamental, pangangailangan. Hindi ako nagtapos ng kursong direktang kaugnay ng edukasyon pero alam ko kung ano ang deskripsiyon ng salitang “basic”. Na mula elementarya hanggang high school, ang nililinang sa mga mag-aaral ay mga larang na magagamit nila sa pangkabuuan. Kaya nga ang mga major ay Math, Science, Filipino, at English. Nakapaloob naman sa Makabayan ang mga asignaturang pang-Araling Pilipino, para sa pagka-Pilipino. Ito ang inabutan kong kurikulum at hindi ko na alam kung ano ba ang nabago makalipas na maipatupad ang K to 12 program. Ang tanging alam ko nagkaroon ng mga asignaturang pang-espesyalisasyon na maaaring piliin ng mga mag-aaral sa high school pa lamang para paghandaan ang pagtuntong nila sa senior high school. Basic lang di ba? Madali lang namang unawain. Kitang-kita naman natin ang problema pero bakit hindi tayo nababahala? Bakit karamihan sa atin ay pasibong tagatanggap lamang ng trend kahit alam naman nating katumbas nito’y paglimot sa totoong ugat natin.

Malamang sa malamang, OA ang tingin ninyo sa amin, sa akin. Rally-rally kunwari para magmukhang astig. Personally, pinipili kong hindi makisama sa mga rally. Dahil ayaw kong bigyan ng sakit ng ulo ang magulang ko. Hindi rin dahil sa duwag ako kaya sa social media ko lamang inilalabas ang tapang ko. Pero nakikita kong social media ang pangunahing medium para makapagpakalat ng kolonyal na virus, kaya sa social media rin mismo dapat unang umaksiyon. Wala naman kasing ordinaryong mamamayan, o estudyante ang nakikialam kapag may nagrarally. Lalo wala silang pakialam sa mga CHED Memo at iba pang legal na kasulatang pumapatay sa kultura. Ang karamihan ng tao ay nakikialam lamang sa mga trending at viral sa social media. Ito ang estado ng kapilipinuhan sa kasalukuyan panahon.

Nakatatakot ang maaaring ibunga nito para sa kinabukasan ng ating lahi. Baka paglumaon pa’y hindi na talaga natin kilala ang pinagmulan nating mga Pilipino, at ito ang iniiwasan ng kaguruang lumalaban sa mal-edukasiyong ibinibigay sa atin ng pamahalaan.

Nakalulungkot ding bahagi ang hindi pagpapahalaga ng mga mamamayan lalo na ang sektor ng kabataan sa lahat ng sakripisyo at paglaban sa maling sistemang ito. Nakikita nilang ang pagkilos na ito bilang negatibo at nagdudulot lamang ng kaguluhan. Kontento na silang maalwan ang kanilang pamumuhay at nakararanas sa saya dahil sa mga artipisyal na materyal na ipinakokonsumo sa atin. Halimbawa, ang mga pelikula, ano-ano ba ang mga pelikulang tinatangkilik ng masa? Hindi ba’t iyong patungkol sa komedya o kaya’y katatakutan, kapuwa ilusyon, naglalarawan ng pantasiya. Ito ay upang panandaliang itakas ang mga mamamayan sa reyalidad ng kahirapan. Na mayroon pang mas nakatatakot na pangitain kaysa sa reyalidad na mamamatay kang mahirap. Ang mga teleserye naman ay kapuwa nakatuon sa mga isyung pampamilya, ngunit paimbabaw lamang din. Hindi na tinatalakay kung bakit ba nagagawang mangilawa ng asawang lalaki. Bakit laging umiiyak ang babae. At kung bakit tinututulan ang relasyong mahirap-mayaman. Ang mga ganitong klaseng isyu ay may mas malalim pang kahulugan kaysa sa nakukuha ng masa. Kung maayos lang sanang naihahayag ang mga ganitong klaseng pagtingin gamit ang edukasyon, di sana’y nahahasa ang mga mamamayan na matutong mag-isip. Ngunit hindi nila ginagawa, dahil takot sila sa edukadong masa. Historically speaking, bakit ayaw ng mga Kastila na matuto ang mga Indiyo? Hindi ba’t dahil takot silang maunawaan ng mga Pilipino ang ginagawa nilang panlalamang sa bayan? Dahil tiyak, lalaban ang mga ito kapag nalaman nilang mas mayroon silang karapatan sa lahat. Ganoon din ang matagal nang ginagawa sa atin ng gobyerno. Ngayon natin tantiyahin, malaya ba talaga tayo kung ginagawa lamang tayong alipin sa sarili natin bayan?

Sa ngayon, wala pang lunas ang sakit na kanser, kagaya ng hindi malunas-lunasan kanser ng lipunan. Gumising ka, baka isa ka na rin sa mga cancer cell na nagpapahina ng immunity ng bansang ito. Hindi ako nagmamalinis. Utak-kolonyal din ako, hindi mawawala iyon. Ngunit sa ganang akin, mayroon tayong kaniya-kaniyang gampanin para makatulong sa pagpapayaman ng loob para mas maging maganda ang kaanyuang panlabas ng bansa. ‘Wag nating hayaang tagatanggap lamang tayo. Panahon na rin siguro para tayo naman ang magdikta, para sa pagbabago.


-FIN

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pokus ng Pandiwa: Direksiyonal at Sanhi

Mga Salitang Magkakatulad at Magkakaugnay

Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo