Ang Keyboard Warriors at ang Citizen Journalism

Ang Keyboard Warriors at ang Citizen Journalism:
Sipat sa mga Sitwasyong Pang-Media
ni Kristine Mae N. Cabales

Introduksiyon
            Nakaugat sa sikolohiya ng lahing Pilipino ang pagpapahalaga sa kapuwa bilang pundamental na bahagi ng kaniyang pamumuhay. Binibigyan natin ng kakaibang pagtingin ang kahalagahan ng pakikipagkapuwa at ang magaang pakikipag-ugnayan sa kapuwa. Ang kapuwa para sa atin ay hindi “iba” gaya ng pagpapakahulugan ng Ingles na “others”. Ang kapuwa (tayo) ay itinuturing nating kabahagi ng panloob na aspekto ng bawat indibiduwal. Ang ganitong obserbasyon ng pakikipagkapuwa ng mga Pilipino ay sinusuportahan ng mga artikulong inilabas ng Inquirer.net sa mga nagdaang taon.
Matagal nang kinikilala ang Pilipinas bilang “text messaging capital of the world” base sa bilang ng pagkonsumo ng pre-paid at post-paid loads. Taong 2015 naman nang ilabas ang artikulong kumikilala sa bansa bilang “most social nations”, ito naman ay batay sa survey na isinagawa ng Opera Mini na sumusukat sa bilang ng pinakamaraming populasyon ng nagla-log-in sa isang partikular na lugar. At sa kanilang pinakabagong artikulo na inilabas noong Enero 2017, kinilala ang Pilipinas bilang “World’s No. 1,” sa usapin ng oras na inilalaan sa paggamit ng mga social networking sites. Ang lahat ng ito ay nagpapatunay lamang na tayo, kahit na kabilang sa maliit at third-world country, ay kinikilala pa rin at nakikilala pa rin sa mga pandaigdigang usapin. Dangan nga lamang, hindi natin masasabi kung ang ganitong kategorya ba ng pagkilala ay nagiging adbentahe para sa atin.
            Binanggit ni Dela Peña (2016) sa kaniyang pag-aaral na pinamagatang “OPLAN CYBER TOKHANG: Pagsusuri sa Kasalukuyang Papel ng Social Media sa “War on Drugs” ng Rehimeng Duterte” ang esensiyang ginagampanan ng mga social networking site sa mga panlipunang isyu sa kasalukuyang panahon. Ayon sa kaniya, malaki ang papel ng social media sa kasalukuyang estado ng pampolitikang kamalayan ng mga tao sa loob ng isang lipunan. Isang magandang halimbawa rito ang matinding transisyon na naganap sa pagpapalit ng pangulo sa nagdaang halalan. Itinuturing ito ng ilan bilang isang malaking rebolusyon na dulot ng matagal-tagal na ring paghahangad ng pagbabago.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, naitala ang EDSA People Power (1986) bilang isang malawakang pagkilos ng sambayanan upang labanan ang rehimeng Marcos/, gayundin upang maipaglaban ang mga karapatang pangmamamayan at demokrasiya sa pangkabuuan. Ngunit marami pa ring kritiko ang nag-aaral at patuloy na bumabatikos sa kung ano nga ba talaga ang magandang naidulot ng EDSA Revolution. Makalipas ang tatlumpung taon, mayroon nga bang pagbabagong naganap sa bansa? Nakatulong nga ba ito sa sambayanang Pilipino? O nag-iwan lamang ito ng pangakong pinaniwalaan ng ilan, at hanggang ngayo’y pinanghahawakan? Bagaman ang EDSA Revolution ay magandang halimbawa ng payapang pagkilos, nakatulong nga ba ito sa pagpapaunlad ng kamalayang pampolitika ng mga mamamayan? At sa panahon natin ngayon, gaano na nga ba katalas ang kamalayan ng mga Pilipino sa usaping politikal at sosyal ng bansa?
            Sa papel na ito, tatangkain kong bigyan ng silip ang ilang mga penomenong nagaganap sa bansa at kung papaano nga ba dumudulog ang mga mamamayan ukol dito. Titingnan din ang mahahalagang gampanin ng social media tungo sa pagpapaunlad ng mga mamamayang produktibo at kapaki-pakinabang. Itatampok sa papel na ito ang iba’t ibang danas ng bansa at kung papaano nakatutugon sa mga hamong kalakip nito ang mga mamamayan, partikular ang mga kabahagi ng penomenong pang-media.

Ang Retorika ng Change is Coming, Ka-DDS!
            Saan mang lunan o larang ay hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng kompetisyon sa pagitan ng mga magkakatunggaling partido. Lagi’t laging naghahanapan ng butas at nagpapalakasan ang mga ito sapagkat pangunahing layunin nilang makalikom ng suporta mula sa nakararami. Ito rin ay kalikasang hindi maitatatwa ng politika. Maaaring sabihin na sa lahat ng lunan at larang ay mayroong politika. Ang politika ay hindi lamang basta patungkol sa pamahalaan, bagkus ang politika ay matatagpuan din bilang malaking sistemang pumapaloob sa isang buháy na organisasyon.
Kinikilala ng buong daigdig ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pinuno, ang iba’y pinamumunuan ng hari o reyna (sa kaso ng Inglatera), o di kaya’y prime minister sa mga tradisyonal na bansa, at karamihan nama’y pinamumunuan ng presidente o pangulo bilang commander-in-chief ng mga bansang ito. Sa kaso ng Pilipinas na isang “demokratikong bansa” na kumikilala sa karapatan ng mga mamamayan na maghalal ng magiging pangulo, sampu ng kaniyang magiging katuwang sa pamahalaan, naluklok sa pinakamataas na posisyon ang kinikilalang berdugo ng Mindanao taong 2016, si Presidente Rodrigo “Digong” Roa Duterte, ang kauna-unahang pangulo na nagmula sa kapuluan na may malaking bilang ng mga Muslim sa Pilipinas.
Isang dekada ang nakalilipas, naitala sa papel ni Jenifer Padilla (2006) na pinamagatang “Kalagayan ng Sining at Kultura sa Panahon ng Globalisasyon” na wala pa sa kalahati ng kabuuang populasyon ng bansa ang naniniwala na may pag-asa pang makaahon ang Pilipinas. Katwiran nila, hindi nila nararamdaman ang mga tulong ng pamahalaan at nananatili pa rin silang lubog sa kahirapan at kagutuman. Patunay rito ang inilabas na survey ng Asian Development Bank (2000) patungkol sa poverty rate ng bansa, naitala nilang 33.7% o umaabot sa 30 milyong Pilipino ang nagsasabi na sila ang nakararanasan ng kahirapan. At ang bilang na ito ay kakatwang tumataas pang lalo habang pinaiigting naman ng pamahalaan ang globalisasyon sa bansa. Ito ang ironiyang lumulutang sa mga kalagayang panlipunan sa bansa.
Simple ang pormulang ibinibigay ng mga penomenong ito, naglipana ang mahihirap na pamayanan sa paligid ng mga imprastrakturang dapat sana’y nagsasaad ng pag-unlad. Ipinakikita lamang nito na nananatili pa rin ang mukha ng kahirapan sa likod ng sinasabing “pag-unlad” ng ekonomiya. Kaya naman nang gamitin ang linya ng #ChangeisComing, walang duda kung bakit pumatok ito sa tao, ito ang pundamental na kailangan ng nakararaming pamayanan sa bansa. Malinaw ang kanilang hinihiling―ang pagbabago.
Ang kasabikan ng mga mamamayan ng bansa sa isang malawakang pagbabago ay kagustuhan ng lahat, at sa matagal na panahon matapos ang pangako ng EDSA Revolution, dumating ito, ang panibagong pangako na may kurot sa tao. Ngunit kagaya nga ng binanggit ni Padilla, ang pundamental na pagbabago sa takbo ng lipunan partikular ng pamahalaan ay kahingian din ng pagbabago sa kultura ng bansa. At dahil na rin sa malawakang pagbabagong hinihingi ng tao sa administrasyon at ng administrasyon sa tao, malaki ang ginampanang tungkulin ng social media upang magkaroon ng kongkretong ugnayan ang mamamayan at ang pamahalaan. Bagaman, naoobserbahan naman na natin sa mga nagdaang administrasyon ang ganitong kalakaran, record breaking pa rin talaga ang pagkakapanalo ni PRDD nang dahil sa dami ng suportang kaniyang natatanggap gamit ang social media.
Sa katunayan, ang terminong DDS na talamak na ginagamit saan man espasyo sa Internet ay nangangahulugan “Duterte Die-hard Supporters”, at ang bilang ng mga mamamayan sa social media (netizens) na ito ay hindi biro, at tumutukoy rin sa iba’t ibang antas ng pamumuhay. Patunay ito na naging mabisa ang retorikang ginamit ng sinumang nag-isip ng “Change is Coming” bilang tagline ng tumakbong opisyal. Dagdagan mo pa ng label na “tapang at malasakit” at samu’t saring pakulo sa social media (anekdota, video, at iba pa) kaya naging malaking hatak talaga ito sa tao. Lumalabas na naging susi ang “retorika ng political advertisement” sa pagkapanalo ni PRDD. Sapagkat makalipas ang isang taon ng panunungkulan, nananatili pa ring mataas ang trust rating ng pangulo kumpara sa mga nagdaang pinuno ng bantas dahil na rin sa patuloy na pagsuporta ng DDS gamit ang iba’t ibang social networking sites.

SM Trolls
            Ang mga Social Media Troll o SM Trolls ay isinasakatauhan sa iba’t ibang paraan. Ngunit karamihan dito ay mga indibiduwal na gumagamit ng mga pekeng account (pagkakakilanlan) para magdagdag ng kalituhan sa iba pang mga netizen. Ang salitang “troll” o “internet trolling” ay sinasabing halaw mismo sa nilalang na nilikha ng mga kuwentong-bayan mula sa ibang bansa (trolls), na tumutukoy sa isang masama, magulo, at malimit na nagtatagong lamanlupa. Ito ay bahagi ng “urban legend” kaya naman nakatatak na ito sa mga tao. Ayon sa blog na inilabas ng Lifewire, ang mga troll sa social media ay maihahalintulad din talaga sa mga troll na nilikha sa mga kuwento, sapagkat gaya nito ang mga internet troll ay nagtatago lamang sa likod ng kanilang mga computer unit at may layuning magdudulot ng kaguluhan sa iba pang gumagamit ng social media. Sa madaling sabi, ang mga internet troll ay yaong mga netizen na matapang lamang dahil hindi naman nila nakikita nang personal ang mga tao o organisasyong kanilang kinakalaban. At gaya ng mga troll, ang layunin ng mga internet troll na ito ay manira, manggulo, at magdulot lamang ng kalituhan sa nakararami.
            Madalas gamitin ang terminong internet troll kaugnay ng mga poser account (peke o hindi totoong profayl ang nakapaloob), diumano’y ang mga ito ay nakatatanggap ng bayad mula sa mga taong naglalayong masira ang dignidad ng isang personalidad o organisasyon gamit ang social media. Ang black propaganda sa kasalukuyang panahon ay madaling naisasagawa sa pamamagitan ng social media gamit ang konsepto ng “internet trolling” na ito.

Tokhang Syndrome
            Nang opisyal na ideklara ng pamahalaan si PRDD bilang pangulo ng bansa, na may pangakong wakasan ang suliranin sa ilegal na droga sa loob ng tatlong buwan, lumutang ang iba’t ibang kaisipan sa mga mamamayan. Ang iba’y nagalak, dahil malaki ang tiwala nilang makakayang sugpuin ang suliranin na ito, sa agarang pamamaraan. Ang iba nama’y nangamba sapagkat usapin ito ng buhay ng nakararaming ordinaryong mamamayan.
Mula sa papel ni Dela Peña, ang “TokHang” o Tukhang ay isang operasyong unang ipinakilala sa Davao, kung saan ang mga pulis ay kumakatok sa mga tahanan ng mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng ilegal na droga upang hikayatin silang tumigil na sa paggamit at pagbebenta nito. Ang “Tokhang” ay isang konstraksyon ng mga salitang Bisaya na “toktok” (katok) at “hangyo” (pakiusap) ay isa na ngayong popular na termino sa “war on drugs” ng rehimeng Duterte (Hapal, 2016).
Sa kasalukuyang pagtatala, umabot na sa walong libong katao ang napapatay na diumano’y may kinalaman sa ilegal na droga. Inusig ito ng mga taong salungat sa ganitong klaseng kalakaran, higit lalo ang CBCP at CHR, sapagkat ayon sa kanila maraming inosenteng mamamayan ang nadadamay, at maging ang mga totoong nagkasala ay dapat pa rin sanang mabigyan ng pangalawang pagkakataon. Dangan, inilalagay ng kapulisan ang batas sa hindi pantay na pagtingin. At ito ang nakikita ng publiko na mali sa ganitong klaseng sistema.
            Gayunpaman, sa kabila ng pambabatikos na ito’y patuloy pa ring sinusuportahan ng marami ang Oplan Tokhang dahil nakikita ng mga tao ang paunti-unting pagbabago na ipinangako ni PRDD. Aminado naman siyang magiging madugo ang pamamaraang ito, ngunit matibay ang kaniyang paninindigan na ito ang kailangan ng bansa upang hindi tayo mapigilan sa pag-unlad. Gayundin, ang ilegal na droga ang itinuturing niyang ugat ng samu’t saring krimen sa lipunan at maging ang korupsiyon sa pamahalaan.
            Gaya ng nabanggit, ang Tokhang ay isa na ngayong popular na terminong ginagamit ng mga mamamayan, lalo sa social media. Ang nakababahala lamang, ang terminong ito’y nakaugat sa pagiging “vigilante” ng mga mamamayan, gayundin hindi maiaalis na kaugnay ng terminong ito ang extra judicial killings na nagaganap din sa kasalukuyan, ngunit ginagamit ito ng mga mamamayan (netizen) bilang pangkaraniwang terminong iniuugnay nila sa pagiging “adik” ng isang tao. Halimbawa, ang iyong pisikal na kaanyuan ay payat at may mabibilog na mga mata, gagawing biro ang pagsasabi sa iyo na “malapit ka nang matokhang”. Ipinakikita lamang nito na hindi sapat ang edukasyong (sa usapin ng pagkatuto) ibinibigay sa atin ng malawakang paggamit ng social media. O maaari din nating sabihin na kabahagi ito ng sikolohiya natin, ng yupemismo, o dapat sabihing pag-uuyam (sarcasm), kung saan ang isang negatibong bagay ay sinisilipan pa rin natin ng kagandahan o di kaya’y ginagamit sa katuwaan upang mas maging magaan. Ang Tokhang Syndrome ay naging kabahagi na ng cyber bullying sa kasalukuyang panahon.

EJK Conspiracy at Narco-Politics
            Ang Extra Judicial Killings (EJK) o “serye” ng pagpatay sa isang mamamayan ng isang awtoridad ng gobyerno nang hindi naparurusahan sa kahit na anong legal na proseso o judicial proceedings ay mariing itinatanggi ng rehimeng Duterte. Gayong malinaw ang layunin ng Oplan Tokhang, at ang pagbibigay niya (PRDD) ng basbas sa kapulisan na “pumatay kapag nanlaban” pinapabulaanan pa rin niya ito. Ayon sa mga tagapagsalita ng administrasyon, ang tumataas na bilang mga napapatay sa pagdaan ng panahon ay nangangahulugan lamang ng pagbaba ng bilang ng mga biktima ng ipinagbabawal na gamot.
            Gamit ang social media, nagkakaroon ng iba’t ibang conspiracy o teorya kaugnay ng usaping ito, na nagiging problematiko para sa nakararaming mamamayan sapagkat hindi na malaman kung ano at sino ba talaga ang dapat na paniwalaan. Lalo na’t naglipana ang iba’t ibang Facebook fan page at SM Trolls na nagpapakalat ng mga pekeng balita gamit ang social media. Sapagkat malaki ang impluwensiya ng social media sa mga tao (netizens), mabilis na naipakakalat ang mga magkakaibang kuwentong ito na lalong nagdudulot ng kalituhan at sigalot sa magkakatunggaling partido.
            Ang EJK ay isa lamang sa mga isyung pampolitika na nagiging palaisipan para sa mga mamamayan. Nagbubunga ito ng samu’t saring negatibong tugon mula sa mga tao ngunit sa tulong social media at mga ka-DDS, napabubulaanan ang isyung ito na humahantong sa panganganak ng panibagong isyu. Halimbawa, nang mariing usigin ni Sen. De Lima ang isyu ng EJK, nagkaroon ng kontra-imbestigasyon ang administrasyon sa senadora at humantong sa pagpaling ng mga isyu ng narco-politics sa kaniya. Sa huli, pinagpiyestahan sa social media ang buhay ng senadora na sa kasalukuyan ay nakakulong at patuloy na dinidinig ang kaso.
            Ipinakikita lamang nito na kahit ang ganitong malalaking isyung panlipunan ay kayang-kayang maiwaglit sa isipan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng “mass brain-washed” gamit ang social media. At oo, negatibo ito sa pagtingin, na karamihan sa mga Pilipino ay madaling mapaniwala sa mga prinsipyong ipinalulutang ng mga aktibong at/o dominanteng netizens.

Dilawan Chronicles at Dutertismo
            Ang mga penomenong nagaganap sa espasyo ng social media ay isang larawan ng pagkakahati-hati ng mga mamamayang Pilipino, lalo’t higit sa usaping politikal. Nagiging instrumento ang social media upang magpakalat ng mga black propaganda at iba’t ibang paraan ng paninira sa mga magkakatunggaling partido. Ito ang malungkot na realidad, sapagkat pinalalayo at pinaiigting lamang natin ang sigalot at pagkakahati ng bayang kinabibilangan natin. Halimbawa, ang pagsilang ng mga “Dilawan” o “Yellowtards” na katunggali naman ng mga DDS o tinatawag din “Dutertards”, ito ay mga bansag sa mga grupong hayag ang pagsuporta sa kaniya-kaniyang partido. Ang mga nagbabanggaang panatiko na ito ay nagdudulot ng hindi angkop na ugnayan para sa isang produktibong pamayanan. Senyales lamang ito na ang bawat partido ay hindi ganoon kabukas sa pagpapailalim at paninikluhod sa mas dominanteng partido.
            Noong Halalan 2016, bukod sa pagiging record-breaking ng pagkapanalo ni PRDD, kaliwa’t kanan din ang mga lumabas na isyu maging sa personal na buhay ng mga politikong tumakbo. Halimbawa, ang isyu ni Marcos na nais bawiin ang posisyon noon ng ama na iniuugnay sa pagtakbo ni PRDD. Ayon sa mga katunggali, ginagamit lamang ni Marcos ang pakikipagkaibigan kay PRDD upang makabawi at maiahon ang dingal ng pamilya Marcos. Gayundin, pilit iniuugnay sa pangalan ni PRDD ang Martial Law, kaya may bagong terminong ipinanganak at tinawag na “Dutertismo”. Samantala, sa kabilang panig naman ay nilalabanan ang mga paniniraang ito ng mga DDS sa pamamagitan ng pagpapalutang ng iba’t ibang kapalpakan ng nakaraang administrasyon. Maging ang mga kontrobesyal na isyu ay inaanalisa na rin sa pamamagitan ng social media, halimbawa ang isyu ng pagpapabaya sa pondo at relief goods na para sana sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Sa pagkakataon na nagkakaroon ng isyu si PRDD hinggil sa kaniyang kakaibang estratehiya sa pamamahala, naririyan ang mga DDS upang agarang pabanguhin ang kaniyang pangalan, ito ay magandang sistema ng kanilang political advertisement. Dangan nga lamang, lagi’t laging kaugnay ng pagpapabangong ito ay kinakailangan ng ibang tagasuporta ang manira sa kabilang partido, na siya namang nagdudulot ng gulo at lalong tunggalian sa birtuwal na espasyong ito.

Keyboard Warriors bilang Organic Intellectuals
            Ayon kay Bienvenido L. Lumbera, pambansang alaga ng sining, malaki ang ginagampanang tungkulin ng mga aktibong mamamayan sa pagpapaunlad at pagtupad ng mga pangarap para sa kanilang pamayanan. Kung ang mga mamamayan ay naghahangad ng radikal na pagbabago sa kanilang pamumuhay, kahingian din ito ng pagbabago para sa kanilang pagkilos. Ang pagiging produktibo bilang kaugnay ng salitang aktibismo ay nagpapatunay lamang na ang taong buháy ay aktibong miyembro ng isang pamayanan. Ngunit paano nga ba natin sinusukat ang pagiging aktibo ng isang mamamayan?
            Sabi nga ng motto ng Kalayaan ATIN Ito Movement, “Patriotism is a lifetime struggle...”―panghabambuhay, hindi ito natatapos sa panandaliang pagpapakita ng malasakit sa bayan, lalo na sa mga panahong sa tingin mo ay doon lamang kailangan. Ang pagiging makabayan ay dapat na isinasapuso, isinasaisip, at isinasagawa/isinasakilos, ito ang panata nating mga Pilipino, ngunit sa panahong ito kung saan karamihan sa atin ay aktibo na lamang sa birtuwal na espasyo, nagagampanan pa kaya natin ang tungkulin natin sa bayan?
            Gaya ng binanggit sa unang bahagi ng papel na ito, naglipana sa mga social networking site ang iba’t ibang anyo ng internet trolling. At karamihan sa mga ito, negatibo ang ibinubunga sa nakararaming mamamayan. Gulo ang pangunahing layunin ng mga troll na ito. Ngunit sa papalalίm na pagkakasangkot ng mga mamamayan (netizen) sa mga isyung pampolitika sa pamamagitan ng social media, hindi rin kataka-taka na nagagamit din natin ang birtuwal na espasyo na ito upang makapagkamit ng kaalaman at mapaunlad pang lalo ang ating kamalayan.
            Hindi naman talaga maitatanggi na sa mga unang bugso ng “tunggaliang pang-media” o “cyber clash” na may kinalaman noon sa halalan (2016) ay naging agresibo ang mga netizen sa pagpapakalat ng kung ano-ano mang propaganda upang maipakita ang suporta nila sa kanilang kandidato. Binansagang “keyboard warriors” ang mga netizen na marubdob na tagapagtanggol ng mga politikong ito, halimbawa ay ang mga DDS na nauna nang nabanggit. Ngunit sa paglipas din ng panahon, at baka dahil sa tunggaliang (clash) ito, napilitang mag-analisa ang mga tao. Sapagkat bilang isang keyboard warrior, sampal sa iyo kung hindi mo kayang panindigan ang panig mo. At dahil ito ay isang sistema ng argumento, matatalo ka kung wala kang ebidensiyang maihaharap sa tao. Sa ganitong punto, ang mga netizen ay hindi lamang basta mamamayang nagpapakita ng pagkaagresibo lamang, kundi ipinakikita nito ang isang ideyal na larawan ng mga mamamayang “nag-iisip”.

Kongklusyon: Ang Citizen Journalism
            Dala ng mga pagbabagong nagaganap sa iba’t ibang aspekto ng panlipunang pag-unlad, naririto ang hindi maiiwasang pagkakaroon ng positibo at negatibong resulta. Kasabay rin nito’y hinihingi ang pangangailangan sa mas matalinong pagtingin upang maiwasan ang problemang maaaring maidulot nito sa pangkabuuan.
            Halimbawa, ang dapat sana’y sensitibong pagpapakalat ng mga impormasyon gamit ang media ay nababahiran na rin ng sistema ng politika, kung saan maging ang media na dapat sana’y may pantay na pagtingin ay nagkakaroon ng pagkiling sa isang panig ng katotohanan. Ang mga pangyayaring ito ang siyang nagdudulot sa tao ng pangamba na baka nga hindi na nila maaaring pagkatiwalaan ang mga sangay na dapat sana’y pumoprotekta sa kanila. Na sa kabilang banda ay nagdudulot din naman ng positibong resulta, nanganganak ito ng kaisipang tumutulong sa pagpapaunlad ng mga indibiduwal na kamalayan ng mga mamamayan. Batay sa mga obserbasyon, at kung ikukumpara sa mga nagdaang panahon, mas agresibo ang pakikisangkot ng mga mamamayan sa anumang estado ng buhay (edad, kalagayang sosyal, relihiyon, at iba pa) sa kasalukuyan. Totoong naging malaki ang gampanin ng mga social networking site sa pakikisangkot na ito.
            Pinaigting ng madaling pag-access na ito ang “citizen journalism” na tumutukoy sa mga mamamayang bukás sa pagbabahagi ng kanilang mga obserbasyon sa lipunan sa pamamagitan ng matapang ng pagsusulat at pagpapabatid ng mga nakalap na impormasyon.  Sa puntong ito, ang mga mamamayan (netizen) na mismo ang nagkakaroon ng mabigat na responsibilidad sa tamang paghahatid ng mga impormasyong ito, dahil gamit ang social media, malawak ang maaaring maging impluwensiya nila sa mga tao. Ang mga Facebook fan page, blogspot, news websites ay mga aytem din na pinagkukunan natin ng mga impormasyon na ito, maaaring hawak ng grupo o di kaya’y iisang tao, mas malawak ang impluwensiya ng mas kilalang organisasyon, at minsan mas nakikila dahil na rin sa kung sino ba ang pinapanigan nito. Mahalagang maunawaan natin ang kapangyarihang ibinibigay sa atin ng social media upang magamit natin ito sa wastong paraan.

Sanggunian
Dela Peña, Gerome. OPLAN CYBER TOKHANG: Pagsusuri sa Kasalukuyang Papel ng Social Media sa “War on Drugs” ng Rehimeng Duterte. Journal, 2016
Padilla, Jenifer. Kalagayan ng Sining at Kultura sa Panahon ng Globalisasyon. Online Journal, wordpress.com, 2014

Yu, Rosario T. Bayan at Lipunan: Kritisismo ni Bienvenido L. Lumbera. UST Publishing House. España, Maynila. 2005

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pokus ng Pandiwa: Direksiyonal at Sanhi

Mga Salitang Magkakatulad at Magkakaugnay

Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo