Emotionally Damaged K--
“Pero
iniwan mo ako ‘nun”
Habang
abala ako kagabi sa harap ng aking “bagong ayos” na laptop (hindi pa rin ako
makaget-over sa gastos, bruh), sumusulyap-sulyap din ako ng panonood sa Goblin.
Hindi naman talaga ako sumusubaybay pero nasusundan ko ang kuwento dahil common
sense lang naman ang pag-unawa sa mga teleserye o kung anuman na may ganoong
tema. “Common sense”, bago ako awayin ng mga nag-aadik sa Kdrama, hindi
negative ang ibig kong sabihin sa “common sense”. Lahat ng bagay ng trending o
viral ay nagiging common o pangkaraniwan na lamang sa ating sense o kamalayan.
Kaya isa pang pag-unawa sa “common sense” ay ang pagiging kolektibo ng
kamalayan ng mga taong tumatangkilik sa isang partikular na penomena, o di ba,
nailusot! Pero iyon talaga ‘yun.
Ito
ang linya...
“Pero
iniwan mo ako ‘nun...”
Kasabay
ng pagpungay ng mga mata ng bidang babae na tila nagbabadya ng pagpatak ng
luha. At kasabay rin nito ay ang pamumuo ng luha sa gilid ng aking mata. Alam
kong korni, pero sadyang mababaw ang luha ko. Sa katunayan, hanggang ngayon,
naluluha pa rin ako.
Hindi
ko sigurado kung sadyang magaling lang talagang gumanap ang artistang iyon, o
baka naman sadyang convincing lang ang boses ng dubber pero talagang tumagos.
Iyong tipo ng senaryong biglang nag-slowmo ang lahat? Tapos bigla kang pumasok
sa teleserye. At bigla-bigla, ikaw na ‘yung bida. Ikaw ‘yung bidang
nakararamdam ng first-hand pain. ‘Yung nadudurog ka rin kahit na ang dumudurog
lang naman sa kaniya ay ang alaala ng nakaraan.
“Pero
iniwan mo ako ‘nun...”
Noon...iniwan
siya noon. Kung hindi ako nagkakamali, iniwan siya ‘nung bidang lalaki dahil
nagsakripisyo ito upang hindi mamatay ‘yung babae. Pormula na naman ng tragic
love story, may isang magsasakripisyo at may isang maiiwan. Siguro nga,
naka-relate lang talaga ako sa kuwento. Pero sa puntong ito, sa akin lang iyong
trahedya. Baka nga sa akin lang din ‘yung love story. Ako ‘yung nagsakripisyo
at ako rin ang naiwan? (*insert unli-laughs)
Pero
hindi naman siguro, pinalalala ko lang ang kuwentong simple lang naman sana pero
dahil nasasaktan pa rin ako kaya kumakapit pa sa akin ang alaala? Hindi ko rin
talaga alam, baka pinipili ko lang din talaga ang masaktan. Pero ang bigat lang
‘nung linya. “Pero iniwan mo ako ‘nun...” Sana puwede itong usalin kahit kailan
mo gusto, para mailabas mo ang hinanakit saan man at kahit kanino. Sana puwede
itong isumbat sa mga taong nang-iwan sa iyo, para hindi mo sinosolo ang sakit
at ang mga tanong na, “Bakit ba ako laging iniiwan?” Pero ayokong masyadong
maging madrama. Unang-una, hindi naman ako iyong bida. Idagdag pa na pantaserye
lamang iyon. At siyempre, hindi naman ako Koreaboo para gustuhing maging
Koreana, though undoubtedly makikinis talaga sila. Pero hindi iyon ang punto,
ang punto ay hindi iyon ang kuwento ko. Hindi ganoon kasaya. Walang
tagapagligtas. Walang malulungkot kapag nawala ako kahit ilang minuto lang.
Walang magsasakripisyo para sa akin. Walang iiyak dahil sa malayong pagtanaw
lamang sa akin. Walang ganoon, at hindi ko naman kinukuwestiyon ang existence
ko sa mundo kahit na wala ako nang mga iyon. Ang mahalaga, buhay ko.
Marami
pa akong pagkakataon para hanapin ang esensiya ko sa mundo. Naniniwala akong
ang tao ay hindi lang nabubuhay para maglabas ng carbon dioxide sa mundo.
Mayroon tayong kaniya-kaniyang dahilan, purpose kaya nabuhay at nabubuhay pa
tayo. At iyon ang tungkulin nating hanapin at gampanan.
Ayaw
kong maging tulad ni Goblin, walang hanggan ang sakit na nararamdaman. Ayaw
kong maging tulad ‘nung bidang babae, nakatali sa sakit ng nakaraan. Gayundin,
iyong may-ari ng coffee shop ba ‘yun? Nagpapanggap lang siyang hindi
nasasaktan. Ayaw kong maging kagaya nila. Ayaw kong magpatali sa dikta ng
tadhana. Natatakot din akong maging Grim Reaper, luha niya ang pinakasalita.
Ayaw kong maging sila, gusto kong maging
ako, kahit na iniwan niya rin ako noon at hindi na nagbalik pa.
-Bb. Stella Fate
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento