Hindi na kita mahal
Hindi na kita mahal
Hindi...na...kita...mahal!
Mahal, hindi na kita mahal.
Matagal-tagal na rin...
Hindi ko tinutukoy yaong tagal ng pagkakawalay
Ngunit ang tagal nang magsimulang mawala ang pagmamahal.
Aaminin ko, kumapit pa tayo, ako
Pero ang totoo,
Hindi na kita mahal.
Patawad,
Pero nagsimula ito
Noong nagkukuwento ako
Habang ikaw nakatututok sa phone mo
Galak na galak ako noon
Unang beses akong napuri sa trabaho
At ikaw, napasigaw
Dahil 49% lang ang attack mo.
Tanda mo pa,
Iyong ginabi ako sa daan
Nagpasundo ako sa’yo
Pero ang sabi mo malaki na ako
Nakatatawa lang,
Kasi noong nanligaw ka, baby ang tawag mo
Kaya sabi mo susundui’t ihahatid mo ako.
E yung unang away nating dalawa?
Tanda mo pa ba?
Yung nag-chat yung ex ko
Tapos galit na galit ka
Umiyak ka noon at nagsorry ako.
Pero naalala mo rin ba nung
Nagparamdam yung ex mo,
Nakangiti ka noong sinabi
At tinanong kung nagseselos ba ako.
Hindi ako sumagot.
Nakapako lang ang mga mata ko,
Sa mga ngiti mo.
Mahal matagal-tagal na rin.
Nagsimula ito dahil sa nagpatong-patong na sakit.
Sa maliliit na selos na hindi pinansin.
Sa mga nang-agaw ng atensiyon mong dapat sa akin.
Sa mga birong totoo ngunit tinawanan mo.
Sa mga pasaring na hindi mo pinakinggan.
Sa mga luhang nangilid pero hindi mo nabantayan...
Hanggang sa tuluyang pumatak...
Ang patak ng unang luha ng pagkadurog ko nang dahil sa iyo...
Ang unang luha na pinakawalan ko kasabay ng pagpapakawala ko
sa iyo.
Dahil sa mga puntong iyon alam kong tuluyan nang nagbago.
Nagbago ang mga bagay na sa una’y hindi ko maamin sa sarili
ko.
Ang pag-amin na gaya ng iba’y
Susuko’t bibitaw lamang din pala
Sa mga pangakong matagal-tagal
Ding pinanghawakan at iningatan
Iningatan kasabay ng pag-iingat
Sa hindi dapat sana pagpatak
Ng luhang mapagpalaya.
Pero mahal, patawad.
Dahil hindi ko na napigil,
Patawarin mo ako
Dahil mas pinili kong mahalin
Sa puntong ito,
Ang sarili ko.
-Stella Fate
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento