Nosyon ukol sa Kulturang Umiiral sa Kasalukuyang Pamahalaan: Suri at Hambing

Nosyon ukol sa Kulturang Umiiral sa Kasalukuyang Pamahalaan: Suri at Hambing
ni Kristine Mae N. Cabales

Introduksiyon
Isang dekada ang nakalipas, nakapaglathala si Jenifer Padilla ng isang artikulo na naglalahad ng kalagayan ng sining at kultura sa panahon ng globalisasyon. Ito ang iniulat ko sa klase namin sa Kulturang Popular. Payak lamang ang pagpapaliwanag at pagbibigay ng mga halimbawa ni Padilla, kaya agad ko namang naunawaan ang paksang aking tatalakayin sa klase. Direkta niyang iniugnay sa gobyerno ang mga kulturang umiral sa panahong iyon at ang mga suliraning panlipunan na idinudulot nito sa atin. Tayo bilang kasapi ng tinatawag na ‘bayan’ na siyang dapat pinaglilingkuran at dapat na naglilingkod din dito ay may responsibilidad na makialam sa mga ganitong klaseng isyu. Gaya nga ng sinabi ni Bienvenido L. Lumbera, pambansang alagad ng sining, ang diwa ng nasyonalismo (pagkamakabayan) ay makapangyarihan, ito ang humuhugis at nagbibigay lakas hanggang sa matupad ang lahat ng ating pangarap (para sa bayan). Mas malalim ang tinutuntungang ugat ng pagiging makabayan at ng pag-usbong ng nasyonalismo sa katauhan, ito’y may politikal na pagkakaiba rin. Magkagayunman, parehas pa rin itong umuugat sa mga kabutihang pambayan (lunan at nasasakupan).
Mahalaga na maging instrumento tayo sa pagpapamulat sa mga isyung panlipunan, partikular sa usaping pang-ekonomiya at politikal, upang magkaroon ng kamalayan ang nakararami na mayroong malaking sistemang nagkokontrol sa lahat ng uri, na siyang dapat kinikilala ng lahat upang malabanan ang panlalamang at pang-aapi sa mga mas nakabababang-uri. Gayundin, kung mauunawaan natin ang ganitong mga usapin, maaaring magkaroon tayo ng positibong ambag para sa pag-unlad ng bayang ating ginagalawan.
Sa papel na ito, tatangkain kong mabigyan ng pagsusuri at paghahambing ang kultura umiral sa panahong naisulat ni Padilla ang kaniyang artikulo, at ang pagbabagong naganap sa loob ng isang dekada sa patuloy na pagpapaigting ng globalisasyon. Sisikapin ding makita ang kaugnayan ng iba’t ibang artikulo na ginamit bilang lunsaran sa asignaturang tumatalakay sa industriyang kultural at iba pang salik na may malaking gampanin sa maaaring pagbabagong nagaganap sa sining at kultura ng bansa na siyang nagbunga ng kulturang popular.

Ang Retorika ng Change is Coming
            Kinikilala ng lahat ng bansa sa buong daigdig ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pinuno, ang iba’y pinamumunuan ng hari o reyna (sa kaso ng Inglatera), o di kaya’y prime minister sa mga tradisyonal na bansa, at karamihan nama’y pinamumunuan ng presidente o pangulo bilang commander-in-chief ng mga bansang ito. Sa kaso ng Pilipinas na isang “demokratikong bansa” na kumikilala sa karapatan ng mga mamamayan na maghalal ng magiging pangulo, sampu ng kaniyang magiging katuwang sa pamahalaan, naluklok sa pinakamataas na posisyon ang kinikilalang berdugo ng Mindanao, ang kauna-unahang pangulo na nagmula sa kapuluan na may malaking bilang ng mga Muslim sa Pilipinas.
Taong 2015 nang simulang mag-ingay ang pangalan ng kasalukuyang pangulo ng bansa na si Presidente Rodrigo “Digong” Roa Duterte (PRDD). Masasabing isang malaking rebolusyon ang kaniyang pagkakapanalo, landslide victory ika nga. Sa artikulong ni Gavilan (2016) sa Rappler na The many first of president-elect Duterte, iniisa-isa rito ang mga bagay na nakapagpapaiba sa kasalukuyang pangulo kung ikukumpara sa mga nagdaang pangulo ng bansa. Ayon dito, si PRDD ang kauna-unahang tumakbo nang diretso sa pagkapangulo na nagmula sa lokal na pamahalaan (bilang alkalde), unang pangulo na nagmula sa Mindanao (gaya ng nabanggit sa unahan), kauna-unahang pangulo na nahuli sa pagpasa ng kaniyang Certificate of Candidacy (COC) ̶ sapagkat ilang beses din siyang pinakiusapan ng pamilya na huwag tumakbo, unang pangulong kumikilala sa sarili na siya ay “sosyalistang pinuno” at makakaliwa, unang pangulong abogado ̶ sa loob ng tatlong dekada nang matapos ang termino ni Marcos, unang pangulong kauupo pa lamang ay mayroon ng nakabinbing plunder case na isinampa ng kalabang si Trillanes, unang pangulong hiwalay sa asawa at may bagong kinakasama, at unang 70 taong gulang na kumandidato at nanalo sa pagkapagulo ̶ kinikilala bilang pinakamatandang naluklok na pangulo ng bansa. Ilan lamang ito sa patunay na sadyang naiiba si PRDD kung ihahambing sa mga naunang pinuno ng Pilipinas, ngunit kung sisilipin ba ang kalakaran at takbo ng kasalukuyang pamahalaan, may ipinagkaiba rin kaya ito sa mga nauna?
Isang dekada ang nakalipas, naitala sa papel ni Jenifer Padilla na wala pa sa kalahati ng kabuuang populasyon ng bansa ang naniniwala na may pag-asa pang makaahon ang Pilipinas. Katwiran nila, hindi nila nararamdaman ang mga tulong ng pamahalaan at nananatili pa rin silang lubog sa kahirapan at kagutuman. Patunay rito ang mga inilalabas na survey ng SWS at iba pang NGO gaya ng Asian Development Bank patungkol sa poverty rate ng bansa, naitala nilang 33.7% o umaabot sa 30 milyong Pilipino ang nagsasabi na sila ang nakararanasan ng kahirapan (2000). At ang bilang na ito ay kakatwang tumataas pang lalo habang pinaiigting naman ng pamahalaan ang globalisasyon sa bansa. Ito ang ironiyang lumulutang sa mga kalagayang panlipunan sa bansa.
Naging maganda ang aming diskusiyon sa klase nang iulat ang mga librong pumapaksa sa siyudad ng mall, ang libro ni Tolentino patungkol sa pagsusuri sa SM Megamall at ang libro ni Nuncio na patungkol naman sa SM North. Simple ang pormulang ibigay kaya agad kong naunawaan ang nais sabihin ̶ naglipana ang mahihirap na komunidad sa paligid ng mga mall. At walang duda, totoo ito. Ipinakikita lamang nito na sa kabila ng pag-unlad sa mga imprastrakturang ipinatatayo, nananatili pa rin ang mukha ng kahirapan sa likod nito. Kaya naman nang gamitin ang linya ng #ChangeisComing, walang duda kung bakit pumatok ito sa tao, ito ang pundamental na kailangan ng nakararaming komunidad sa bansa. Malinaw ang kanilang hinihiling ̶ ang pagbabago.
Si PRDD isang 69 taong gulang na lingkod-bayan sa Davao noon, ang nakita ng mga tao na kanilang pag-asa, na ating pag-asa sa malawakang pagbabago ng bansa, kaya hindi kataka-takang naging penomenal ang kaniyang pagkakapanalo taong 2016. Kakila-kilabot ang mga video footage ng mga election rally, nagkaroon pa nga ng D-Day para sa Duterte, milyon ang bilang ng mga taong nagdagsaan doon. At ang bilang na iyon ay tumutukoy sa iba’t ibang antas ng pamumuhay ̶ mayaman, gitnang uri, at mga mahihirap na mamamayan ng Pilipinas.
Ang kasabikan ng mga mamamayan ng bansa sa isang malawakang pagbabago ay kagustuhan ng lahat, at sa matagal na panahon matapos ang pangako ng EDSA Revolution, dumating ito, ang panibagong pangako na may kurot sa tao. Ngunit kagaya nga ng binanggit ni Padilla, ang pundamental na pagbabago sa takbo ng lipunan partikular ng pamahalaan ay kahingian din ng pagbabago sa kultura ng bansa. At gaya ng pangako at tagline ni PRDD na #ChangeisComing, tiniyak niya ang agarang aksiyon ng gobyerno sa mga suliraning panlipunan, partikular ang kaniyang kampanya laban sa ilegal na droga at ang kaniyang pangakong paglilinis nito sa loob ng tatlong buwan. Hindi man ito nakamit ng 100%, nakita naman ng mga tao ang malaking kaibahan ng pamamahala sa ganitong mga suliranin kung ikukumpara sa mga nakaraang administrasyon. Marami mang bumabatikos ay nananatiling mataas pa rin sa trust rating ng pangulo sa mga umiiral na social survey sa bansa.

Sosyo-Ekonomiko at Politikal na Estado ng Bansa
            Bago pa man magpalit ng administrasyon ang Pilipinas, maingay na ang mga pandaigdigang isyu na may direktang kinalaman sa bansa. Ang subprime crisis ng UN, ang lumalakas na Russia, ang giyera sa gitnang asya, ang isyu ng Scarborough Shoal at ang pakikipag-agawan natin sa West Philippine Sea, at marami pang ibang isyu na humahantong lamang sa takot na baka maipit ang isang maliit at third-world country na gaya ng Pilipinas. Bilyon ang bilang ng mga OFW na nakakalat sa iba’t ibang panig ng daigdig, hindi rin biro ang buwis na kanilang ambag sa bansa, at kung magkagulo man sa mga pandaigdigang isyu na ito, isa sila sa mga direktang maaapektuhan at posibleng mapahamak. Bago pa maupo sa puwesto si PRDD, ilang beses na ring nakapagtala ng engkwentro ang mga Pilipino sa mga sundalong Tsino (patungkol sa isyu ng West Philippine Sea). Lantaran din ang kanilang pagtatayo ng base sa Scarborough, pagpapakita lamang ito na hindi sila takot na kalabanin ang Pilipinas, maging ang Asean Federation. Matagal itong pinagdebatehan nang walang naman ibinibigay na solusyon. Naging isyu rin nang sagutin ni PRDD ang isang tanong sa meeting de avance, na handa siyang sumugod sa Tsina nang mag-isa, sa ngalan ng kaligtasan ng mga naaapektuhang mangingisda sa hilagang bahagi ng bansa. Ayon sa ilan, wala raw sa lugar ang kaniyang katapangan, at wala rin naman talagang duda na matapang at walang preno sa pagsasalita ang pangulo. Ngunit ayon sa mga political analyst, ang ganitong pag-uugali ng pangulo ay nagiging adbentahe pa rin para sa kaniya dahil isa pa rin ito sa mga bagay na nagpapaiba sa kaniya kumpara sa mga nagdaang pinuno ng bansa.
Nagkaroon ng panibagong isyu nang simulan niya (PRDD) ang pakikipagpulong sa mga bansang sakop ng papalakas na Eurasian Union. Ang pagsasama-sama ng papalakas at patuloy na lumalakas na bansang Russia, China, at India ay kinakikitaan niya ng mga potensiyal na tulong at adbentahe para sa bansa. Hindi man hayag sa publiko ngunit ito ang estratehiya ng pangulo upang makaiwas sa posibleng digmaang Tsino-Pilipino. At dahil sa pakikipagkaibigan niya sa panibagong unyon na ito, hayag din ang kaniyang unti-unting pagtiwalag ng koneksiyon ng Pilipinas sa Amerika. Inaakala ng nakararami na hindi natin kayang gawin ang pagtiwalag na ito sapagkat sa mahabang panahon ng “pakikipagkaibigan” (tingnan, Benevolent Assimilation, 1898) sa Amerika at pagiging kasapi ng UN, masasabi may tulong din naman ito sa ating bansa. Ngunit kung pag-aaralan lamang at tatalakayin sana sa publiko sa pamamagitan ng edukasyon, UN ang totoong nakikinabang sa likas na yaman ng bansa. Kaya nga ang pagsabay natin sa globalisasiyon ay hindi tuwirang nangangahulugan na umaangat na tayo dahil nananatili pa rin ang katotohanan na ang Pilipinas ay kabilang sa third-world country, mahihina at kinokontrol lang ng mga bansang may kakanyahan pagdating sa industriya ng produksiyon.
Ang kasalukuyang sitwasyong ekonomiko ng bansa sa mga pagbabagong ito ay hindi pa agarang kakikitaan ng resulta. Marahil, nasa pambungad na proseso pa lamang tayo. Ngunit binabanggit naman sa mga balita, lalong-lalo na social media, ang iba’t ibang positibong tugon ng mga bansang kinakausap ni PRDD, partikular na nga ang berdugo ring si Putin na presidente ng Russia. Takot ang ilan sa mga pagbabago ito, lalo na siguro ang mga kapitalistang hindi tumutugon sa pangangailangan at karapatan ng kanilang mga manggagawa, dahil isa rin ito sa tinututukan ng pangulo, ang mapagbuti ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino, abroad man o naririto sa bansa. Sinususugan din ni PRDD ang pagbabasura ng kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa, nga lang, nakabinbin pa rin ito sa korte dahil sa ibang haligi ng pamahalaan na kailangan din magdesisyon. Kung titingnan lamang sana ang dalawang mukha ng pamahalaan sa kasalukuyan, makikita kung paanong hinahatak pababa ang mga magagandang plano ng pangulo para sa mga mamamayan. Isang magandang halimbawa rin dito ang pagbabasura ng confirmation ng ilang mga itinalagang gabinete ng pangulo. Si Gina Lopez na hayag ang pagtutol sa mga ilegal na mining company na sumisira nang husto sa kalikasan ng mga lalawigan ay hindi pinaburan, sapagkat katwiran ng decision body ay hindi raw kwalipikado ang ginang at nagkakaroon ito ng isyu sa mga big time na kapitalista, dahil sa pansamantalang pagpapasara niya ng transaksiyon ng mga kompanyang ito. Isa lamang itong hayag na pagpapakitang ang batas ng mga may pera ang siyang laging masusunod sa mga ganitong pagkakataon.
Kung susuriin nating maigi ang larawan ng ating pamahalaan at ang epektong idinudulot nito sa atin sa kasalukuyan, makikita nating ang mga pangkaraniwang mamamayan ng bansa ang siyang naiipit sa mga nagbabanggaang puwersa sa loob ng malaking sistemang pinaandar ng gobyerno at mga kapitalista. Sa madaling sabi, kahit na sino pa ang umupo bilang pangulo ng bansa, mahihirapan pa rin tayong makaalpas sa mga panlipunang suliranin na ito sapagkat may mas malaking sistema sumisira at nagkokontrol sa loob nito. Naitala sa survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority, na kada dalawang taon, sa parehong mga panahon ay bumababa ng halos tigdadalawang porsiyento sa kabuuang populasyon ng bansa ang bilang ng mga mamamayang nagsasabi na sila ay nakararanas ng kahirapan. Kung ikukumpara sa 30.7% na naitala noong taong 2000, bumaba sa 21.6% ang bahagdan nito sa survey na isinagawa noong 2015. Bukod pa rito ang survey sa bahagdan ng mga Pilipinong nagsasabi na sila ay nakararanasan ng matinding kagutuman. Sa ibang mga bansa, nakabatay sa bahagdan ng kagutuman at kahirapan ang pag-unlad nito, sa kaso ng Pilipinas, masasabi bang umuunlad ang bansa kung bumababa ang bahagdan ng mahihirap? Ito nga ba ang magdidikta ng sosyo-ekomikong kalagayan ng bansa?



Kongklusyon
            Sa patuloy na pagpapaigting ng “globalisasyon” sa bansa tungo sa pakikipagsabayan sa pandaigdigang merkado, makikita ang positibo at negatibong dulot nito sa atin. Ayon nga kay Gerry Lanuza, ang Pilipinas ay nananatiling semi-kolonyal dahil hindi pa rin tayo makatakas sa anino ng mga dating nanakop sa atin. Gayundin, ang isang maliit na bansa ay mahihirapang umahon sa usapin ng ekonomiya kung tayo’y magsasarili lamang, at ito ang katotohanan. Ngunit hindi rin naman ito nangangahulugan na kinakailangan nating magpasakop at magpakontrol na lamang sa pangkabuuan, sapagkat maraming potensiyal ang ating bansa sa pandaigdigang merkado. Ang lakas-paggawa, talento, sining, kultura, at kaisipang Pilipino ay hindi maitatatwang “world class”, kayang-kaya nating makipagsabayan. Dangan lamang, sa pakikipagsabayang ito, nalilimutan nating bitbitin ang dingal ng ating bayan. Ang nangyayari ay napag-iiwan ang kultura na marapat sana’y bitbit natin saan man tayo magpunta. Kung ikukumpura lamang ang mga kulturang pinalutang ni Padilla sa kaniyang papel, lumalabas na magpasahanggang ngayon ay nananatili pa rin ang mga ito ̶ ang laganap na militarisasyon sa mga katutubong lupain na humahantong sa pagpapalayas sa mga katutubo sa sarili nilang lupa, ang romantisasyon sa kalagayan ng mga Badjao na bumaba upang manlimos sa kamaynilaan, ang komesiyalisasyon sa turismo na lalong pinaiigting at nagbibigay ng malaking kita sa bansa, at ang iba’t ibang mukha ng korupsiyon na nakikita ng lahat, ngunit hindi matapos-tapos. Sa nagdaang isang dekada, ilang opisyal ng gobyerno ang dumaan sa pagdinig sa korte, kakatwa nga na ginagawa na lamang nating biro na kapag bumaba sa puwesto ang isang pangulo, susundan na ito ng pagsasampa ng kaso at pagkakulong, gaya ng nangyari kay dating PGMA. Mayroon din tayong mga senador na kasalukuyang nakakulong. At patuloy na naglalabasan ang mga isyung pang-ekonomiya at pampamahalaan na lantad sa publiko, sa tulong na rin ng social media. Sa ganang akin, malaking tungkulin ang ginagampanan ng social media upang maipamudmod sa publiko ang mga isyu at suliraning ito. Ngunit kaakibat din nito ay mabigat na responsibilidad sa pagpapakalat ng mga sensitibong impormasyon. May “ilang” intelektuwal din ang ipinanganganak ng social media, ang mga tao (netizen) ay kinakailangang mag-isip nang intelektuwal upang hindi agarang mahusgahan. Sa panahon natin ngayon, ito ay isang pangangailangan. Magandang isipin na malaki na ang gampanin ng mamamayan sa pagreresolba ng mga isyung ito. Ngunit kasabay nito, mayroon ding mga negatibong dulot ang malaganap na paggamit ng social media sa mga ganitong pagkakataong.

-Fin




Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pokus ng Pandiwa: Direksiyonal at Sanhi

Mga Salitang Magkakatulad at Magkakaugnay

Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo