Tip sa Pagsulat ng Tula
Ang
pagsulat ng tula ay hindi birong gawain. Nangangailangan ito ng mga pamantayan
na susukat kung ito ba ay magiging masining o hindi. Sa kasalukuyang panahon
kung saan lubos na tinatangkilik ng kabataan ang makabagong paraan ng panulaan
na tinatawag ding Spoken Words Poetry, hindi maitatatwa na mahusay ang
pagpapalutang ng sining sa mga akdang nalilikha nito. Maski ang mga awitin ay
nagsisimula rin sa isang tula. Ito’y nilalapatan lamang ng himig upang maawit
at maitanghal o maiparinig sa mga tagapagtangkilik ng sining na ito.
Sang-ayon
na rin sa kasaysayan, ang sinaunang mga pamayanan ay nagtatanghal ng kanilang
mga oral na tradisyon gaya ng pag-awit ng mga epiko, mga elehiya, pagbigkas ng
tanaga at diona, at marami pang iba na sumasalamin sa mayamang tradisyon at
kultura ng mga Pilipino bago pa man tayo masakop ng mga kanluranin bansa.
Ngunit
paano nga ba sumulat ng tula?
Lagi’t
laging binabanggit na sa pagsulat ng anumang akdang pampanitikan, mahalaga ang
pagkakaroon ng inspirasyon. Dito tinataya o tinitimbang kung ano nga ba ang
nais mong isulat, at kung para kanino o para saan ka ba magsusulat? Ano ang
layunin mo sa pagsulat? Saan ka ba maaaring kumuha ng inspirasyon?
- Maaari kang makakuha ng inspirasyon sa mga tao sa iyong paligid. Ang pakikipagkuwentuhan patungkol sa mga kaniya-kaniyang karanasan ay makatutulong upang mapalawak mo ang iyong imahinasyon. Maaari ka ring makapulot ng mga aral sa buhay mula sa karanasan ng ibang tao.
- Maaari ka ring makakuha ng inspirasyon mula sa sarili mong karanasan. Ang first-hand experience ay laging nagdudulot ng kongkretong reaksiyon mula sa mga bagay-bagay na iyong naranasan.
- Maaari ka ring makakuha ng inspirasyon mula sa mga nababasa at napakikinggan. Ang pagiging expose sa mga pagtatanghal ng sining ay magdudulot sa iyo ng malaking impluwensiya. Kung nanaisin mong pasukan ang mundo ng panitikan at sining, maiging buong puso mo muna itong tangkilik.
Ano ba
ang gusto mong sabihin?
Tandaan,
ikaw lang ang nakaaalam kung ano ba ang gusto mong sabihin, kung ano ang nais
mong isulat. Kung sa tingin mo ay nakahanap ka ng inspirasyon sa iyong
pagsusulat, dapat mo namang intindihin ang mensahe na iyong isusulat. Ano ba
dapat ang lamanin nito?
Nais
sabihin sa iyong sarili. Halos lahat ng manunulat ay nagsisimula sa paglalahad
ng kanilang personal na karanasan. Mula rito maaaring magsanga-sanga ang iba’t
ibang perspektiba na magpapaunlad sa kakanyahan sa pag-iisip ng isang tao. Ang
paglalahad ng sariling opinyon ay mahalagang puhunan sa pagsusulat.
Nais
sabihin sa mga tagapagtangkilik. Bilang nagsisimulang manunulat, tinatantiya
natin ang panlasa ng mga magbabasa o makakapagkinig ng iyong piyesang inihanda.
Kailangan buo rin sa isipan mo kung ano ba ang nais mong sabihin sa kanila.
Kailangang maging maingat ka sa bahaging ito sapagkat anumang isusulat mo ay
maaaring makaapekto o makaimpluwensiya sa pag-iisip, maging sa pamumuhay ng
iyong mga tagapagtangkilik.
Nais
sabihin sa lipunan. Lahat ng nagsisimulang magsulat ay may pangarap na balang
araw mabasa ng lahat ng tao ang kanilang mga isinusulat. Sa ganitong punto,
lumulutang ang tatlong senaryo sa buhay ng manunulat, (1) dahil gusto niya
lamang sumikat, (2) dahil gusto niyang yumaman, (3) dahil nais niyang
makaimpluwensiya sa iba. Ano’t ano man ang dahilan ng kaniyang pagsulat
kinakailangan na makapagpapakilos ito o makapagpapabago sa kaisipang namamayani
sa isang partikular na lipunan.
Ngayong
mayroon ka nang paunang balangkas para sa iyong pagsulat ng tula (layunin at
mensahe), piliin mo naman kung anong uri ng panulaan ang nais mong sulatin.
Mahalaga rin ang bahaging ito dahil ito ang nagdidikta sa kabuuang atake mo sa
pagsulat. Mayroong mga tinatawag na “dagliang tula” na binubuo lamang ng ilang
taludtod ngunit may mensaheng nilalaman. May ilan naman na “mahahabang tula” na
siyang itinatanghal, gaya ng Spoken Words Poetry at mga awitin. Maaari kang
pumili kung tradisyonal, blangko berso, o malayang taludturan na uri ng tula.
Dapat
tandaan na ang pagsulat ng tula ay laging nakadepende sa iyong layunin sa
pagsulat. Kailangang tayahin mo ang mensaheng nais mong sabihin sa
makakapagbasa o makakapakinig sa iyong piyesa. Ang mga akdang pampanitikang ito
ay nagdudulot ng impluwensiya sa kaniyang mga tagapagtangkilik kaya naman
nagiging responsibilidad ng manunulat ang damdamin at perspektibang lalamanin
ng kaniyang isusulat.
Mga Komento
Mag-post ng isang Komento