Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo

Ang Kaligirang Pangkasaysayan ng El Filibusterismo
Isa ang nobelang El Filibusterismo ni Dr. Jose Rizal sa mga natatanging akda na naisulat at tumatak sa kasaysayan ng rebolusyon at pagkilos ng lahing Pilipino. Kasunod ito ng naunang nobelang Noli Me Tangere na nailimbag noong Pebrero 1887 sa Berlin, Germany. Nang taong din iyon, nagpasya si Rizal na bumalik sa Pilipinas makalipas ang limang taon ng paglalakbay at pag-aaral sa Europa upang muling makapiling ang kaniyang pamilya at makapaglingkod sa kaniyang bayan bilang isang manggagamot. Ngunit dahil sa kontrobersiyang dala ng kaniyang unang nobela na naipakalat na rin sa Pilipinas, napilitan siyang lisanin ang bansa at muling maglakbay sa Europa dahil sa mga banta sa kaniyang buhay at kaligtasan ng kaniyang pamilya.
Dulot ng kaniyang mga namalas na pagbabago’t mga suliranin sa kaniyang bayan dahil sa mapang-aping pamamalakad ng mga ganid na prayle, muling sumikdo ang pagnanais ni Rizal na lumaban sa pamamagitan ng kaniyang panulat. Pinaniniwalaang sinimulan niyang isulat ang ilang bahagi ng kaniyang ikalawang nobelang El Filibusterismo na may saling “Ang Paghihimagsik” noong Oktubre 1887 habang siya ay nagpapraktis ng kaniyang panggamot sa Calamba, Laguna. Nang dumating siya sa London, gumawa siya ng maraming pagbabago sa banghay ng kuwento nito.
Kasabay ng kaniyang pagsusulat para sa nobelang ito ay ang balita ng mga paghihirap na dinaranas ng kaniyang mga kamag-anak sa Pilipinas dahil pa rin sa kontrobersiyang dala ng diumano’y subersibo o rebolusyonaryong Noli Me Tangere. Ginawa niya ang malaking bahagi ng nobela sa kaniyang paglalakbay sa Paris, Madrid, at Brussel. Dulot ng paghihirap ng kalooban at iba pang suliranin gaya ng usaping pinansiyal, hindi agad nailimbag ang aklat, bagaman natapos niya ang inisyal na manuskripto nito noong Marso 29, 1891 sa Biarritz, France.
Sa tulong ng isang kaibigan mula sa Paris, na si Valentin Ventura, naisakatuparan ang pagpapalimbag ng aklat na ito. Ngunit dahil limitado lamang ang tulong na kaniyang maaasahan mula sa mga kaibigan, napilitan si Rizal na ibaba ang bilang ng kabanata ng El Filibusterismo sa tatlumpu’t walong kabanata. Malayo ito sa animnapu’t siyam na kabanata ng Noli Me Tangere. Naipalimbag niya ito sa pinakamurang palimbagan na kaniyang natagpuan sa Ghent, Belgium noong Setyembre 22, 1891. Dahil sa malaking utang na loob at kasiyahan, ibinigay ni Rizal ang orihinal na manuskripto ng nobela sa kaibigang si Valentin Ventura. Ibinigay niya ito kalakip ang isang nilimbag na kopya na may sariling lagda.
Pinadalhan din ni Rizal ng mga kopya ng kaniyang nobela ang matatapat na mga kaibigang sina Dr. Ferdinand Blumentritt, Marcelo Del Pilar, Graciano Lopez Jaena, at Juan Luna. Pagkatapos ay ipinadala niya ang ibang kopya sa Hong Kong at ang iba naman ay sa Pilipinas.

‘Di naglaon, isang masamang balita ang nakarating kay Rizal. Nasamsam ang mga sipi ng kaniyang nobela sa Hong Kong at sinira naman ng mga Espanyol ang mga kopyang nakarating sa Pilipinas. Ang ilang kopyang naipuslit ang siyang nakapagbigay-sigla sa mga Katipunero upang labanan ang pamahalaang Espanyol at maibalik ang kalayaan ng Pilipinas.

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Pokus ng Pandiwa: Direksiyonal at Sanhi

Mga Salitang Magkakatulad at Magkakaugnay